Lycan LXIV: Ang Halik

1K 57 17
                                        

Lycan LXIV: Ang Halik

PASIMPLENG pinakiramdaman ni Lucien si Calix na kasalukuyang nasa ilalim niya. Magkalapat ang kanilang mga labi subalit kapwa ni isa sa kanila ay walang kumikilos. Hindi niya alam kung saan siya kumuha ng lakas upang halikan ito. Pero wala na kasi siyang ibang maisip na ibang paraan upang mapatigil ito. Ni hindi na nga siya nanlaban sa ginawa nitong pangdodomina at muling pag-angkin kanina dahil sa isiping baka kumalma ito. Napilitan pa nga siyang pilitin ang sariling tawagin itong kaniyang alpha dahil naaalala niyang naikuwento iyon sa kaniya ni Icien at kung ano ang naging epekto niyon kay Calix, pero wala. Wala ring nangyari.

Nang lumipas pa ang ilang segundo at wala pa ring naging reaksyon si Calix, dahan-dahang inilayo ni Lucien ang kaniyang sarili mula rito. Mukhang epektibo naman ang kaniyang ginawa dahil kalmado na ang pheromones nito ngayon. Hindi naman mapigilang pamulahan ng pisngi si Lucien nang madama ang kahubadan ni Calix, at sa katunayan, siya na lang mismo ang nagsisilbing takip sa hubad nitong katawan.

"Calix. Kumalma ka, at makinig muna sa akin." ang kaagad na bungad ni Lucien habang nakatingin sa mga mata ni Calix.

Napakunot naman ang noo ni Lucien nang hindi sumagot si Calix at nanatili lamang itong nakatitig sa kaniya.

"Calix?"

Nang hindi pa rin ito tumugon, nag-angat siya ng tingin at saka niya isa-isang tinignan ang tatlong mga lalaking dominanteng Lycan. Hindi naman na niya kailangan pang magsalita dahil isang tingin lamang niya sa mga ito ay nakuha kaagad nila ang kaniyang nais iparating. Dagli-dagling nagsipagtakbuhan ang mga ito palayo sa kanila. Nang masigurado na niyang wala na ang mga ito ay saka lamang niya muling ibinalik ang kaniyang atensyon kay Calix na noo'y tulala pa ring nakatingin sa kaniya.

Anong problema nito? ang nagtatakang tanong ni Lucien sa sarili.

"Calix?" ang muli niyang pagpukaw sa atensyon nito pero sa pagkakataong ito ay sinabayan na niya iyon nang mahinang pagtapik sa pisngi nito.

Dito naman tila natauhan si Calix at namumula ang mga pisnging napaiwas ito ng tingin sa kaniya.

"Ayos ka lang ba?"

Napatikhim naman ito bago sandaling napatingin sa kaniya at mas lalong pinamulahan ng mukha matapos dumako ang mga mata nito sa kaniyang mga labi. Muli itong napatikhim bago sumagot.

"Ah.. a-ayos lang."

Lalo namang naweirduhan si Lucien nang mautal ito. Akmang magtatanong sana siya nang bigla niyang maalala ang dahilan kung bakit sila nasa ganitong sitwasyon ngayon. Dagli-dagli siyang tumayo at hinubad ang suot niyang kapa at ibinigay iyon kay Calix. Tila wala naman sa sariling tumayo si Calix habang itinatapis sa beywang nito ang kapang ibinigay niya.

"Hali ka, dali! At sumunod ka sa akin."  ang tanging nasabi na lamang ni Lucien bago siya nagmamadaling pumasok sa loob ng kuweba.

Habang naglalakad sila papasok, maya't mayang nililingon ni Lucien si Calix na kasalukuyang tahimik at tulalang nakasunod sa kaniya. Kanina pa kasi ito ganito at kakaiba ang ikinikilos. Paano, magmula noong pumasok sila sa loob ng kuweba hanggang mangalahati na sila papasok sa loob ay nananatili pa rin itong tahimik at tulalang nakasunod sa kaniya. Sakto namang napatingin uli ito sa kaniya noong lingunin niya ito. At tulad sa mga nakalipas na minuto, kaagad itong napaiwas nang tingin kasunod nang bahagyang pamumula ng pisngi nito.

Halos mapabuntong hininga na lang si Lucien dahil sa labis na pagtaka. Nawi-weirduhan na siya kay Calix. Sa makailang beses na aksidenteng nagtama ang kanilang mga paningin, ito palagi ang unang nag-iiwas ng tingin sa kanilang dalawa, na susundan pa nito ng pasimpleng pagtikhim o bahagyang pamumula ng mga pisngi. Tapos ay muli siyang titignan at saka muling mag-iiwas ng tingin.

Fighting For Dominance (BL Novel/MPREG)Mga kuwentong kahuhumalingan mo. Tumuklas ngayon