XXIV.
Sunday.
Pasado alas-dos na nang makarating ako kina Matthew. Pagpasok ko sa malawak na mansyon, nakita ko si ma'am Anastasia na komportableng nakaupo sa sofa at nagbabasa ng libro. Hindi ko na sana ito iistorbohin at didiretso na sana ako ng hagdan nang mapalingon ito sa'kin kaya natigilan ako.
"G-Good afternoon po." bati ko.
Ngumiti naman siya. "Good afternoon, hija. Nasa taas si Matthew."
"Sige po, akyat na po ako." paalam ko at dumiretso na ako sa hagdan at umakyat.
Pagdating ko sa kwarto ni Matthew, naabutan ko itong nakaupo sa sahig sa tapat ng flatscreen TV at abalang naglalaro ng kanyang PS3. Ipinatong ko muna ang bag ko sa study table at saka ito nilapitan.
"Nandito na ako," sabi ko.
"O?" 'yan lang ang sinabi sa'kin ni Matthew. Tutok ang atensyon nito sa nilalaro niya.
"Mag-aaral na tayo," sabi ko pa.
Hindi naman niya ako kinibo at nagpatuloy lang sa paglalaro na para bang wala ako sa tabi niya. Hays.
"Matthew," tawag ko ulit sa kanya pero hindi pa rin niya ako pinansin. "Matthew Chua, ayaw mo ba talagang makinig sa'kin?!"
Padabog namang inilapag ni Matthew sa sahig ang hawak niyang controller ng PS3. Tumayo na siya at dumiretso sa studytable at naupo. Sumunod na rin ako. Nilabas ko na ang mga gagamitin namin at nagsimula na sa mga lessons.
"Okay ba? Naintindihan mo?" tanong ko kay Matthew matapos kong maipaliwanag ang isang lesson. Hindi naman umimik si Matthew, "Naintindihan mo ba?"
"Hindi," matipid niyang sagot.
"Pero pinaliwanag ko naman nang malinaw, alin bang hindi mo naintindihan dito sa lesson?" tanong ko ulit.
"Lahat," sagot ni Matthew. "Wala akong naintindihan ni isa. Wala akong ganang mag-aral ngayon."
Tumayo naman siya mula sa upuan niya at lumakad papunta ng pintuan. Bago pa man siya makalabas ay mabilis na rin akong tumayo sa kinauupuan ko.
"Bakit ba masyado kang apektado sa Liberty na 'yon?" naiinis kong tanong.
Natigilan naman siya pero hindi niya ako nilingon. "Pwede ba, huwag na huwag mo siyang babanggitin kahit kailan."
"Bakit? Dahil ba nasasaktan ka pa rin? Dahil ba..." natigilan naman ako sa sasabihin ko nang bigla akong lingunin ni Matthew at binigyan pa ako nito ng matalim na tingin pero hindi naman ako nagpatinag at nakipagtitigan din ako sa kanya, "Dahil ba mahal mo pa rin siya hanggang ngayon?"
Hindi naman nakasagot sa akin si Matthew. Ang kaninang matatalim niyang mga tingin ay unti-unting lumamlam. Kasabay niyon ang tuluyan niyang pagtalikod sa'kin at pag-alis niya ng kwarto. Naiwan tuloy akong mag-isa roon.
Nakaramdam naman ako ng pagkakonsensya sa sinabi ko ngayon-ngayon lang. Bakit ba kasi may mga pagkakataong hindi ko mapigilan ang bibig ko? Masyadong pahamak. Hay.
Iniligpit ko muna ang mga gamit sa mesa at naupo. Siguro kailangan kong humingi ng pasensya dahil sa ginawa ko kanina. Masyado akong natangay ng emosyon ko kaya hindi ko na naisip nang mabuti ang mga sinasabi at tinatanong ko. Nag-ipon muna ako ng lakas ng loob bago nagpasyang lumabas ng kwarto at hanapin si Matthew. Hinanap ko siya sa music room pero wala siya roon. Hinanap ko rin siya sa mini-living room sa second floor pero wala din siya roon. Nagdesisyon akong bumaba ng hagdan at nakita ko namang naroon pa rin si ma'am Anastacia na abala pa ring nagbabasa ng libro. Tahimik na sana akong lalakad noon para hindi ito maistorbo nang may bigla na lang kaming makarinig ng isang sigaw.
"Ngayon na! Bilisan mo!" boses iyon ni Matthew at sa tingin ko galing iyon sa kusina. Tama, saan pa nga ba pupunta si Matthew. Ang isang matakaw na halimaw na gaya niya ay isa lang ang pinagtatambayan - ang kusina.
Tutungo na sana ako roon pero napabaling ng tingin sa'kin si ma'am Anastacia kaya natigilan lang ako sa kinatatayuan ko. "O hija, nag-away ba kayo ni Matthew? Nagdadabog na naman kasi siya."
"Ah..eh..pasensya na po," paumanhin ko.
"Kausapin mo na lang siya. Mabait naman si Matthew at tiyak na magkakaayos din kayo," nakangiting sabi ni ma'am Anastacia.
"Opo, sige po." at ngumiti rin ako pabalik. Lumakad na ako patungong kusina.
Naabutan ko naman si Matthew na nakaupo sa tapat ng kitchen island at nasa gilid nito nakatayo ang isa nilang katulong. Kunot ang noo at galit ang itsura ni Matthew samantalang parang kawawang tuta naman kung titignan mo ang maid nila. Nakayuko ito at tahimik lang.
"Umorder ka na, dalian mo," ma-awtoridad na sabi naman ni Matthew. Para talaga itong papa niya kung magsalita minsan, iyong tipong nakakatakot kasi napakaseryoso at sa ayaw mo o sa gusto, kailangan mong sundin ang ipinag-uutos nito.
Tango naman ang isinagot sa kanya ng maid at nagmadali na itong umalis ng kusina. Nilapitan ko naman noon si Matthew pagkaalis ng maid nila. Hindi naman niya ako nilingon kahit pa alam kong alam niya na naroon ako.
"Matthew," tawag ko rito pero wala pa rin akong natanggap na sagot miski lingon man lang. "S-Sorry na."
Nung sinabi ko na 'yong salitang 'sorry' tsaka lang ako nito nilingon. Halos maningkit pa ang mga mata nito sa talim ng tingin niya sa'kin. Napayuko na lang tuloy ako ng ulo. "Sorry na kanina. 'Di ko kasi sinasadya ang sinabi ko. Kalimutan mo na."
"Wala ka sa posisyong mangialam sa buhay ko," iyan ang sagot na natanggap ko mula kay Matthew. Sapul naman ako sa sinabi niya, tama naman kasi siya.
"Sorry," ang tanging naitugon ko kasabay ng pag-angat ng ulo ko. Nakatingin noon sa'kin si Matthew pero hindi ko mawari kung galit ba ito. Hindi na kasi nakakunot ang noo niya 'di gaya kanina, "Sorry na talaga."
"Kahit ano pang mangyari sa buhay ko, wala kang karapatang mangialam sa'kin. 'Wag kang magtatanong. 'Wag kang manghihimasok. Ni magtaka tungkol sa mga nangyayari, wala ka ring karapatan. Tutor LANG kita. Ayokong nangingialam ka sa buhay ko at wala rin akong pakialam sa buhay mo, o kahit pa sa walang kwentang pagkahumaling mo sa walang kwenta kong kapatid."
A-Ano?
T-Tama ba lahat ng narinig ko? Tutor lang? LANG?
Hay. Ansama mo talaga, Matthew Chua. Ibang klase ka. Hindi ako makapaniwala na may isang taong katulad mo.
Halos matameme man ako sa sinabing iyon ni Matthew, pinilit ko pa ring makapagsalita. "Oo, alam kong tutor mo nga lang ako pero kahit na kinaiinisan kita nang sobra at kahit na madalas mo akong inaaway at inaasar, tinuturing pa rin kitang kaibigan."
Naramdaman ko naman ang pag-init ng gilid ng mga mata ko. Ang sakit kasi ng sinabi niyang iyon. Kahit pa napaka-immature niya madalas at kahit pa lagi niyang pinapaalalang panget ako, kaibigan pa rin ang turing ko sa kanya kasi akala ko, kahit inaalila niya ako, kaibigan din ang turing niya sa'kin. Pero 'yon pala, hamak na tutor lang ang tingin niya sa'kin. Para bang may kung anong matigas na bagay ang sumapol sa dibdib ko. Lalo pa't si Matthew ang kauna-unahang taong tinuring kong kaibigan. Takot kasi akong makipag-kaibigan noon dahil nga panget ako. Kaya ang marinig ang ganoon mula sa kanya, masakit talaga. Masakit. Sobra.
"Kaibigan? Wala akong kaibigan. Hindi ko kailangan ng kaibigan. Hindi ko rin kailangan ang pangingialam mo."
Sa sinabi niya pang iyon, parang may panang tumarak sa dibdib ko. At para bang sa bawat salitang binanggit niya, isang malakas na sampal ang nararamdaman ko. Nagkamali ba 'ko sa pagturing sa kanya bilang kaibigan?
Napakuyom ako ng mga kamay at pilit kong sinasabi sa sarili ko na huwag akong iiyak. Pero kung gaano ang pagpipigil ko, parang mas lalo pang namumuo ang luha sa mga mata ko. "A-Ansama mo..." 'yan na lang ang tanging nasabi ko. Baka kapag may iba pa 'kong sinabi ay tuluyan na akong maiyak sa harapan ni Matthew.
Nakatingin lang sa'kin nang diretso si Matthew. Blangko ang ekspresyon ng mukha niya na para bang walang pakialam kahit pa magngangangawa ako sa mismong harapan niya. Napayuko na lang ulit ako ng ulo sa pagpupumilit na makaiwas sa tingin nito. Tinitigan ko na lang ang sahig para na rin mapigilan ko ang pamumuo ng mgaluha sa mata ko. "Oo, masama nga ako. Lagi niyo namang sinasabi 'yan. Na masama ako. Kaya pinaninindigan ko lang ang tingin niyong lahat sa'kin."
Napabuntunghininga muna ako bago muling iangat ang aking ulo. Pag-angat ko ng ulo ko ay nakatingin pa rin sa'kin si Matthew. Pero ayoko nang makipagtalo pa. "Uuwi na 'ko."
Mabilis ko namang tinalikuran si Matthew at akmang aalis na pero bago pa man ako makahakbang ay nagsalita na ulit siya.
"Si Liberty..." pahabol ni Matthew kaya napahinto ako sa paglalakad, "Hindi siya pwedeng banggitin ng kung sino lang. Hindi pwedeng basta na lang may mangialam ng tungkol sa'ming dalawa dahil matagal nang tapos 'yon."
"Tapos?" sambit ko. Mas lalo ko pang naikuyom ang mga kamay ko at saka nilingon si Matthew. "Sigurado ka bang tapos na talaga iyon para sa'yo o baka ayaw mo lang mapag-usapan dahil hanggang ngayon apektado ka pa rin?"
Sige Felicity, barahin mo ang Matthew Chua na 'yan para man lang makabawi ka at kahit pa'no ay maiangat mo naman ang sarili mo ngayon.
"Apektado?"
"Kung hindi ka apektado, bakit ayaw mong naririnig ang pangalan niya? Kung hindi ka apektado, bakit marinig mo lang ang pangalan niya, nagagalit ka na?" sabi ko pa.
"Dahil galit ako sa kanya," giit ni Matthew.
"Galit? Ha!" sabi ko pa kasama ang isang sarcastic na tawa. "Sinong niloloko mo? Galit ka ba talaga sa kanya o baka naman hanggang ngayon MAHAL mo pa rin siya?"
Hindi naman nakasagot si Matthew. Napakurap na lang ito. Kahit hindi niya sabihin, halata namang tama ako. "Mahal mo rin siya, 'di ba? Kahit hindi mo aminin, madaling mabasa sa mga kinikilos mo."
"Hindi totoo 'yan," pagdidiinan pa ni Matthew.
"Kung talagang hindi mo na siya mahal, bakit hanggang ngayon 'di mo pa rin siya makalimutan? Bakit hanggang ngayon apektado ka pa rin sa kanya? Bakit hanggang ngayon ay--"
Naudlot naman ang sinasabi ko nang bigla akong hilahin sa kamay ni Matthew at mabilis na inilapat ang mga labi niya sa labi ko. Sobra akong nabigla sa ginawang iyon ni Matthew kaya para bang nanigas ang katawan ko. Nagpoprotesta ang utak ko pero pasaway naman ang katawan ko.. at ang mga labi ko.
//
[ Matthew's POV ]
"Kung talagang hindi mo na siya mahal, bakit hanggang ngayon 'di mo pa rin siya makalimutan? Bakit hanggang ngayon apektado ka pa rin sa kanya? Bakit hanggang ngayon ay--"
Mabilis kong hinila ang kamay niya at hinalikan siya. Alam kong hindi siya mananahimik maliban na lang kung hahalikan ko siya. Pero bakit ko naman gugustuhing halikan ang panget na 'to? Naguguluhan din ako minsan sa mga naiisip ko.
Pero habang tumatagal ay unti-unti na rin akong nahulog sa halik na 'yon. Hanggang sa naipikit ko na lang ang mga mata ko at kusa na lang gumalaw ang mga labi ko. At para ring may sariling isip ang mga kamay ko at napahawak na lang ako bigla sa mga pisngi niya habang patuloy pa rin ang paggalaw ng mga labi ko.
Hanggang sa may isang ala-ala ang bumalik sa isipan ko.
"Liberty, mahal kita," pagtatapat ko sa kanya.
"H-Huh? Matthew, alam mo namang boyfriend ko na si Skye," sagot ni Liberty.
"Wala akong pakialam, basta mahal kita. Mahal na mahal kita, Liberty."
Tatalikuran na niya sana ako pero inunahan ko na siya at hinila ko at hinawakan ko siya sa mga pisngi at hinalikan.
//
[ Felicity's POV ]
Nakakainis. Naramdaman ko na lang na nakikisabay ang mga labi ko sa paggalaw ng mga labi ni Matthew. Para bang hindi ko magawang bumitaw sa halik na iyon hanggang sa unti-unti kong ipinikit ang mga mata ko at dinama ang halik na iyon.
'Di nagtagal ay naglayo na rin ang mga labi namin ni Matthew. Iminulat ko na ang mga mata ko at nakahawak pa rin siya noon sa mga pisngi ko, nakapikit siya pero nagulat ako nang magsalita siya.
"Liberty..." mahinang sambit ni Matthew.
![](https://img.wattpad.com/cover/4498869-288-k862498.jpg)
BINABASA MO ANG
She's Ugly (Complete)
Teen FictionMatthew Chua has almost everything anyone wants. He's popular, rich, good-looking, and appealing. But there's one thing that's missing- the love of his life. On the other hand, Felicity Natividad is an average-- ehem not-so-good-looking young girl...