The Prince paramour 4

71 7 0
                                    

Pagkalipas ng Sampung Taon

"Mag-isip-isip ka, Remus. Hindi ko maaaring ipasa sayo ang korona bilang susunod na hari kung wala kang Reyna na maaaring magdala ng iyong tagapagmana. Ano ang iyong aasahan kay Aedrien? Hindi sya magbubuntis. Hindi ka nya mabibigyan ng iyong tagapagmana." Matigas na saad ng aking ama.

"Ama, maaari siguro akong kumuha ng isang babae na magdadala ng aking tagapagmana. Ngunit hindi ko ito maaaring pakasalan dahil si Aedrien lang ang nais kong iharap sa dambana." Pagpapaliwanag ko sa aking ama na kagyat na nagdikit ang mga kilay nang marinig ang aking sinabi.

"Naloloko ka na ba, Remus?! Baka nakakalimutan mo, LALAKI ring tulad mo si Aedrien! Paano mo sya maihaharap sa dambana? Paano tatanggapin ng kaharian na ang kanilang hari ay isang bakla?! Paano mo makukuha ang paggalang ng mga kapanalig nating kaharian kung malalaman nilang sampung taon ka nang nagtatago dito sa kaharian ng isang binata na iyong parausan?!" Nagliliyab na sa galit ang mga mata ng aking ama. At ganun din ang nararamdaman ko ngunit pilit kong pinahinahon ang sarili ko.

"Hindi ko lang parausan si Aedrien, Ama! Sa tingin mo, tatagal sya rito ng sampung taon at hahangarin kong pakasalan sya kung ganun lang ang silbi nya sa akin? Mahal ko sya, Ama!"

"Hindi ka mabibigyan ng tagapagmana ng pagmamahal na iyan, Remus! Sampung taon ko nang pinagbigyan ang kalokohan mo! Sampung taon kong tiniis ang kahangalan mo! Sa tingin mo, bakit hanggang ngayon, prinsipe ka pa rin at hindi hari?! Bakit sa tingin mo, hindi ko pa rin ipinapatong sa ulo mo ang korona?! Dahil iyon sa Aedrien na yun! Dahil hindi ka pa handang maging hari hanggang wala kang pinapakasalan at ihinaharap sa madla na prinsesang iyong magiging reyna at magdadala sa kanyang sinapupunan ng iyong magiging tagapagmana! At hindi si Aedrien iyon! Isaksak mo sa iyong utak na hindi si Aedrien ang karapat-dapat na maging reyna mo dahil lalaki syang tulad mo!" Nanginginig na sa galit ang hari. Dinuduro-duro nya na ako at kung hindi ko lang itinatanim sa isip ko na sya ay aking ama, baka kanina pa gumugulong sa lapag ang ulo nya.

"Itatak mo ito sa iyong isipan, Remus. Hindi ka magiging hari hanggang narito ang Aedrien na yan! Hindi ka magiging hari hanggang hindi ka nakakapili ng isang prinsesa na iyong magiging Reyna! Ngayon, mamili ka: si Aedrien o ang buong kaharian?!" Bulyaw sa akin ng hari.

Mahigpit ang pagkakakuyom ng aking mga kamao. Gusto ko na ang manakit. Mas gusto kong dumanak ang dugo kesa ang pagpiliin ako ng aking ama kung ang kaharian ba o si Aedrien. Kagaya ng pagmamahal ko kay Aedrien ang pagmamahal ko sa kaharian. Handa nga akong ibuwis ang aking buhay para lamang dito, para lalo itong lumawak at maging makapangyarihan sa lahat ng kaharian. Ginawa ko ito dahil gusto kong maging pinakamakapangyarihan na hari sa buong mundo. Ngunit magagawa ko bang kalimutan si Aedrien kapalit ng pangarap ko.

"Remus, pag-isipan mong mabuti. Ang kapakanan ng buong kaharian o ang kapakanan ng dadalawang tao lamang. Nagtataka na rin ang ibang hari kung bakit hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nakakahanap ng isang prinsesa. Unti-unti nang nawawala ang tiwala nila sayo bilang susunod na hari ng Helca. Hindi ka pa ba nagsasawa sa tuwing may humahamon sa kakayahan mo bilang susunod na hari?

Hindi mo habambuhay na maipagtatanggol ang sarili mo. Hindi mo rin habambuhay na maitatago si Aedrien sa silid mo. Kailangan mo nang kunin ang korona. Kailangan mo nang maging hari bago pa kumontra ang lahat ng kapanalig natin sayo. Kailangan mo nang pakawalan si Aedrien. Kailangan mo na syang ibalik sa kanyang pinanggalingan." Mahinahon na ang boses na payo sa akin ng aking ama.

Tama sya. Marami na ang mga prinsipe ang humahamon sa aking kakayanang mamuno. Taon-taon, may prinsipeng gustong agawin ang korona mula sa akin. Minamaliit ako dahil sa edad kong 29, wala pa rin sa akin ang korona. At tinatanggap ko ang kanilang hamon. Lahat ng aking nakalabang mga prinsipe ay bangkay nang umuuwi sa kanilang kaharian. At iyon ang nagpasimula ng pagrupok ng aming samahan sa kahariang kanilang pinanggalingan. Kanina nga ay may nagpa-abiso na naman. Yun ang dahilan kung kaya galit na naman ang aking ama sa akin.

CHROMIA SERIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon