The Secret Of The Dawn

104 8 0
                                    

PROLOGO

Sa pitong kontinente na mayroon ang ating mundo, may isang natatanging lugar kung saan nakatira ang mga kakaibang mga lahi na doon lamang matatagpuan. Mga lahing maituturing na kakaiba at mahiwaga, mga lahi na kung saan kahit sino man sa atin ay mahirap paniwalaan at ang lugar na ito ay tinatawag nilang CHROMIA.
Ang isla ng Chromia ay maituturing na mahiwaga at makapangyarihan. Hindi rin matatawaran ang yaman ng isla kahit na anong aspeto man yan. Sa likas na yaman ito ay nangunguna at ang mga buhay na namamalagi dito ay walang katulad.
Sa islang ito naninirahan ang dalawang angkan ng mga Lycans o mga taong-lobo. Isa sa mga ito ay ang angkan ng mga Uktera na sanay sa mga labanan. Hindi matatawaran ang kanilang angking lakas sa pakikidigma. Meron silang kakaibang kakayahan na kung saan kaya nilang sakupin ang anumang nais nila. Ang mga Uktera ay namamalagi sa hilagang bahagi ng isla. Kung inyong masisilayan ang kanilang anyo, para lamang silang mga normal na tao ngunit nagbabago ito kung kanilang gugustuhin. Sa kanilang pagpapalit-anyo, lumilitaw ang maiitim nilang balahibo, malalaki at matutulis na ngipin at mga kuko sa mga kamay at mga paa. Ang kanilang katawan ay nagkukorteng mabangis na hayop at ang kanilang mga mata ay nagbabago sa kulay dugo. Sila ay mapanganib na siyang iniiwasan ng isa pang angkan, ang angkan ng mga Fianna.
Ang angkan ng mga Fianna ay kabaliktaran ng mga Uktera. Sila ay nakatira sa timog na bahagi ng isla. Ang angkan ng Fianna ang may matalas na kaisipan. Hindi man sila sanay sa labanan, may angkin naman silang kakayahang gumamit ng mahika na dinagdagan pa ng siyensya at may natatangi silang kakayahan na sila lamang ang nakakagawa at yun ay ang kakayahan nilang magdala ng supling sa kanilang sinapupunan: lalaki man o babaeng Fianna. Sa tuwing nagpapalit ng anyo ang mga Fianna, lumalabas ang tila niyebe nilang balahibo. Hindi gaanong malalaki at matulis ang kanilang mga kuko at katamtaman rin ang laki ng kanilang katawan na parang normal lamang at ang kanilang mga mata ay kasing asul ng karagatan.
Sila ang dalawang angkan ng mga Lycans na naninirahan sa isla. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, payapa silang nagsasama. May kanya-kanya silang teritoryo na kinalalagyan at maganda rin ang relasyon ng mga ito. May iisang batas lamang silang sinusunod ngunit napagkasunduan ng dalawang lahi na walang pakialaman sa teritoryo o sa kanilang nasasakupan na siya namang sinang-ayunan ng magkabilang angkan.
"Pero Papa, hindi naman totoo yang mga kinukwento mo, eh! Ang gusto ko po ay yung totoo gaya na lang kung paano kayo nagkakilala ni Mama." Pagmamaktol ng walong taong gulang na bata sa kanyang ama. Napailing na lamang ang kanyang ama sa sinabi ng kanyang anak at hinaplos ang kanyang buhok.
"Masyado ka pang bata para sa mga ganun, anak. 'Di ba maaga pa ang pasok mo bukas? Matulog ka na para gwapo ka pa rin paggising mo." Pambobola ng ama sa kanyang anak. Wala ng nagawa pa ang bata kundi ang sundin ang nais ng kanyang ama. Umayos siya ng higa sa kanyang kama at ipinikit na niya ang kanyang mga mata. Ilang saglit pa ay naramdaman niya ang pagdampi ng mga labi ng kanyang ama sa kanyang noo bago siya tuluyang magapi ng antok.
Nasa kalagitnaan na ng pagtulog ang bata nang may marinig siyang ingay mula sa labas ng kanyang kwarto. Dahil sa ingay na ito, tumayo ang bata para tignan kung ano ito. Tumayo siya sa kanyang kama at pasuray-suray na naglakad patungo sa kanyang pinto. Pagbukas niya ng pinto, lumaki ang kanyang mga mata dahil sa kanyang nakikita. May nakatayong puting nilalang sa may pinto ng kwarto ng kanyang mga magulang. Gusto man niyang gumalaw at sumigaw ay hindi niya magawa dahil nagapi na siya ng takot at pangamba. Sa isang kisap mata, mabilis na nawala ang nilalang sa kanyang paningin. Kinusot niya ang kanyang mga mata para makasigurado kung totoo ba ang kanyang nakita. Tumakbo ang bata patungo sa kwarto ng kanyang mga magulang. Malakas niya itong kinatok at ilang saglit pa ay bumukas ito.
"Bakit gising ka pa, anak? Anong ginagawa mo dito?" Nagtatakang tanong ng kanyang ina sa bata. Inilahad naman niya kung ano ang kanyang nakita pero tinawanan lamang siya ng kanyang ina.
"Mama, naman eh. Hindi ka ba naniniwala sa akin?" Pagmamaktol ng bata sa kanyang ina.
"Eh, hindi naman kasi kapani-paniwala yang sinasabi mo, anak. Yan na nga ba ang sinasabi ko kay papa mo eh! Kung anu-ano ang ikwenekwento niya tungkol sa mga taong-lobo kaya ka siguro namamalikmata." Sagot ng kanyang ina sa kanya. Napabuntong hininga na lamang ang bata sa kanyang narinig at tinanong kung nasaan ang kanyang ama.
"Umalis siya, anak. May kailangan daw ayusin sa kanyang trabaho." Sagot ng kanyang ina. Nagtaka naman ang bata kung bakit umalis pa ang kanyang ama dahil malalim na ang gabi. Hindi na ba niya maipagpabukas ang trabaho niya at kailangan sa ganitong oras ay aalis pa ang ama niya?
"Matulog ka na ulit, anak. Bukas ay darating na rin ang iyong ama." Utos ng kanyang ina na agad naman niyang sinunod. Kahit na sigurado ang bata sa kanyang nakita, wala siyang magagawa dahil imposibleng magkaroon na ganoong nilalang sa kanilang tahanan kaya isinaisip na lamang ng bata na imahinasyon niya lamang ang lahat.
....
Lumipas ang ilang mga taon at binata na ang bata. Kakatapos niya lamang sa senior high school. Masayang nagseselebrasyon ang kanyang pamilya dahil sa kanyang pagtatapos. Maraming kainan at marami ring mga bisita. Pagkatapos ng handaan, tinawag ng mag-asawa ang kanilang anak para kausapin tungkol sa isang bagay.
"Anak, lilipat na tayo sa probinsiya sa susunod na araw at doon ka na rin mag-aaral." Sambit ng ama ng binata sa kanya. Tumutol ang binata sa sinabi ng ama dahil mapapalayo siya sa kanyang mga kaibigan kung lilipat sila.
"Makakakilala ka pa naman ng ibang mga kaibigan mo doon, eh. At kahit na anong dahilan mo ay wala ka nang magagawa pa. Napagdesisyonan na namin ito ng mama mo." Wala nang nagawa pa ang binata kundi ang umalis na padabog at nagtungo sa kanyang kwarto.
Dumating ang araw na pagluwas nila sa probinsya. Halos walong oras din ang byahe bago sila makarating. Pagkarating nila sa bahay na kanilang tutuluyan, agad na nag-ayos ang mag-anak ng kanilang mga gamit. Gabi na nang makapag-ayos sila kaya pagod na pagod silang lahat. Tumungo ang binata sa magiging kwarto niya para magpahinga. Hindi niya namamalayan, nakaidlip na pala siya.
Nagising ang binata dahil sa naririnig niyang usapan. Medyo malakas ang kanilang tinig kaya siguradong nagtatalo ang kanyang mga magulang. Bumangon siya sa kama at lumabas ng kanyang kwarto at pinuntahan kung saan nagtatalo ang kanyang mga magulang.
"Pwede bang huwag ka na lang pumunta doon? 'Di ba kinalimutan mo na ang lugar na yun?" Mula sa kinalalagyan ng binata ay kitang-kita niya ang kanyang ina na lumuha habang hawak-hawak ang kamay ng kanyang asawa.
"Hindi ko pwedeng pabayaan ang aking angkan, Shiela kaya kailangan kong pumunta roon." Sagot naman ng ama ng binata sa kanyang asawa.
"Ito, gamitin mo para makausap kita kapag nandoon na ako. Ito ay isang Renkin ng komunikasyon." Dagdag pa niya sa kanyang asawa sabay bigay ng isang polygon na may walong-sulok na bagay.
Hindi na napigilan pa ng binata na hindi lumabas mula sa kanyang kinalalagyan. Nilapitan niya ang kanyang mga magulang at tinanong kung ano ang nangyayari. Ipinaliwanag ng kanyang ama ang plano niya na umalis na muna dahil may aasikasuin lang daw siya sa naiwang trabaho niya at baka matatagalan siya. Wala naman nagawa ang binata sa sinabi ng kanyang ama.
Ilang araw na simula nang umalis ang kanyang ama. Dahil nasa probinsya sila ay wala masyadong pwedeng pagkaabalahan. Napatingin ang binata sa gubat malapit sa kanilang tirahan. Naengganyo ang binata dito kaya napagpasyahan niyang suriin ang loob ng gubat. Nagpaalam siya sa kanyang ina na mamasyal siya sa loob ng gubat. Sa una ay hindi pumayag ang kanyang ina dahil mapanganib daw sa loob nito. Hindi maintindihan ng binata ang sinabi ng kanyang ina kaya nagpumilit siya na kung hindi siya papayagan ay babalik na siya sa syudad. Walang nagawa ang kanyang ina kundi ang pumayag sa gusto ng anak.
Nang maayos niya ang lahat ng gagamitin sa isang gabing panunuluyan niya sa gubat, nagtungo na siya sa bungad ng gubat. Naglakad ang binata papasok sa gubat at unang tumambad sa kanya ang malamig na pakiramdam. Nagpatuloy ang binata sa paglalakbay sa gubat. Maraming mga punong kahoy ang makikita dito, may mga huni ng ibon siyang naririnig habang umaakyat siya.
Makalipas ang ilang oras na paglalakbay, napatigil ang binata dahil sa kanyang naririnig na pag-agos ng tubig malapit sa kanyang kinalalagyan. Tinunton niya ang pinanggagalingan ng tunog ng tubig at natigil siya sa isang talon. Namangha ang binata sa kanyang nakikita kaya dito niya napagdesisyonan na magtayo ng tent. Matapos niyang maitayo ang tent ay naghanda na siya dahil malapit na ring kumagat ang dilim.
Matapos siyang maghapunan, nagdesisyon ang binata na maligo sa may talon. Tinanggal niya na ang kanyang saplot at lumublob sa tubig. Sarap at ginhawa ang nararamdaman ng binata dahil sa lamig na dulot ng tubig. Inabala ng binata ang kanyang sarili sa paglangoy sa tubig. Nang mapagod ang binata, umupo siya sa gilid ng talon at pumikit. Malalim na ang gabi kaya umahon na siya sa tubig para magpahinga.
Sa pag-ahon ng binata ay siya naman ang pagbagsak ng isang nilalang mula sa taas. Nagulat ang binata dahil sa biglaang pagsulpot nito. Napaatras siya dahil sa takot at pangamba. Napansin niyang hindi gumagalaw ang nilalang na ito kaya dahan-dahan niyang nilapitan ang nilalang. Nang makalapit na siya dito ay pinagmasdan niya ito. Ginalaw niya ang katawan nito pero wala siyang napala kaya inayos niya ang nilalang na ito.
Mula sa ilaw ng buwan, nakita niya ang anyo ng nilalang. Wala siyang suot na pang-itaas at tanging punit na puting shorts lamang ang sa pang-ibaba. Puno ng sugat ang katawan nito at may dumadaloy pang dugo sa mga ito. Napaatras muli ang binata dahil sa kanyang nakita. Takot at pagtataka ang kanyang naramdaman. Hindi niya alam kung ano ang gagawin niya sa nilalang.
Ano ang nangyari sa nilalang na ito?
Sino at saan siya nanggaling?
Ano ang gagawin ng binata sa kanya?
Tutulungan ba niya ito o pababayaan?

sasuke21uzumaki

CHROMIA SERIESTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon