Chapter 6
Aedrien
Nararamdaman ko ang pagbuhat nila sa aking katawan na balot pa ng makapal na tela. Naririnig ko ang kanilang pakikipag-usap sa isang lalaki na tila ibinibilin nila ako rito. Naririnig ko na isasakay nila ako sa isang bangka at ihahatid sa isla ng Chromia. Magiging madali sa bangkero na maihatid ako doon dahil nagpapakita ang isla sa sinumang may dugo na galing sa isla. At dahil doon, muli akong napaiyak. Maibabalik na talaga ako sa Chromia.
Remus, nasaan ka na ba? Tulungan mo ako habang ako ay naririto pa sa iyong nasasakupan. Ayokong bumalik doon dahil natitiyak ko na kamatayan o pagiging alipin ang aking kahihinatnan sa aking pagbabalik doon. Tulungan mo ako. Mahal na mahal kita. Ayokong magkalayo tayo.
Iyak ako nang iyak. Hindi ko na alam ang gagawin ko.
Nang ilapag nila ako paupo sa kahoy na sahig at gumalaw ito ay nawalan na ako ng pag-asa. Alam ko na nasa isa na akong bangka. Lalong dumagsa ang luha sa aking mga mata. Labis ang sakit na aking nadarama. Ang takot sa mangyayari sa akin ay pumupuno sa aking buong sistema.
"Remus...
Remus...
Remus...!"
Tanging ang pangalan lang nya ang nasasambit ko. Napaiyak ako ng malakas.
"Arggh!" Napasigaw ako sa gulat at sakit nang may tumamang matigas na kahoy sa aking balikat. Kasunod nun ay ang malakas at pagalit na sigaw ng bangkero.
"Manahimik ka! Wag mong dalhan ng kamalasan ang ating paglalakbay dahil sa iyong pananaghoy! At wala kang karapatang bigkasin ng paulit-ulit ang pangalan ng mahal naming prinsipe na walang panggalang. Isa kang lapastangang alipin!" Isang palo pa ang ibinigay nya sa akin. Tumama iyon sa aking likuran. Napakagat ako sa aking labi upang pigilan ang aking pagsigaw sa sakit. Impit na lang akong napaiyak ng maramdaman ko ang pagtibok sa sakit ng mga bahagi ng aking katawan na nahambalos.
Remus, nasaan ka na ba? Nalaman mo na ba ang nangyari? Nakita mo na ba ang bangkay ni Angelica? Parang awa mo na. Ihingi mo ako ng tawad sa kanya. Namatay sya kapalit ng buhay ko. Namatay sya na wala man lang akong nagawa para sa kanya. Patawarin mo ako dahil wala man lang akong magawa. Patawarin mo ako at baka tayo ay hindi na magkita pang muli.
Impit na lang akong umiiyak habang patuloy ang aming paglalakbay. Manaka-naka din akong napapaidlip dahil na rin sa masalimuot na kalagayan ko ngayon.
Nagdaan ang maraming oras. Nalipasan na ako ng gutom at ngayon ay uhaw na uhaw. At kahit makapal ang telang nakabalot sa akin, naaamoy ko ang inihaw na manok na marahil ay binaon ng bangkero para sa aming paglalakbay. Pilit ko mang itinutuon ang aking pang-amoy sa hanging dala ng dagat. Ngunit lalo namang lumalakas ang amoy ng pagkain marahil dala na rin ng aking labis na pagkagutom. Muli akong napaluha. Nahahabag ako sa aking sarili. Nanumbalik sa aking isipan ang naging buhay ko sa palasyo kung saan ako ay alagang-alaga at ni minsan, hindi nalampasan ng gutom. Naalala ko kung paano mag-alala sa akin sina Remus at Angelica na ultimo ang kadulu-duluhan ng mga daliri ko sa aking mga kamay at mga paa ay pinagtutuunan nila ng pansin. Naaalala ko kung paano nila haplusin ang aking ulo, na ayaw nilang madapuan ang makinis kong balat ng anumang insekto. Naaalala ko ang mga yakap nila at halik na puno ng pag-aalala at pagmamahal. At ngayon ay wala na ang lahat ng iyon. Nawala na ang sampung taon na puno ako ng pag-aalaga at pagmamahal. Hindi na ako ang mahal na Aedrien nina Angelica at Remus. Isa na akong malaking balakid sa kanyang pagiging hari. Isang basura na kailangan pang ipatapon upang hindi maging tinik sa kanyang landas.
Muli akong napaluha. Tiniis ko ang aking gutom at pagkauhaw. Bahala na ang isla sa akin. Bahala na si Horus sa anumang kapalaran na naghihintay sa akin.
BINABASA MO ANG
CHROMIA SERIES
RandomChromia Series A pooled series of BxB authors with different stories under one banner series. Stories' genre: Fantasy, BxB, Mpreg Stories and Contributing Authors: Adamant sasuke21uzumaki BookSwaggin eiramslove FrustratedAtheist gingerbreadmans ...