Nakahanda na sila para sa paglalakbay pabalik sa lugar ng mga Kitsune. Naibalik na rin ang kapangyarihan ng kaniyang Tiyuhin ngunit hindi parin tiwala si Ila sa hangarin nito. May dalawang buwan at dalawang linggo na lamang sila na natitira bago manganak si Pika at hindi siya sigurado kung ano na ang lagay nito sa ngayon. Kinakabahan siya sa maaring lagay nito at ng kaniyang magiging supling.Naging maayos ang unang araw ng kanilang paglalakbay pabalik. Tumigil sila malapit sa sapa at naghanap ng kanilang makakain. Nangisda sila at nangaso ng ligaw na hayop at iyon ang kanilang niluto. Tahimil lamang siya at kahit minsan ay hindi niya tinitigan sa mukha ang kaniyang Tiyuhin dahil natatakot siya na bigla na lamang niyang saktan ito. Sa pagtulog ay nagpalitan sila sa pagbabantay sa paligid ngunit kahit na oras na niya upang matulog ay hindi siya nakatulog ng maayos dahil nangangamba siya na kitlin nito ang kaniyang buhay sa kaniyang pagkakahimbing.
Nagsimula ang panganib sa ikalawang gabi ng kanilang paglalakbay. Sa gitna ng dilim ay bigla na lamang may umatake sa kaniya na hindi niya makita. Nais niyang isisi sa kaniyang Tiyuhin ang pag-atake ngunit iba ang atake kesa sa kapangyarihan na gamit nito. Isa pa ay wala itong matatalas na kuko upang ipangsugat sa kaniya dahil tinanggal iyon at sinunog ang kaniyang daliri upang hindi na muli pa iyong tumubo noong panahon na ikulong ito. Dahil madilim ang paligid ay hindi nila makita ang pag-atake na nangyari.
Muli itong umatake at sa pagkakataon na iyon ay ang kaniyang Tiyuhin ang pinuntirya nito. Tinamaan ito sa dibdib at napaluhod sa lupa. Napakadaming dugo ang tumulo doon at agad niya itong nilapitan upang tulungan ito.
"Ayos ka lang? Kailangan mo'ng kayanin ito. Bwisit hindi ko makita ang kalaban." Galit na wika niya habang tinutulungan itong tumayo.
"Dahil hindi sila nakikita sa gabi. Natatandaan ko ang kapangyarihan na ito." Humihingal na wika ng kaniyang tiyuhin.
"Anong kapangyarihan?" Alerto siya at nagpapalinga-linga sa paligid. Nakataas ang depensa at pilit inaalam kung saan manggagaling ang pag-atake at kung anong klaseng nilalang ang mga ito. Oo, nararamdaman niya na hindi iisa lamang ang kaniyang kalaban.
"Hindi sila nakikita sa gabi Ila." Makahulugang wika nito.
"Ang lahi ng mga anino." Naningkit sa galit ang kaniyang mata nang mapagtanto ang sinasabi ng kaniyang tiyuhin. Naaalala pa niya ang muntik gawin ng isa sa mga ito kay Pika. Alam rin niya ang ginagawa ng mga ito sa mga nilalang na nadadakip nila.
"Ahh, naaalala mo pa pala kami... Argos, ang dakilang Heneral ng Tribu Lumos." Nakangising wika ng isang boses mula sa kung saan.
"Blanko! Ang kanang-kamay ng angkan ng mga anino." Makikita ang pagkamuhi sa mukha ni Argos nang banggitin nito ang pangalan na iyon.
Muling umatake ang mga ito at sa pagkakataon na ito ay handa na sila. Sabay na tumalon ang dalawa sa magkaibang direksyon at naiwasan ang lahat ng atake.
"Hindi ka parin nagbabago, ganoon ka parin kabili Argos! Sayang nga lamang at hindi nailigtas ng bilis mo ang buhay ng pinakamamahal mo!"
Dinig ni Ila ang sinabing iyon ng kanilang kalaban. Sinadyang isigaw upang madinig niya ang katotohanan. Alam niya kung sino ang pinakamamahal nito dahil sinabi iyon sa kaniya ng kaniyang ama. Kaharap siya nang umamin ito na mahal nito ang kaniyang Ina at napatay ito dahil hindi nito ibinalik ang pag-ibig na inialay dito.
"Manahimik ka!" Sigaw ng kaniyang Tiyuhin.
"Bakit? Dahil natatakot kang malaman ng anak ng iyong mahal na pumalpak ka sa misyon mo na bantayan ang buhay nito?" Nakaiinsulto ang bawat tawa na pinakakawalan nito. Naiisip ni Ila ang lahat ng hirap na dinanas ng kaniyang Tiyuhin sa pagkakakulong sa kasalan na iba ang may kagagawan. Ang kaniyang ina na namatay sa kamay ng iba. Ang pagkasira ng relasyon ng kaniyang ama at tiyo Argos bilang magkapatid. Ang pagtapos ng kanilang angkan sa buhay ng mga Elementa.
"Ahh, sya nga pala... marami ang nakaligtas noong gabi na iyon, sa mga Elementa dahil hindi naman nais ng inyong Datu na tapusin silang lahat.. kami ang totoong tumapos sa kanila upang makuha ang kanilang lakas at humaba ang aming buhay. Ngayon, ang tanong ko ay ito... nasaan ang huling Elementa? Ang kahuli-hulihang makahihigop ng kapangyarihan ng kalikasan at may kakayahan na gawing mortal ang kahit sino? NASAAN?!!"
Nanginginig sa galit ang buong katawan ni Ila. Ngayon ay hinahanap nila ang kaniyang mahal at gagamitin ito upang maging imortal sila. At ngayon ay ito pala ang totoong tumapos sa buhay ng mga Elementa at hindi ang lahi nila.
Bawat sandali na dumadaan ay tumitindi ang galit ni Ila. Naiipon din ang makapal na ulap sa paligid habang abala sa pagyayabang ang mga kalaban. Huli na nang mamalayan nila ang nangyayari at ang biglang paglakas ng kapangyarihan ni Ila. Malakas at puno ng galit ang pinakawalan nito bago ang itim na makapal na ulap sa kalangitan ay napuno ng walang tigil na pagdaloy ng kuryente. Natakot ang mga Anino dahil sa tuwing kikidlat ay nagbibigay iyon ng liwanag na nagpapakita sa kanila. Alam nilang walang silbi ang kanilang kapangyarihan sa matinding liwanag.
Sinubukan na tumakas ng lahat ngunit bawat takasan nila ay isang malakas na kidlat ang tumatama sa kanilang daraanan. Dumadaloy ang malakas na kapangyarihan sa katawan ni Ila at ang kaniyang mata ay parang inipon na kuryente dahil maliwanag iyon at kumikislap. Sa isang malakas na sigaw ay kumawala ang sunod-sunod at napakalalakas na kidlat at naglakbay mula sa kalangitan patungo sa lugar kung saan nakatayo ang mga anino.
Nakita sa buong isla ang ang malakas na kidlat na iyon at bawat nilalang ay nakatingin sa lugar kung saan tumama ang mga kidlat. Matapos iyon ay isang malaking bahagi ng isla ang naiwang abo na lamang. Isang tanda kung gaano kalakas ang bagong Datu ng Tribu Lumos.
Sa iba't ibang bahagi ng mundo ay mga kalat-kalat na kulog at kidlat ang nangyari kasabay niyon.
←◆→ ←◆→
Pagkagising ni Pika mula sa mahabang pagkakatulog ay si Ila agad ang kaniyang hinanap. Ngunit nang kaniyang maalala ang ginawa ng lahi nito sa kanilang lahi ay agad niyang iniwaksi sa kaniyang isipan ang ama ng kaniyang dinadala. Hindi man siya tinuruan ng kaniyang ina na magtanim ng galit ay hindi naman niya mapigilan iyon. Ngunit natutunan na rin niyang hanap-hanapin ito dahil sa itinagal ng kanilang pagsasama.
Naputol ang kaniyang pagmumuni-muni nang tapikin siya sa balikat ng manggagamot ng mga Kitsune.
"Hindi lahat ng nalaman mo ay totoo, may mga bagay na kailangan itago upang hindi masaktan ang marami. Hindi sila ang tumapos sa buhay ng iyong angkan... kung sino man sila, nagbabayad na sila sa mga oras na ito." Makahulugan wika ng manggagamot bago ito kumindat sa kaniya at deretso lumabas ng kwarto.
Pinag-isipan niyang mabuti ang sinabi nito ngunit hindi niya maintindihan. Hihiga na lamang siyang muli nang parang may kuryenteng dumaloy muli sa kaniyang katawan. Kasabay niyon ay may liwanag na pumasok sa kaniyang bintana. Agad siyang lumapit doon at hinawi ang kurtina at tumambad sa kaniya ang napakalalakas na kidlat mula sa malayong bahagi ng isla.
Kasabay niyon ay ang pagdaloy ng malakas na kuryente sa kaniyang katawan na nililikha ng sanggol sa kaniyang sinapupunan. Nagmamadaling nagpasukan ang ilang manggagamot ng mga Kitsune at agad siyang tinulungan. Nang hawakan ng isa ang kaniyang tiyan ay napa-igtad ito at sunog na kamay ang tumambad sa kanila.
"Nararamdaman ng sanggol ang galit ng kaniyang ama... at inilalabas niya ngayon ang galit na iyon. Kapag hindi ito naagapan ay mamamatay ang dalawa." Nangangamba na wika ng isang doktor.
"Kailangan na mailigtas natin siya, dahil hindi maganda kung pagdating ng Panginoong Nerio ay walang buhay na katawan ng kaniyang kaisa-isang anak ang kaniyang aabutan." Wika naman ng isa pa.
"Makatutulong ako! Ako lamang ang makatutulong habang wala ang ama ng sanggol... panandalian... gamit ang aking dugong bampira."
♡♥♡
BINABASA MO ANG
CHROMIA SERIES
AcakChromia Series A pooled series of BxB authors with different stories under one banner series. Stories' genre: Fantasy, BxB, Mpreg Stories and Contributing Authors: Adamant sasuke21uzumaki BookSwaggin eiramslove FrustratedAtheist gingerbreadmans ...