43. The Mansion II

1.9K 112 21
                                    


                                                                 "The Mansion II"


Napasinghap si Karen ng magising siya. Parang hinila ang kaluluwa niya sa kung saan. Inat-inat siyang bumangon at saka sinapo ang kanyang ulo. Nakaramdam siya ng pagod at nag-alala siyang bigla ng maalala niya ang mga nangyari. Hanggang ngayon, pakiramdam niya ay trap siya sa sarili niyang panaginip o kaya bangungot.

"Mabuti naman at gising ka na diyan. Kamusta ka?"

Gulat siyang napatingin sa pinanggalingan ng boses. Nakita niya ang lalaking mannequin na nakaupo sa gilid at matamang nakatingin sa kanya. Sa natatandaan niya, may kung anong ginawa sa kanya si Brahm kaya nawalan siya ng malay.

"I-Ikaw... Ikaw si Malcolm di ba?" alanganin niyang wika.

"Tama ka. Sabihin mo, bakit mo tinulungan si Brahm? Alam mo bang malaking gulo ang nagawa mo. Pinakawalan mo ang isang masamang nilalang."

Na-guilty si Karen sa sinabi ng lalaki at agad siyang tumayo. Napatingin siya sa galos nito sa mukha na siya ang may gawa. Nahihiya siyang napayuko. Naiiyak na rin siya.

"I-I'm sorry, kasalanan ko... N-Nagpadala ako sa lalaking iyon. Ang sabi niya kasi, ikaw ang masama. At sinabi din niya na kapag nagawa ko siyang pakawalan, tutulungan niya ako at ang mga kaibigan ko na makaalis dito... Iyon pala ay niloko niya ako."

Napapunas siya ng kanyang mga luha. Ano ba itong gulong pinasok niya? Tumayo na si Malcolm.

"Si Brahm, kababata ko siya at kaibigan. Iisa ang master namin. Pareho kaming mga wizard. Iyon nga lang, medyo naligaw siya ng landas dala ng inggit at galit. Matagal na kaming nagtutunggali at iyong huli naming pagtutuos, nagtabla kaming dalawa. Nagawa ko siyang ikulong sa loob ng salamin pero tinamaan din ako ng mahika niya. Nagiging mannequin ako sa araw pero nawawala ang bisa ng magic ni Brahm sa gabi."

"Bakit niya ginagawa ang bagay na ito?"

"Kasi gusto niyang patunayan na siya ang karapat-dapat na pumalit sa aming master. At gusto din niyang ipakita sa lahat na mas magaling at mas malakas siya kaysa sa akin. Nilamon na siya ng masamang inggit."

Napataas ng kilay si Karen.

"Iyon lang ang dahilan?"

"Ang simpleng galit at inggit, malaki ang nagagawa sa pagkatao ng isang nilalang. Mga sangkap sila ng kasamaan. Ang mabuti pa, kumilos na tayo. Hanapin na natin ang mga kaibigan mo. Tutulungan ko kayong makaalis dito."

"Teka, paano ka? Si Brahm, nakawala na siya sa sumpa mo nang dahil sa akin. Ikaw, paano ka kapag nag-umaga na at naging mannequin ka ulit?" curious niyang tanong.

Matagal na tumitig sa kanya si Malcolm. Seryosong-seryoso ang mukha nito. Ilang sandali pa ay nagsalita na rin ang lalaki.

"Katapusan ko na."

Napatanga si Karen sa kanyang narinig.

"Hindi puwede. Tutulungan kitang matalo si Brahm. Sabihin mo, may paraan ba?"

Mariing naikuyom ni Malcolm ang kanyang mga kamao.

"Tanging mas malakas na magic ang makakatalo kay Brahm. At duda ako kung mas malakas ang magic ko kaysa sa kanya... Bukod doon, wala na akong ibang alam na paraan. Ang mabuti pa, kumilos na tayo. Hanapin na natin ang mga kaibigan mo. Kailangang makaalis na kayo dito."

Magsasalita pa sana si Karen pero tuluyan na siyang tinalikuran ng lalaki at naglakad na ito paalis. Gustung-gusto niyang sabihin na hindi siya aalis nang hindi ito natutulungan pero sinarili na lamang niya iyon. Napasunod na lamang siya kay Malcolm at nilalamon siya ng matinding guilt habang nakatingin siya sa likod nito.

Sir Blade BOOK 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon