LORENZ
Nandito kaming lahat sa kwarto namin ni Zoo sa bahay. Thank God at nagising na siya. Dalawang araw din siyang tulog at kanina lang nagising. Hindi naman ako umaalis sa tabi niya kung hindi lang ako pinipilit ni mommy na magpahinga muna sa kabilang siid dahil mas komportable d'on kaysa sa sofa rito. Hindi pa nagpunta rito sila Xandrick at Dexter pagkatapos usisain ni Lola sa mga nangyari.
"Kumusta siya Lola?" Tanong ko kay Lola Moni na kasalukuyang tinitignan ang binti ni Zoo. Ngayon lang rumehistro sakin kung bakit dito sa bahay dumiretso si Xandrick at hindi sa hospital. Alam na nilang nandito si Lola Moni dahil sinabi na ni Lark. Ako lang pala ang hindi nakakaalam.
Si Lola Moni na ang nagtanggal ng bala at naglinis ng sugat ni Zoo. Hindi Doctor si Lola Moni pero gamay na niya ang ganitong insidente dahil kay Lolo Tav. Sabi ni Lola, iilang beses na umuuwi ito ng bahay na may tama ng baril sa tiyan o 'di kaya ay maraming daplis ng kutsilyo ang katawan. Tahimik na tao si Lolo pero bayolente kaya laging nasasangkot sa gulo na namana ng daddy ni Lark, si Tito Anton, na naging sanhi ng maagang pagkamatay nito. Sabi pa naman ng mga ninuno ni Lolo Tav na namamana raw talaga ang pagiging bayolente ng pamilya nila. Mabuti nalang si Lark ay hindi katulad nila at lalong hindi naman ako bayolente.
"I don't know," sagot ni Lola na nakatingin sa blankong mukha ni Zoo.
Nakaupo si Zoo sa kama at diretso lang ang tingin, nakatulala! Ilang beses siyang kinausap ni Lola at Mommy pero ni hindi man lang niya nililingon ang mga ito. Kumakain siya pero wala sa sarili kung sumubo. Ako ang nasasaktan dahil naaawa ako sa kalagayan niya. Isa pa, hindi ko man lang siya malapitan.
Hindi na ako nagulat nang pag-upo ko sa kama sa tabi niya ay gulat na bumaling siya sakin. Kita ko ang takot sa mga mata niya na astang lalayo. Napabuntong-hiningang tumayo ako at lumipat sa sofa. Narinig ko rin ang malalim na pagbuntong-hininga ng mga kasama ko rito. Nalaman namin mula kay Andrea na nagkatrauma siya noong bata pa dahil sa nangyari sa mga magulang niya. Tinanong namin si Andrea kung anong nangyari sa parents ni Zoo pero wala siyang alam dahil ayaw magsalita ni Zoo.
"I'll help Amy prepare our dinner," ani mommy bago ibinigay si Zoorenz sakin at tuluyang lumabas. Lumabas na rin si Lark dahil may tatapusing project.
"Call me if you need something," ani Lola at iniwan na ako rito sa loob. Marahan akong tumango kahit nakalabas na si Lola.
Katahimikan ang namamayani. Hinayaan ko lang si Zoorenz na gumapang-gapang at maglaro sa sahig. Nakayuko lang ako para iwasang tignan si Zoo. Gusto ko siyang lapitan at yakapin pero natatakot akong magwala siya kapag ginawa ko 'yon. Masasaktan lang ako, hindi sakit ng katawan kundi sakit sa tuwing tinutulak niya ako palayo na para bang hindi niya ako kailangan. H*ll! Nagiguilty ako sa ginawa kong pagtaboy sa kanya doon sa condo ko.
"M-Ma....ma...." Narinig ko ang malutong na paghagik-ik ni Zoorenz. "M-Mama! M-Mama! Mama! Mama!"
Napatuwid ako ng upo dahil sa sinabi ni Zoorenz. Mas nagulat pa ako dahil nakatayo na siya at nakahawak sa gilid ng kama bilang supporta sa pagtayo. Higit sa lahat, paulit-ulit niyang binigkas ang pagtawag ng mama habang kay Zoo nakatingin. Si Zoo naman ay nabaling kay Zoorenz ang tingin. Blanko parin ang mukha niya na nakatitig lang sa bata na patuloy siyang tinatawag na 'mama'.
"Mama..."
Parang hinaplos ang puso ko sa nasaksihan. Sana naramdaman din ni Zoo ang naramdaman ko n'ong tinawag akong 'Papa' ni Zoorenz. Pinagmasdan ko lang ang mag-ina ko. Bumalik na sa paglalaro si Zoorenz sa sahig nang mangalay ang paa sa kakatayo sa gilid ng kama. Nakikita kong nakasunod ang tingin ni Zoo sa bata. Si Zoorenz lang pala ang makakakuha ng pansin niya.