LORENZ
"Lorenz ang kupad mo naman!"
"Hoo! H-Hindi . . . ko na . . . t-talaga kaya, mahal." Hinihingal na sagot ko. Nakasalampak ako ng upo sa gitna ng kalsada. Madaling araw at malamig na ang panahon dahil malapit na ang pasko pero pinagpapawisan ako.
Totoo nga ang sinabi niyang iikotin ko ng jogging ang buong village. Akala ko naman binibiro lang niya ako pero mabuti nalang at kasama ko siya. Para kaming couple na nagdedate ng madaling araw, hahaha!
Ibinalibig ko ang wala ng laman na bote ng gatorade. Dapat pala 'yong pinakamalaki ang dinala ko.
"O!"
Nagulat ako nang iabot ni Zoo ang kanyang tubig sakin. Hindi siya nakatingin. Napangiti ako. Kanina pa siya nagiging concern sakin. Alas tres ang usapan namin pero hindi niya ako ginising ng nagyeyelong tubig bagkus ay nanatili lang sa loob ng kwarto ko at hinintay akong magising.
"Lorenz!" Tawag niya at inilapit pa sakin ang kanyang dalang tubig.
Napangiti ako sa naisip na kapilyuhan. Imbes na abutin ang bottled water ay hinawakan ko ang pampulsuhan niya at hinatak. Sumubsob sa dibdib ko ang mukha niya. Napangisi akong iniyakap ang kanang kamay sa bewang niya. Pag-angat ng mukha niya ay pagkasama-sama ng tingin niya sakin pero balewala na sakin 'yan. Hindi na ako natatakot sa tingin niyang 'yan na gaya ng dati.
Nagkaroon na naman ako ng pagkakataong titigan ng ganito kalapit ang mukha niya. Para sakin, ito na ang pinakamagandang mukha na nakita ko. Hindi ko pagsasawaang titigan kahit ganito kasama ang tingin niya.
"Hahahaha. Pahinga muna tayo, mahal."
Hindi siya nakahuma nang mabilis ko siyang hinalikan. Nagulat na naman siya. 'Yan ang lagi kong napapansin sa kanya tuwing hinahalikan ko, laging gulat!
"Gusto mo bang abutan ng sikat ng araw dito?" aniya. Siya na ang nagbukas ng bottled water at inabot sakin. Hinawakan ko naman ito kasama ang kamay niya at diretsong tinungga. Napangalahati ko ang bote sa sobrang uhaw. Tumayo si Zoo at tinungga rin ang bote. Lihim akong napangiti.
'Indirect kiss!' Dapat pala nilawayan ko 'yong tubig, "hahaha--aray!" Napahawak ako sa ulo ko. Nalaglag at gumulong naman sa kalsada ang bote ng wala ng lamang tubig.
"Psx!"
Mabilis akong tumayo at sinipa ang boteng pinukol sakin ni Zoo. "Mahal, sandali!"
Ang bilis talaga ng babaeng 'to, parang hindi napagod samantalang kanina pa kami tumatakbo. Kailangan namin tumakbo dahil sa laki ba naman ng village namin ay hindi maiikot ang kabuuan nito sa loob ng dalawa o tatlong oras kung lalakarin lang.
Ang layo na ni Zoo. "Mahal!" Mas binilisan ko pa ang pagtakbo para makahabol sa kanya. "H-Hintayin mo naman ako, o!"
"Bilisan mo!" Sigaw niya sa malayo na hindi ako nililingon. Mas bumilis pa ang pagtakbo niya dahil ang layo na niyang talaga.
Ang hirap niyang habulin. Lagi nalang akong naiiwan. Nananakit na rin ang tuhod ko at malapit ng lumabas si haring araw kaya siguro nagmamadali si Zoo. Hindi dahil takot siya sa araw kundi dahil tatanghaliin na naman kami sa Linksys. Excited pa naman akong masolo na naman siya doon.
Ang dulo ng village namin ay isang court at naririnig ko na mula rito ang ingay ng mga kabataang naglalaro ng basketball. Yes! Malapit na.
Nagsimula ng kumalat ng tuluyan ang liwanag sa paligid. Mas malinaw ko ng nakikita si Zoo. Ang sarap niyang titigan. Black boxer shirt at black jogging pants ang suot niya. Ang ganda ng hubog ng katawan halatang busog sa ehersisyo. Ang astig pa niyang tignan dahil sa kamay niyang binalutan niya rin ng itim na panyo.