ZOOEY
Nagising ang diwa ko dahil sa nakakakiliting hiningang tumatama sa mukha ko. Unti-unting kong minulat ang mata ko.
"Good morning, mahal."
"Putrag--" Napabalikwas agad ako ng bangon. Ang malapit na mukha ni Engot ang bumungad sakin. Nakahiga na rin siya sa kama habang hinahaplos ang noo ko. "Anong ginagawa mo rito?!" Baling ko sa kanya.
Kibit-balikat siyang umalis sa kama at pumunta sa isang tabi. "Anong ginawa mo kagabi pagkatapos mo kaming palayasin ni Wayne rito? Bakit parang puyat ka?" aniyang binitbit ang isang malaking bag at inilapag sa kama bago nakapamaywang na humarap sakin. "Nagluto na ako kanina para sa agahan pero dahil tanghali ka ng nagising, magluluto nalang uli ako," aniyang lumabas na ng pinto.
Napapikit ako dahil sa tumatagos na sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Peste! Tanghali na pala. Nakatulugan ko na pala kagabi ang pag-iisip.
Napatingin ako sa pintong nilabasan ni Engot. 'Yong tungkol sa pagiging dugo't laman ako ni Antonie. Pero taragis! Hindi parin ako nakakasiguro kung aasa lang ako sa panaginip na 'yon. Maliban sa toxic at sa tatlong matanda ay wala talaga akong matandaang Antonie.
Pumutol sa pag-iisip ko ang mga kamay na pumulupot sa bewang ko. Napaigtad ako sa pakiramdam na parang nakuryente.
"A-Aray....." Daing ni Engot. Gulat akong napatingin sa kanya sa isang tabi. Dala ng pagkabigla at pangunahing reaksiyon ay nabalibag ko pala siya sa tabi. "Ang s-sakit non, ah!"
"Psx! Ano na namang ginagawa mo rito?"
"Dito na rin ako titira."
"Psx!" Sininghalan ko siya sabay talikod at labas ng pinto. Biglang kumalam ang sikmura ko sa mabango'ng amoy ng pagkaing nakahain na sa mesa. Pagkaupo ay nasa harapan ko na rin si Engot. Kunot-noong nagpalit-lipat ang tingin ko sa kanya at sa isang dilaw na rosas sa ibabaw ng mesa.
"Para sayo," nakangiting saad niya na inabot sa harapan ko ang bulaklak.
"Bakit mo 'ko binibigyan niyan?" Takang tanong ko. Inabutan din niya ako niyan kahapon noong nasa pool at biglang tatawa-tawang kumaripas ng takbo. Siraulo!
Nagkakamot siya ng batok na naiwas ang paningin sakin. "A-Ayaw mo ba?" nahihiyang saad niya na 'di makatingin ng diretso sakin.
Napangiwi ako sa tanong niya. Aanhin ko ba 'yang bulaklak? Engot talaga. "Ayoko. Gusto kong kumain," saad ko. Kailangan ko pang pumunta ng Linksys.
"Ako na," aniya at inagaw sakin ang sandok at gamit ito na nilagyan ng kanin pati ulam ang plato ko. Pinanuod ko lang siya nang tinalikuran ako at may pagmamadali sa kilos na nagtimpla ng kape. Inilapag niya ang dalawang tasang kape sa mesa at saka umupo sa harapan ko.
Itinuon ko na ang pansin sa pagkain at nagsimula ng kumain. Nakikita ko sa gilid ng mata ko si Engot na hindi natitinag. Pagtingin ko sa kanya ay nakangiti lang siyang pinanuod ako. "Ang gana mong kumain. Masarap?" Tanong niya na tinanguan ko naman at nagpatuloy sa pagkain. Bigla niyang hinawakan ang braso ko at isinubo ang kamay kong may pagkain. "Hmmmmm.... Masarap nga," aniyang ngumuya-nguya at binitiwan na ang kamay ko.
Kinilabutan ako sa ginawa niya. Hindi dahil sa nandidiri ako na isinubo niya ang kamay ko kundi may kakaibang init na hatid ang ginawa niya. Nagkakamay lang kasi akong kumain. Sa susunod kong pagsubo ay balak na naman sana niyang agawin ang kamay ko para isubo na naman pero inunahan ko na siya ng nagbabantang tingin.
"Damot!" Dinig kong bulong niya. Hindi ko na pinansin at pinagpatuloy ulit ang pagkain. "Zoo.."
Inangat ko ulit ang tingin ko. Hawak niya ang kutsarang puno ng pagkain at nakauma sa bibig ko. "Tikman mo 'to. Aaah...." aniya sakin na bahagya pang ngumanga. Napakunot-noo naman akong pinaglipat-lipat ang tingin sa kanya at sa pagkaing isusubo niya sakin.