ZOOEY
"Bestfriend!"
Napahinto ako sa pagpasok sa kotse at nilingon si Maring.
"Saan ka pupunta? Bakit hindi ko na kayo nakikita rito? Lumipat na ba kayo sa bahay nila Adonis?"
"Pakibantayan mo nalang ang bahay namin, Maring. Nagugutom na kasi ako." Pumasok na ako sa loob ng kotse.
"Ingat!"
Tinanaw ko nalang si Maring mula sa side mirror ng sasakyan na kumaway pa sakin. Pagkatapos ay lumapit doon sa kotse'ng nakaparada sa tapat ng apartment niya. Ang kulay abo na kotse!
Tahimik na ngayon sila lolo. Hindi ko na nakikita ang sasakyan ni Enrico na pumupunta sa apartment at sinusundo si Maring. Ano kaya ang binabalak ng mga 'yon?
Pagpasok ko sa loob ng condo ni Engot ay naabutan kong naglilinis si Timmy. "Good afternoon," aniya sakin.
Hindi ko siya sinagot. Naglakad ako patungong kusina dahil nagugutom na ako. Nandito pala si Engot at nagtitimpla ng juice. "Nagugutom ako," saad ko sa kanya. Saglit lang niya akong nilingon at itinuon ulit sa ginagawa ang pansin.
"Kumain ka."
"Eh, nasaan 'yong kakainin ko?"
"Maghanap ka sa ref," aniya.
Binuksan ko ang ref at nakitang wala namang pwedeng makain doon maliban sa tinapay at mga prutas sa mesa. 'Kailan pa nagkaprutas dito?' Hindi naman mahilig sa prutas si Engot. Kumuha ako ng mansanas at kinagatan.
"Tsk! Kay Timmy 'yan." Kinuha niya sa kamay ko ang apple na kinagatan ko na at ibinalik sa lalagyan. Salubong ang kilay na inayos niya ang mga prutas at nilagay sa loob ng ref. "Magluto ka nalang kung nagugutom ka na."
"Psx!" Gutom na nga ako tapos paglulutuin pa! Ayoko ng tinapay dahil hindi naman ako nabubusog diyan. Nilingon ko ulit siya, nagtitimpla na siya ng gatas. "Kape sakin."
"Magtimpla ka," malamig na sabi niya.
"Kindly give me a hand here," mahinang sigaw ni Timmy.
Magsasalita pa sana ako pero tinalikuran na ako ni Engot at nilapitan si Timmy dala ang gatas at isang pitsel ng juice. Tiningnan ko sila sa sala. Inalalayan ni Engot si Timmy na makababa ng upuan na tinuntungan nito.
"Milk or mango juice?" Agad nagsalin ng juice sa baso si Engot at iniabot kay Timmy.
"Hehehehe. Wow, mango juice? My favorite." Kumapit pa si Timmy sa bewang ni Engot habang iniinom ang juice.
"I know."
Inis na hinablot ko ang tasa sa lalagyan. Nagtimpla ako ng kape. Pesteng kape 'to! Ang pangit ng lasa. Napakapait! Nilabas ko ang tinapay sa ref at nagpasyang magprito nalang ng itlog. 'Bwisit!' Naririnig ko na naman ang masaya nilang tawanan sa sala. Nananakit ang lalamunan ko sa inis.
"What happened to your egg?" Nasa likod ko na pala si Timmy at nakadungaw sa niluluto ko.
Pagtingin ko naman sa niluluto ko. Durog-durog na pala ang itlog at nagiging brown na 'yong kulay. "Psx!"
"Dapat kasi hinaan mo lang 'yong apoy," aniya. Nakialam siya at siyang nagpahina sa apoy. Kinuha niya ang siyanse sa lalagyan at pinakialaman na ang ginagawa ko. Naririnig ko rin ang pagtawa ni Engot sa may bungad ng kusina. "Dapat ito ang gamitin mo at hindi tinidor. Hehehe---"