61: Askar The Terrible

1.5K 55 5
                                    

Dedicated to AyskremBeybi

Arfiona's Third POV

Natuwa siya sa pagkapanalo ni Xander. Batid niyang malakas ang nakalaban nito na si Ethos. Pero nagtiwala siya sa orakulo na magiging hari ng dalawang lipi ang asawa niya. Nakaguhit na ito sa tadhana at wala ng makakapigil pa.

"Masaya ka na siguro sa panalo ng hari mo." Puna sa kanya ng kaharap na isang makapangyarihang hari ng mga halimaw.

Binalingan niya ang nagsalita. "Kami ang mananalo sa digmaang ito, Morgorian." Kalmante lang ang boses niya. Kilala niya ang kaharap at maituturing na isa sa mga malalakas na hari ang makakalaban niya. Ang bantog na si Askar Morgoria. Kilala sa pagiging malupit na kalaban. Minsan na nitong hinamon ang kanyang ama sa isang labanan subalit lubhang malakas ang ama niya. At ngayon ay siya naman ang makakalaban nito.

"Kapag tinalo mo ko sa labanan nating dalawa ay may sekreto akong sasabihin tungkol sa iyong ama." Saka pinaikot sa itaas ang malaki nitong palakol na may magkabilaang talim.

"Huwag mo ng inuungkat ang alaala ng aking ama!"

Tumawa ito ng malakas. "Ang dating hari ng mga diablo ay nabubuhay pa magpahanggang ngayon, prinsesa!"

Naguluhan siya sa kasasabi lang nito. "Anong ibig mong sabihin, Askar? Ano ang alam mo tungkol sa aking ama?"

"Sasabihin ko kapag tinalo mo ko sa isang labanan. Alam ko kung nasaan ang iyong ama!" Pinagliyab niya ang kaliwang kamay sa itim na apoy. "Kung gusto mong malaman ang lahat ng nalalaman ko. Huwag kang gagamit ng itim na apoy. Talunin mo ko gamit ang kapangyarihan ng iyong karmosa!"

Sandali siyang natigilan. Sa kapangyarihan ng diablong phoenix ay magagawa niyang talunin ang kalaban sa loob ng maikling oras. Pero ibang usapan na kapag ang karmosa ng Leviathan ang gagamitin niya. Tiyak na mapapalaban siya ng husto.

Kumilos na ang pwersa nila. Pinagtulungan na ng mga ito ang hukbo ng mga Morgorian. Lumaban ang mga ito subalit pinaslang lahat ng pwersa nila. Ang natira na lang ay ang hari ng mga ito. Pinaligiran silang dalawa ng pwersang nasa panig niya.

"Prinsesa, hawak ko ang susi sa kinaroroonan ng dating hari ng mga diablo. Nang iyong ama!" Muling sabi nito.

Naiipit siya sa desisyon. Gusto niyang paslangin ng tuluyan ang kaharap pero hawak nito ang mahalagang impormasyon na makapagtuturo sa kinaroroonan ng kanyang ama. Hindi niya magawang tapusin ito gamit ang kapangyarihan ng diablong phoenix. Dahil iyon ang kundisyon ng kaharap niya na hindi niya maaaring gamitin ang itim na apoy.

"Prinsesa, paslangin mo na ang hangal na yan! Nakita ko kung paano pinaslang ang iyon ama! Nagsisinungaling lang siya!" Sigaw ni Azina. Nasa likuran na niya ang kaibigang matalik at isang heneral ng mga Leviathan.

Tama ang sinabi ni Azina. Kahit siya ay nakita kung paano paslangin ni Ermidion ang kanyang ama. Patay na ito at hindi na mabubuhay pa pero may sinabi si Askar na nagpagulo sa isipan niya. Paano kung buhay pa talaga ang ama niya at hindi patay? Paano kung nagsasabi ng totoo ang hari ng Morgoria? Palalagpasin ba niya ang pagkakataong malaman ang kinaroroonan ng ama niya?

Nag-apoy ang ng itim ang kaliwa niyang kamay. Naguguluhan siya sa dapat maging desisyon niya. Nabuhay siyang puno ng pagkamuhi kay Ermidion dahil pinaslang nito ang kanyang ama. Nagkamali ba siya ng akala? Naglaho ang itim na apoy sa kaliwang kamay niya. Nakapagdesisyon na siya at hindi niya tiyak kung tama ang kaniyang desisyon.

Humalakhak ng malakas si Askar. "Hindi ka nagkamali sa pinili mong desisyon, prinsesa ng mga diablo!" Itinaas nito ang palakol na may magkabilaang talim at nagliwanag ito sa kulay asul na enerhiya. Ilang saglit pa at muling nabuhay ang hukbo nito at muling nakatayo para lumaban. "Isa ito sa kakayahan ng aking karmosa! Ang kakayahang ito ang bumuhay sa iyong ama!" Hindi lang ang hukbo nito ang binuhay ng karmosa. Nabuhay din ang mga naunang hukbo na napaslang nila at napaligiran ang pwersa nila. "Kung gusto mong huminto ang pagkabuhay ng mga namatay. Kinakailangan mo muna akong talunin!"

Nilapitan siya ni Erosocapus. "Hayaan mong ako ang lumaban sa kanya, prinsesa."

Napailing siya. Hindi niya pwedeng ipaubaya sa pinakamalakas na Leviathan ang paglaban sa hari ng Morgoria. "Kailangan kong makuha ang impormasyon tungkol sa aking ama. Ako ang lalaban sa kanya."

Tinitigan siya ng bayani ng mga Leviathan. Nakipagsukatan ito ng tingin sa kanya pero sa bandang huli ay sumuko din ito.

Ang pwersa nila ay nakipagbakan na sa malaking pwersa ng kalaban. Muling dumanak ang dugo. Marami ang nawalan ng buhay.

Bigla siyang sinugod ng hari ng morgoria. Hindi niya inasahan ang pag-atake nito pero nagawa naman niyang iharang ang espada niya.

Humalakhak si Askar. "Prinsesa, ito na ang malagim mong katapusan!" Saka sinunod-sunod siya sa pag-atake.

Lumabas ang dalawang pakpak niya at mabilis siyang lumipad palayo. Sinundan naman siya ng kalaban na plano niyang mangyari. Nang nasa malawak na siya na bahagi ng lupain ng Tartaros ay bumaba na siya ang naglaho ang dalawa niyang pakpak.

Pinagmasdan niya ang tumatakbong si Askar patungo sa direksyon niya. Winasiwas niya ang espada ng tatlong beses. Tatlong hugis crescent moon na kulay itim ang mabilis na sumalubong kay Askar. Ang haba nito ay isang dipa. Mabilis naman itong pinalakol ng hari ng Morgoria at naglahong parang bula. Mabilis na hinarap siya ng halimaw at may ngiting sumilay sa mga labi nito. Isang ngiti ng kamatayan.

Huminto si Askar sa tapat niya na may layong labing limang metro mula sa kanya. "Ito na ang katapusan mo, prinsesa!" Sigaw nito at saka patakbong sinugod siya.

Inihanda niya ang sarili para sa pag-atake ng isang malakas na kalaban. Nang makalapit na si Askar sa kanya ay hindi ito nag-aksaya ng oras. Mabilis nitong inihataw sa kanya ng sunud-sunod ang mahaba at malaki nitong palakol. Nagawa naman niyang sanggain ang bawat atake pero lubhang napakalakas ng mga hataw ng kalaban niya. Dahilan kung bakit iniinda niya ang bawat atake nito.

Sa mga kaalyado ng mga diablo ay kilala si Askar sa pagkakaroon ng natatanging lakas ng pangangatawan. Ito ang namuno sa Morgoria ng may pinakamahabang panahon. Ang karmosa naman nito ay may mga kakayahang bumabagay sa taglay na lakas ni Askar.

Umatras siya ang limang metro pero mabilis din siyang nasundan ng kalaban. Sinubukan niyang umatake ng opensiba pero lahat yon ay sinangga lang ng mahabang hawakan ng palakol ni Askar. Tumawa pa ng malakas ang kalaban niya. Wala na siyang magagawa pa kundi gamitin ang isa sa dalawang techniques ng karmosa niya. Ang eclipse! Na may kakayahang kakayahang gamitin ang enerhiya ng itim na araw. Nang gamitin niya ang technique ay nabalutan ng itim na liwanag ang kanyang espada. Nag-uumapaw ang enerhiyang inilalabas ng espadang karmosa.

Kaagad na umatras ang kalaban niya. Itinaas nito ang malaking palakol na may magkabilaang talim. Ilang saglit lang at nagliwanag ang sandata nito ng kakulay ng dugo. Tulad ng karmosa niya ay naglabas din ng malakas na enerhiya ang sandata ng kalaban. Nang padampiin nito ang palakol sa lupa ay nagkaroon ng malakas na pagyanig sa buong paligid. Pagkatapos ay humalakhak ito ng malakas. "Kayang pantayan ng karmosa ko ang kapangyarihan ng karmosa mo, prinsesa ng mga diablo!" Sigaw nito na natutuwa pa ng husto.

"Higit na mas malakas ang karmosa ko kaysa sa taglay mong karmosa! Nakalimutan mo na bang tinalo ka ng aking ama gamit ang karmosang ito!" Pagkasabi niya ay muling sumugod ang kalaban niya at ganon din siya.

Nagkaroon ng kulog ang bawat banggaan ng karmosa nilang dalawa ni Askar. Nagkakaroon ng vibration sa pagitan ng dalawang sandata. Parang may dalawang higanteng bato na nagsasalpukan sa bawat pagkrus ng kani-kanilang sandata.

Lumabas ang dalawang pakpak niya at mabilis siyang lumipad paitaas. Nang sa tingin niya ay sakto na ang taas niya. Itinutok niya ang dulo ng espada sa kalaban. Isang itim na enerhiya ang nagsimulang mabuo na hugis bilog sa dulo ng espada. Lumaki ito ng kasing bilog ng planggana. Kasabay din nito ang pagkakaroon ng malakas na hangin sa paligid niya. Tila hinihigop ito ng pwersa na nasa dulo ng espada. Nang balingan niya ang kalaban ay nakagawa din ito ng kulay pulang enerhiya na kasing laki ng pwersa ng karmosa niya. Nang pawalan niya ang malakas na enerhiya ay kasabay ding pinawalan ng kalaban niya ang inipon nitong pwersa. Nagbanggaan ang dalawang pwersa at nagkaroon ng isang malakas na pagsabog. Nabalot ng makapal na usok ang pagitan nilang dalawa ng kalaban. At ng mapawi ang makapal na usok ay nakita niyang nakangisi ang kalaban.

###

THE LAST DEMON PRINCESS (ELFIORE 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon