Dedicated to heartlynloves and moninagallardo9
Xander's Third POV
Nagsimula na ang ikalawang bugso ng digmaan. Nagpakawala siya ng isang napakalakas na pasabog at libu-libong mga kalaban, ang nasawi sa isang iglap. Ang ginamit niya ay isa sa mga katangian ng satsude.
Puro bangkay ang nasa paligid niya. Ang mga kalaban ay marami pa rin at parang di man lang nabawasan. Patuloy ang naging pagsugod ng mga kalaban sa direksyon nina Dayanira.
Nagkaroon ng malakas na pagsabog ng apoy. Walang dudang si Arfiona ang may gawa noon. Nilingon niya ang malayong likuran at nakita niyang marami ang mga nasusunog na mga kalaban.
Nakita niyang mabilis na napaligiran ng mga kalaban ang tatlong pinagsanib nilang hukbo. Ang mga Elkirian ay nagpalabas ng mga ilusyon na pumaslang ng maraming mga kalaban. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya malaman kung papaanong nagagawang pumaslang ng mga ilusyon.
Muli siyang bumuo ng malaking bola ng itim na apoy sa kaliwang kamay. Pagkatapos ay bigla siyang nawala gamit ang pambihirang bilis. Nagkaroon ulit ng napakalakas na pagsabog na naging dahilan ng pagyanig ng lupa. Libu-libong mga kalaban ang nasawi.
Narinig niya ang malakas na ungol ng tatlong diablong bantay. Nang balingan niya ay mabangis na pinapaslang ng mga ito ang mga kalaban.
Isang dragon naman na gawa sa ilusyon ang pinakawalan ni Dayanira. Walang habas nitong pinaslang ang mga kalaban. Pero ang katotohanang marami pa rin ang mga kalaban ay hindi pa rin maitatago.
Napalibutan ang tatlong hukbo sa panig nila ng mga kalaban. Pero dahil hindi basta-basta ang mga Elkirian ay hindi pa rin makalapit ang mga kalaban.
Nilapitan siya ni Arfiona. "Xander, kailangan nating tulungan ang ating hukbo!"
Tama ang sinabi ng prinsesa. Kailangan nilang tulungan ang mga kakampi nila. Pero bago pa man silang dalawa nakakilos. Tumambad na sa harapan nilang dalawa ang hukbo ng isa sa dalawang pinangangambahan ni Arfiona. Ang Manggako. Dahilan kung bakit hindi nilang dalawa ng prinsesa na tulungan ang mga kasama. Sa makatuwid, nakahanap na silang dalawa ng totoong kalaban.
Hindi nagsayang ng oras ang mga Manggako. Sabay-sabay silang nagpakawala ng malalakas na boltahe ng kuryente. Pero bago pa man tamaan silang dalawa ni Arfiona ay nagawa na niyang tawagin ang kanyang kalasag. Si Andragamus. May isang pabilog na di nakikitang kalasag ang bumalot sa kanilang dalawa ni Arfiona. Sinalo nito ang lahat ng atake.
"Kailangan natin silang matalo at mapinsala bago pa dumating ang isa pang makapangyarihang lipi sa panig nila." Kaagad na sabi ni Arfiona.
"Puntahan mo ang mga kasama natin at tulungan mo sila. Ako na ang bahala sa mga kalabang gumagamit ng kidlat." Utos niya.
Kaagad na kumilos ang prinsesa ng mga diablo. Pinalabas nito ang mga pakpak at kaagad na lumipad papunta sa kinaroroonan ng mga kakampi.
Nawala na ang bilog na kalasag na pumuprotekta sa kanya. Hawak niya ang isang kalasag sa kaliwa niyang kamay. Nang balingan niya ang mga kalaban ay nakita niyang naghahanda na naman ang mga ito sa muling pag-atake.
Isang mangdirigma ang humarap sa kanya. Nakasuot ito ng isang matibay na baluti na may tatak ng kidlat. May peklat na pahaba at patayo sa kaliwang mata nito. Sa tindig nito at ayos ay may kutob siyang ito ang pinuno ng hukbo. Gamit nito ang isang malaki at kakaibang espada na binabalutan ng kuryente. Bago pa man siya makaporma ay nag-unahan ang mga boltahe ng kuryente patungo sa kinatatayuan niya. Mabilis na ginawa niyang payong ang kalasag kasabay ng pagtama ng mga boltahe. Nagawa niyang harangin ang pwersa ng pag-atake pero ang sumunod ang hindi niya inaasahan.
Sa isang kisap-mata ay nasa harapan na niya ang pinuno ng hukbong may kakayahang gumamit ng kuryente. Nakangisi ito at mabilis siyang inespada na mabilis niyang nasangga ng escarion.
"Magaling ka para sa edad mo, bata. Ikaw na marahil ang bagong hari ng Acrania." Sabi nito at saka sumugod ng sunud-sunod.
Tinapatan niya ang bawat atake ng katunggali. Pero nagpakawala ulit sa direksyon niya ang hukbo ng Manggako ng sunud-sunod na boltahe ng kuryente. Mabilis siyang umiwas para di siya tamaan pero mabilis siyang nasundan ng pinuno. Mabilis siyang inespada at ginamit niya ang kalasag para sanggain ang bawat pag-atake. Sa kabila ng mahigpit na labanan. Narinig niya ang sunud-sunod na pagsabog. Nang lingunin niya ay nagliliyab ang mga kalaban. Malakas talaga si Arfiona. Nagawa nitong lipunin ang malaking bilang ng mga kalaban.
Isang malakas na sipa ang hindi niya inaasahan. Nakalusot ang atakeng iyon dahil nawala siya sa konsentrasyon. Napaatras siya sa sobrang lakas ng sipa na may halong boltahe ng kuryente.
"Hanggang diyan lang ba ang kakayahan ng bagong hari ng Acrania?" Nangungutyang tanong ng katunggali.
Bago pa man siya makasagot ay may nangyari na hindi niya inaasahan. Umulan ng mga bola ng apoy sa direksyon ng hukbo ng Manggako. Pagkatapos ay ang pagsugod ng isang hukbo na gumagamit ng apoy.
"Pakialamerong mga Ferorian!" Sigaw ng kalaban niya. Susuong sana ito sa labanan para tulungan ang mga kasama pero mabilis siyang kumilos at lumitaw sa harapan nito.
"Ako ang harapin mo!" Sigaw niya at sa muling humanda para makipaglaban.
Nagsalpukan ang hukbo ng Manggako at ng Feroria. Nagkaroon ng tagisan. Hindi pa nagtatagal ang bakbakan ng bumuhos ang mga matutulis at naglalakihang patak ng ulan sa mga hukbong nakapaligid sa hukbo nila. Marami ang nasawi hanggang sa malipol ang pwersa ng mga kalaban. Dumating ang panibagong hukbo sa panig nila. Ang Tuberia.
Sumulpot sa tabi niya si Arfiona. Nagpakawala ito ng bola ng apoy sa kaliwang palad patungo sa direksyon ng kalaban niya. Kaagad namang sinangga ito ng espada ng kalaban.
"Xander, dumating na ang hukbo ng dalawang malakas na lipi. Ang Tuberia at Feroria." Kaagad na sabi nito.
"Alam ko, Arfiona! Pero akin ang isang iyan! Huwag kang mamamakialam sa aming dalawa!" Turan niya at saka naglaho sa kaliwang kamay niya ang kalasag na si Andragamus.
Hindi na pinasagot ng kalaban niya si Arfiona. Mabilis siyang sinugod at inatake ng sunud-sunod. Panay naman ang sangga niya at iwas.
"Hindi mo ko matatalo sa pag-iwas at puro pagsangga na ginagawa mo, hari ng Acrania!" Patuloy pa rin ito sa pag-atake.
"'Wag kang atat!" Reklamo niya sa katunggali. Pinagmasdan niya ang paligid. Ang hukbong kaharap niya ngayon ay pinagtutulungan ng Tuberia at Feroria. Subalit hindi matapos-tapos ang labanan.
Ang Elkiria pati ang Erizia at ang hukbo ng Leviathan ay sumugod na sa kinaroroonan nila. Marami ang nasawi sa panig ng mga kalaban. Pero ang kaduda-duda ay ang kaalaman na hindi matinag-tinag ang hukbo ng Manggako.
Ang kalangitan ay natabunan ng mga makakapal at maiitim na kaulapan. Hindi na saklaw ng Tuberia ang nangyayari sa kalangitan.
"Hari ng Acrania, pagmasdan mo ang lakas ng mga Manggako!" Malakas na sigaw ng kalaban niya.
Sa isang iglap ay nagbagsakan mula sa kalangitan ang hindi mabilang na naglalakihang kidlat. Tumama ang mga ito sa pwersa nila at marami ang nasawi at nanghina.
Humalakhak ng malakas ang kaharap niya. "Nakita mo na, hari ng Acrania? Malakas ang aking lipi! Higit na malakas kaysa sa pinagsama ninyong mga lipi!"
Pinagmasdan niya ang buong paligid. Marami ang nasawi sa panig nila at ang karamihan ay nanghina sa pwersa ng mga nag-unahang kidlat. Kaagad na hinanap ng paningin niya si Arfiona. Nakita niya ang prinsesa. Nakatayo ito at nagliliyab sa itim na apoy ang kaliwang kamay. "Arfiona!" Malakas niyang tawag. Nang lumingon ito sa gawi niya ay nagpatuloy siya sa sasabihin. "Ikaw na ang bahala sa mga kalaban!"
Sinunod naman siya ng prinsesa. Itinaas nito ang kaliwang kamay sa ere pero bago maisagawa ang pagsugod. Isang pangyayari ang hindi nila inasahan. Lumitaw sa harapan ng prinsesa ang isang mataas na mangdirigma. May dalawa itong mahabang sungay sa ulo at maitim ang mga balahibo. Taglay nito ang isang matibay na baluti at isang palakol na sandata na may talim sa magkabilang dulo.
Nagdatingan ang isa pang malakas na lipi sa panig ni Ermidion. Ang lipi ng mga Morgorian.
###
BINABASA MO ANG
THE LAST DEMON PRINCESS (ELFIORE 1)
FantasyHIGHEST RANK #36 IN FANTASY (PERO DATI PA YON) Ano ang gagawin mo kapag aksidente kang napunta sa isang kakaibang mundo? Isang mundo na pinamumugaran ng mga halimaw at mga diablo. At ang tanging susi para makabalik ka sa mundo ng mga tao, ay nakasal...