S’ya ang unang lalaking minahal ko ng sobra, ‘yong lalaking masasabi kong, para sa akin talaga. Hindi ko inaasahan na mahuhulog ng husto ang loob ko kay Vincent. Masaya na ako sa kung ano ang mayroon kami ngayon. Dahil tulad niya, hindi pa rin ako handa na ipagtapat sa aking magulang ang tungkol sa aming relasyon.
Sa halos apat na buwan naming magkakilala, masasabi kong, tuluyan ng nahulog ang damdamin ko kay Vincent. Sino ba naman ang hindi magkakagusto sa tulad niya? Mabait, maasikaso, palatawa at laging inuuna ang kapakanan ko. Sa simpleng bagay na iyon na mayroon si Vincent, parang asawa na ang turing ko sa kaniya dahil sa pag-aalaga na ginagawa n’ya sa akin.
“Mukhang malalim ata ang iniiisip ng mahal ko, ah? Ano ba ‘yan?” Napatingin naman ako kay Vincent ng bigla itong nagsalita. Isang matamis na halik naman ang natanggap ko sa kaniya ng tumabi ito sa akin.
Napangiti naman ako sa ginawang iyon sa akin ni Vincent. Hindi ko rin maiwasang makaramdam ng kakaibang kilig dahil sa paghalik sa akin ni Vincent. “Wala. Masaya lang ako na, ikaw ‘yong naging nobyo ko. Iyon ang ipinagpapasalamat ko dahil mayroon akong mabait at mapagmahal na Vincent sa buhay ko.”
“Kinilig naman ako sa sinabi mong iyan, mahal ko,” huminto ito sa kaniyang pagsasalita at marahan akong iniharap sa kaniya. “Jake, ikaw lang ang taong nakikita kong makakasama ko habang-buhay. Hindi ko siguro makakaya na, mawala ka sa akin.”
“Vincent, sino bang nagsabi na mawawala ako sa iyo? Narito lamang ako, palaging nasa tabi mo. Hinding-hindi kita iiwanan. Mahal na mahal kita, Vincent.” Ani ko sa kaniya.
Muli kong naramdaman ang kaniyang mga braso na unti-unting pumupulupot sa aking katawan. “Mahal na mahal rin kita, Jake. Alam ko na mahirap ang relasyon nating ngayon. Ngunit, ipinapangako ko sa ‘yo, na balang araw, maipagmamalaki rin kita at isisigaw ko sa buong mundo, na mahal kita.”
Hindi ko napigilan ang sarili ko na yakapin ito pabalik at bigyan ng isang matamis na halik sa kaniyang labi. “Hindi mo naman kailangan gawin na ipagsigawan ako sa buong mundo. Sapat na sa akin ‘yong mahal mo ako. Kuntento na ako sa bagay na iyon, Vincent. Dahil ang mahalaga sa’kin ay ikaw, Vincent.” Nakita ko namang hinawakan ni Vincent ang aking kamay. Marahan niya itong hinaplos-haplos.
“Kung ayon ang gusto mo, ayon ang masusunod, mahal ko,” tumayo ito mula sa kaniyang pagkakaupo at marahan akong hinila ni Vincent patayo. Wala na akong nagawa kundi ang magpatangay na lamang sa kaniya. “Ikaw lang ang mamahalin ko at wala na akong ibang taong nakikita na mamahalin ko, bukod sa’yo.”
Matapos niyang sabihin iyon, ay agad na inakay ako ni Vincent papunta sa aming klase. At habang naglalakad kaming dalawa, hindi rin nakaligtas sa ibang estudyante na makita kaming dalawa ni Vincent na magkahawak-kamay.
“Mahal, nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko? Mahal!?” Awtomatiko akong napatingin kay Lester ng bigla na lamang ako nitong tinapik na siyang nagpagising sa akin.
“Ano ‘yon, Vincent? Wala ito. Huwag mo akong alalahanin.” Saad ko rito. Matapos kong sabihin iyon, ay agad akong napayuko sa harapan ni Lester. At nang mapagtanto ko ang aking nasabi sa kaniya, marahan akong napahawak sa akin noo.
Marahan na bumangon si Lester sa aking tabi at dahan-dahan ako nitong iniharap sa kaniya. “Tama ba ang narinig ko, Jake? Sino ang taong iyan? May bago ka na ba?” Sunod-sunod na pagtatanong sa akin ni Lester.
Dahil sa medyo humihigpit na ang pagkakahawak n’ya sa akin. Hindi na ako naging komportable sa mga tinging ibinibigay n’ya sa’kin. “Teka lang, Lester. Nasasaktan ako. H-hindi. W-wala akong ibang l-lalaki…” Ani ko rito ng nauutal.
Hindi agad naniwala sa akin si Lester sa mga sinabi ko sa kaniya. Bagkus, lalo n’ya pang hinigpitan ang pagkakahawak niya sa akin, “Hindi ako naniniwala, na wala lamang iyon. Jake, kilala mo ako. Ayoko sa lahat ay ‘yong ginagago ako kapag nakatalikod ako. Kilala mo ako, Jake.” Napaluha na lamang ako ng walang ingat akong binitawan ni Lester.
BINABASA MO ANG
Together, Forever: 'Til The End [BOYXBOY] [Completed]
RomanceMatagal na nagkahiwalay sina Vincent at Jake. Simula ng magdesisyon ang mga magulang ni Vincent na ilipat ito ng paaralan. Dahil sa nangyaring paglipat, naiwan na mag-isa si Jake sa paaralan na kung saan noo'y sabay pa silang pumapasok at umuuwi. S...