CHAPTER 12

396 6 0
                                    

"Aalis na!" Sigaw ng kondoktor at umandar nga ang bus.

Yakap ko ang aking backpack. Sumandal ako sa bintana at tinanaw ang madilim na langit. Tatlo o higit pa na oras ang byahe. Ilang oras ang naitulog ko kanina. Mukhang hindi na ako makakatulog pa buong byahe. Deadbat pa ang phone ko. May mas bo-boring pa ba sa buhay na 'to?

Kaya naman tulala ako buong byahe. Tulog na ang ibang pasahero at patay na ang ilaw sa loob ng bus. Ang mga nadadaanan na lang ang ginagawa kong libangan. Tumitingin sa mga bahay o kaya ay mga stall, kasabay na sasakyan o kalsada. Inilalayo ang isip sa nangyare kanina.

Hindi na huminto ang aming sasakyan sa bus stop dahil tulog naman ang mga pasahero. Kaya't dire-diretso lang ang byahe. Pakiramdam ko'y ito na ang pinaka matagal na byahe ko sa buong buhay ko.

Kaya naman laking tuwa ko nang matanaw ang pamilyar na kabukiran sa aming dinaraanan. Ang probinsya kung saan ako nagmula. Miss na miss ko ang lugar na 'to. Ilang minuto ang lumipas at hindi na ako makapag intay na bumaba.

Huminto ang bus at tumalon-talon na akong nagtatakbo papuntang barangay namin. Walang masasakyan na tricycle dahil hating gabi na.

Ang pamilyar na mga damuhan at nakasugang mga baka sa gabi ay ang nagpapaalala sa'kin ng kabataan ko.

Ang mga tambay na mga kalalakihan sa tapat ng tindahan nila Aling Trina bago ang aming eskinita ay mga tumba na. Mga lasinggero parin sila. Pero sa halip na mainis ay parang nagalak ako. Miss na miss ko ang lugar na 'to! Kahit buwan pa lang ang lumipas ay talagang mahirap mahiwalay dito.

Ang nag-iisang streetlight sa aming eskinita ay natanaw ko na. Nagtatakbo na ako kahit na abot na ang tahulan ng mga aso na alaga ng aming mga kapit bahay. Kinalas ko ang kawit ng kahoy naming gate at saka ako nagtatakbo sa aming terrace.

Parang nanlambot din ako nang nandoon na mismo. Hindi ko alam kung anong paliwanag ang sasabihin ko kay Nanay, 'yung Lola ko. Madalas ay Nanay ang tawag ko sa kaniya dahil para ko na siyang ina.

Ang bahay naman ng dalawa kong Tita ay nasa tabi ng bahay ni Lola. May kaniya-kaniya parin silang bahay kahit nasa iisang bakuran. Hindi ko alam kung kakatok ba ako. Kinakabahan ako.

Pero sinubukan kong tumawag ng isang beses.

"Nanay!" mahina lang 'yon. Ilang minuto ang lumipas pero walang nangyare.

Ano pa bang aasahan ko? Mukha akong tangang tatawag na lang ay mahina pa! Hindi ko magawa dahil may hiya akong nararamdaman. Siguro ay guilty? Nakapanlulumo.

Lumangitngit ang pintuan sa aking harapan. Papabukas. Napatalon ako nang makita ang mukha ng Lola kong nagulantang nang makita ako.

"Abay pambihira! Akala ko'y guni-guni ko lamang. Andito ka nga!" Nilakihan niya ang bukas ng pintuan. Nasilaw ako sa bumbilya namin sa sala.

"Anong ginagawa mo rito? Gabing-gabi, ah?" Pinasadahan niya ng tingin ang aking itsura. Nangilid ang luha ko. Miss na miss ko ang matandang ito!

Sinunggaban ko agad siya ng yakap. Naramdaman ko naman ang paghagod niya sa aking likod.

"May nangyare ba?" Aniya.

"Amoy matanda ka parin, La." Biro ko. Iniwasan ang kaniyang tanong.

"'Wag kang umiyak at dalaga ka na! Diyos ko kang bata ka!" Aniya nang marinig ang hikbi ko.

Kinalas niya ang yakap ko at saka ako hinila sa loob ng aming bahay.

"Malamig na sa labas,"

Pinunasan ko ang luha ko at inalalayan niya akong umupo sa kawayan naming upuan.

I'M HIS KARMA (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon