Khalil
Bumangon si Luigi sa higaan niya. Wala siyang anumang sinabi. Wala din akong nakikita na kahit na anong emosyon sa mukha niya.
Tahimik at dahan dahan siyang tumayo. Tiningnan niya ko sandali at pagkatapos nun eh naglakad siya papunta sa bintana ng kwarto niya. Sumunod ako sa kanya.
Tiningnan ko ang tinitingnan ni Luigi. Sa kinaroroonan namin ngayon eh kita namin ang buong AAA. Mahirap man aminin pero tuluyan nang nasira ang buong university.
Lumingon ako kay Luigi. Hindi ko maiwasan ang malungkot nang makita ko sa mukha niya ang kalungkutan.
"Bigo ako." Simula niya.
"Binigo ko sila Tatay ay Papa. Binigo ko kayong lahat." Sabi niya sa paos na boses. Pumikit siya at kasabay nun ay ang pagtulo ng kanyang luha.
"Luigi, may magagawa ka pa."
Matagal bago muling nagsalita si Luigi. Patuloy lang siya sa tahimik na pag-iyak. Hindi ako sanay na makita siya ng ganito.
"Sabihin mo sa'kin Khalil... Paano ba ang maging perpektong ama?" Hindi ko inaasahan ang tanong niya na 'yun.
Tumingin siya sa'kin. Doon ko lang narealize na kamukhang kamukha niya si Jules Matthew. Hindi maitatanggi na mag-ama nga sila.
"Hindi mo kailangan maging perpektong ama Luigi. Kailangan mo lang maging sapat para sa kanila. Kapag masaya sila, malungkot, nasasaktan, dapat nandun ka para sa kanila."
"Walang perpektong ama pero 'haligi ng tahanan' ang tawag sa'tin. Tayo yung kinakapitan nila kapag mahina sila kaya kailangan natin maging matatag kahit na anong mangyari."
Tiningnan ko ulit yung buong AAA. Ganun din ang ginawa ni Luigi. Patuloy pa rin na nakikipaglaban yung mga scouts, students, mage, at mga sage sa mga kalaban na mga Eldrin.
"Ikaw ang haligi ng paaralan na kinilala nilang tahanan. Kailangan nila ang 'ama' nila."
"Wala akong kwentang ama. Wala akong kwentang headmaster. Hindi ko alam kung kaya ko ang sinasabi mo Khalil. Hindi ko alam kung kaya kong ibangon muli ang AAA at kung kaya ko ba ang maging ama kay Jules Matthew."
"Kaya mo Luigi..."
Tiningnan ako ni Luigi. Binigyan ko naman siya ng isang matamis na ngiti.
"M-makakabawi pa ba ko sa lahat? Makakabawi pa ba ko sa anak ko?" Umiyak ulit si Luigi.
"Katulad ko, naging ama ka rin ng mga bata na hindi nanggaling sa dugo't laman mo. Bilang headmaster ng AAA, ikaw ang naging ama nila habang nandito sila. Kung nagawa mo yun sa mga estudyante mo, magagawa mo rin yun sa anak mo."
Niyakap ko si Luigi. Naramdaman ko ang pagyakap niya sa'kin pabalik. Unti-unti eh tumigil din siya sa pag-iyak.
Ilang sandali pa eh bumitiw na kami sa pagyayakapan. Nagpalitan kami ng mga ngiti. Tumingin ulit si Luigi sa labas ng bintana kung saan niya kita ang buong AAA.
Nilahad ni Luigi ang mga kamay niya at mula doon eh lumabas ang kulay itim na apoy. Ang Cosmic Fire.
"Cosmic Fire... Ipagkatiwala mo ulit sa'kin ang iyong kapangyarihan nang sa gayon ay magawa ko ang tama at nararapat." Pagkausap niya sa itim na apoy na naglalaro sa mga kamay niya.
Lumaki ng lumaki yung cosmic fire hanggang sa nagkaroon ito ng hugis ng dalawang lalaki. Hindi malinaw sa'kin ang mga mukha nila dahil purong itim na apoy lang sila.
Ngumiti si Luigi dun sa dalawang lalaki.
"Ibangon niyo ang AAA. Ibangon niyo ang tahanan ko." Sabi pa ni Luigi sa mga ito.

BINABASA MO ANG
Austin's Curse
FantasíaMatapos makipaglaban sa tadhana at magapi si Ignis, ang bathala ng mga isinumpa, ay pinili ng pamilya Aragoncillo ang magkaroon ng payapa at simpleng pamumuhay. Kasama na rito ang pagpasok ni Austin sa dating paaralan ng kanyang kambal na mga kapati...