"Ma'am, hindi niyo na po kailangan pang pumasok. Okay lang naman po kami rito."
Hindi ko inintindi yung sinabi ni Charlene, isa sa mga barista ko sa Cups and Cakes—ang ipinatayo kong coffee shop years ago. Isa siyang cupcakery na coffee shop na rin na kung saan kasosyo ko si Cheska. Noong una, ang gusto ko talagang maging trabaho ay maging isang photographer para parehas kami ni Keith. Pero sabi niya, mas gusto raw niya na may isang business nalang ako rito para hindi ko na kailangang lumayo pa ng bansa di gaya niya.
Paano kung kaya pala ayaw niya akong maging photographer at kaya pala gusto niyang dito lang ako sa bansa ay para makapagliwaliw siya sa kandungan ng iba habang naggagala siya sa ibang bansa?
Sumasakit ang ulo ko. I brushed off everything I just thought of. Hindi yun maganda para samin ni Keith. Alam kong mahirap siyang pagkatiwalaan ngayon dahil sa nangyari pero sa ngayon, kailangan niya ay ang pagtitiwala ko. Kailangan niya ako.
"Ang tigas talaga ng ulo nitong babaeng to! Sisipain na kita riyan eh. Baka mamaya sumama pa ang lasa niyang mga cupcakes na yan, hindi mo pa maibenta," sabi naman ni Cheska.
Hinarap ko siya. "Ano ang gusto niyong gawin ko? Magmukmok sa bahay? Mag-iyak magdamag? Nakakapagod." Nginitian ko sila. Hindi umabot sa mga mata. "Mas gusto ko pa ang may ginagawa."
Cheska looked sympathetically at me. And I hate it. Ayoko nang tinitingnan nang ganoon.
"Eh anong gagawin mo rito?" tanong niya.
"Magta-trabaho."
Napailing nalang siya. "Oh, Glenn... Sige. Doon ka sa likod ng counter."
Tumango ako saka pumwesto sa likod ng counter. Maaga pa naman kaya kakaunti pa lang ang customers. May ilan sa mga regular customers ko ang nakakaalam tungkol sa nangyari. Ang ilan kasi sa kanila ay inimbita ko sa reception.
Kahapon, pagkatapos ng pag-uusap naming lahat ay tumungo ako sa reception hall. Memorable nga naman ang kasal ko... in a bad way. Saan ka nakakita ng kasal na nag-reception nalang kaysa ituloy ang wedding ceremony?
"Isa pong red velvet cupcake and frappuccino..."
Napabuntong-hininga ako. I punched in everything the customer ordered. Pero sadyang lumilipad ang isip ko.
"Miss..."
Napakurap ako. "Ha?"
"Ang haba na po ng pila namin dito. Sana po kaunting bilis naman," sabi nung lalaki.
Napailing ako. "S-sorry..."
"Miss, hindi mapapabilis ng sorry mo ang pila dito. You've got to work."
"Alam ko! Kailan ba naging effective na pangresolba sa kahit na anong kasalanan ang sorry? Sa isang sorry ba... mabubura na lahat? Sa isang sorry ba... magiging okay na lahat? Diba hindi? People just think that sorry is a magic eraser but it is not. A sorry will never be enough," emotional breakdown ko.
Tuluyan nang pumatak ang mga luha ko. Napakunot lang ng noo yung lalaki. Siguro iniisip niya na baka nababaliw na ako. Ano ba ang alam niya? Hindi naman niya alam kung ano ang nangyari sa akin.
"I am sorry, guys. May... May pinagdaraanan lang talaga itong bestfriend ko ngayon," paghingi ni Cheska ng paumanhin sa mga naabalang customers.
"Lahat naman ho tayo may pinagdaraanan. Kanya-kanyang pagdadala lang yan. Pero sana, wag namang mang-abala pa ng iba," malumanay na sabi nung lalaki.
Kanya-kanyang pagdadala lang yan. Paano mo madadala ang sitwasyon kung saan hindi natuloy ang kasal mo sa lalaking mahal mo dahil biglang dumating ang isang babaeng mas maganda pa sa iyo na hindi mo naman kilala para lang i-announce sa mismong kasal niyo na nabuntis siya ng mapapangasawa mo?
BINABASA MO ANG
HF 2: His Thantophobia
Teen FictionHe is her serendipity. He fell in love and is afraid of losing her. - HF: Her Serendipity (book 1) HF 2: His Thantophobia (book 2)