Labimpitong taon nang nakararaan buhat nang nangyari ang kwentong ito ngunit sariwa pa rin sa aking alaala. Walong taon lamang ako noon. Habang nasa paaralan, hindi ko maipaliwanag pero sobrang saya ko noong araw na iyon. Walang nang away sa akin, masaya kaming naglaro ng aking mga kamag-aral, at sabay kaming umuwi ng matalik kong kaibigan. Kumakanta pa kami noon habang naglalakad. Pero sabi nga nila, kapag sobrang saya mo daw, may kapalit...
Pagkarating ko sa aming tahanan ay biglang nagbago ang aking pakiramdam. Parang malungkot. Ang bahay namin ay parang isang gusali na may tatlong palapag. Ang unang palapag ay isang malaking tindahan, ang ikalawa ay pagawaan kung saan ginagawa ang mga paninda namin, at ang ikatlo naman ang nagsisilbing tahanan namin. Nakapagtataka na anong oras pa lamang ay sarado na ang tindahan. Wala na rin masyadong tao sa pagawaan. Pagkarating ko naman sa aming tahanan ay ang malungkot na mukha ng aking ama ang sumalubong sa akin. Inutusan niya kaming magkakapatid na malinis ng aming katawan at magbihis sapagkat may pupuntahan daw kami. Pagkatapos magbihis, dahil hindi kami kasya lahat sa motor, ay sumakay kami sa tricycle at pumunta sa bayan. Pumasok kami sa kapilya kung saan nakita namin na may nakahimlay. Naroon na rin ang aking ina at tita. Parehong namumugto ang kanilang mga mata. Nagpalinga linga ako at may isang bagay doon na nakaagaw ng aking atensyon. Isang trapal na kung saan nakasulat doon ang pangalan ng yumao, at iyon ay ang pangalan ng aking pinsan...
Naaalala ko pa noon, naglayas siya at sa amin siya tumuloy. Mabait siya at masipag. Palabiro. Masayahin. Tumutulong siya sa mga gawaing bahay pati na rin sa pagawaan. Tinutulungan niya rin kami sa aming mga takdang aralin. Minsan naman ay patutugtugin niya ang kanyang gitara habang kami naman ay kumakanta. Mga kanta ng Parokya Ni Edgar...
Ngunit, sa hindi ko alam na dahilan, umalis siya amin. Ilang buwan ko rin siyang hindi nakita. Tapos biglang ganito na. Iniwan na niya kami. Sabi ng aking ama ay binangungot daw. Gabi gabi kaming pumupunta sa lamay niya. Dahil wala naman akong masyadong alam sa pamahiin noon ay dumidiretso na kami ng uwi pagkatapos...
Kinabukasan, matapos namin siyang ihatid sa kanyang huling hantungan, ay nkita ko siya. Hindi sila naniwala sa akin peo alam ko ang nakita ko. Hindi ako namalik mata lang...
Umaga noon, bumangon ako sa aming higaan at pupunta sana sa aming palikuran. Ngunit pagkalabas na pagkalabas ko sa aming silid ay nakita ko siya. Sobrang liwanag ng paligid. Nakasisilaw at masakit sa mata. Tinawag ko siya. Sinenyasan niya ako na lumapit sa kanya. Habang papalapit ako sa kanya ay umupo siya sa mababang upuan na naroon malapit sa aming kusina. Tandang tanda ko pa ng pagkakalugay ng buhok niya. Umupo ako sa tabi niya...
""Paano ba yan, Sen? Kailangan ko umalis.""
""San ka pupunta?""
""Kina Dada."" (Lolo at Lola namin)
""Di ako pwede sumama no?""
""Hindi eh.""
""Ganyan ka. Di na kita bati. Sabi mo dati pupunta tayo sa Jolibee.""
(Umiiyak siya pero halata na masaya dahil medyo natatawa siya.)
""Hayaan mo sa susunod pupunta tayo sa Jolibee. Bati na tayo ha?""
""Sige na nga umiiyak ka eh. Tulo uhog mo oh.""
""Pisot ka talaga. Alis na ako. Pakisabi sa nanay ko mahal na mahal ko siya.""
""Ikaw na magsabi, nanay mo yun eh.""
""Pisot!""
(Nagtawanan lang kami.)
Pagkatapos ay biglang lumiwanag. Sobrang liwanag na halos wala na akong makita. Pumikit ako, at sa aking pagmulat ay nakita kong wala na siya. Hindi ko namalayan na umiiyak na pala ako. Nagmamadali akong pumasok sa aming silid isinulat ito sa aking diary. Ikinuwento ko ito sa aking ina ngunit hindi siya naniwala sa akin. Noong binisita namin ang aking tita ay binanggit ko ang pangyayaring ito sa kanya. Naniwala siya sa akin. Nagpakita raw ang pinsan ko sa kanyang panaginip. Sinabihan din daw siya na isama ako sa Jolibee para bati na kami...*****