PAANGKAS

11 0 0
                                    



Saglit lang ang itinagal ko sa kompanyang iyon na katayan ng manok. Sa totoo lang awa at tulong ko na lang ang nangibabaw bakit ako tumagal doon ng halos 6 na buwan. Sa sobrang toxic ng trabaho ay nag-AWOL na lang ako pagkakuha ko ng huling sahod. Imbes kasi na kumita ay nagkakautang pa ako dahil sa pagbale. May mga kachurchmate ako na nagtrabaho din doon pero di sila naassign doon sa department na napasukan ko. Mas maayos naman din kasi ung napasukan nilang departamento kaya may rason sila para tumagal pa. Yung mga tropa ko nga na sina Sherman at Noel consistent na tumagal din doon ng taon. Nabalitaan ko na umalis sila ngunit dahil di maswerte sa paghahanap ng trabaho sa Manila ay no choice sila kundi ang bumalik. Ako nagfocus sa ministry ko sa church. Naging officer ako ng mga kabataan sa simbahang aking dinadaluhan. At di lang yun, niyayaya na din akong pumasok ng seminaryo ng isa naming pastor na si Ptr. Jon.

"Billy, bakit di ka pumasok ng seminaryo? Sasagutin naman ng simbahan."

"Naku, wala po sa plano ko ang pagpapastor. Marami pa akong plano sa buhay. Mas gusto ko munang magtrabaho at makaipon ng pera para makabili ng bahay at magkaroon ng sariling pamilya. Kung magpapastor man ako, baka siguro sa sunod na lang. Kapag mga nasa trentay anyos na ako." ang masaya kong sagot sa kanyang alok.

Naging all-around ako sa church. Kumbaga nasa music ministry, nasa evangelism at nasa youth ministry. Pero okay lang, masaya naman ako. Dahil dito nawala ang depression ko sa buhay. Yung hirap na dinanas ko mula pagkabata hanggang sa panahon na yun ay unti-unti ko nang natatanggap. May plano pala ang Diyos sa buhay ko yun lang ang nasa isip ko kaya wala akong reklamo. Sabi ko nga noong una akong namanata sa kanya, kahit anong ministry tatanggapin ko kahit pa LINIS-TRY (Para kasing-tunog ng ministry) haha. Ayon kahit paghuhugas ng plato ako na rin gumagawa tuwing may kainan kapag linggo.

Kaso nangyari ang di inaasahan. Ung pastor na sumagot sa mga katanungan ko noong nasa bahay ako at naging dahilan ng aking pagdalo sa simbahan, biglang nabisita sa aming lokal (patay na siya ngayon.) Nilapitan nya ako at seryosong nakatingin sa akin. "Ikaw, magpapastor ka. Papasok ka ng seminaryo." Malumanay pero may kahulugan nyang sinabi. Hindi naman niya hawak ang buhay ko at gusto ko sanang ibuka ang aking mga bibig para tumanggi, pero biglang naalala ko ung mga pangako ko sa Diyos noong gabing nakilala ko siya. "KAHIT ANONG MINISTRY TATANGGAPIN KO, kahit linistry pa yan"

"Sige. Para sa Panginoon" ang walang atubiling sinabi ko sa kanya.

Dumating yung time na ung music pastor namin ay nagsabi na magpapakasal na sya. Syempre masaya lahat ng kapatid para sa aming pastor. Matagal din siyang nag-ipon para sa araw na iyon kaya alam namin ang pagod nya. Proud ako na sabihin na ang mga pastor namin hindi kagaya ng mga pastor sa ibang church na after money talaga (hindi ko nilalahat ) kasi ung mga pastors namin naghahanap ng matinong sideline para hindi marumihan ang dignidad nila. Hindi sila umaasa sa pera ng simbahan para pakainin ang sarili nila. Ung ibang pastor kasi walang formal training, hindi pumasok ng seminaryo. Binasbasan lang ng simbahan naging pastor na agad. Hindi naman ako against doon kaso ganun lang kadali maging pastor sa panahon ngayon. Kaya kapag may mananamantala, pwede magpanggap na pastor kahit hindi naman talaga pastor. Dahil doon nasira ang imahe ng mga pastors.

Mahabang kwento pero andito na tayo sa part na hindi naman nakakatakot sa akin pero paranormal pa rin naman. Mahabang preparation kasi ang ginawa para sa kasal ng aming music pastor. At dumating na nga ang araw ng kasal. Nagkita-kita ang lahat sa aming simbahan ngunit hindi dito gaganapin ang kasal. Kaya ako, ung drummer namin, ung babaeng ikakasal at ang iba pa nilang kamag-anak ay nakasakay sa isang van. Ung iba naman sa iba ding sasakyan nakasakay. Papunta kami sa isa pang affiliated na simbahan namin sa may bandang Caloocan.

Nakapwesto kami ni Jez (ung drummer namin) sa likod kasama yung babaeng ikakasal at ang kapatid nyang babae. Sa harap namin ay mga kamag-anak ng babae na mga tiyahin nya yata at mga anak nila na mga bata pa. Sa harap naman ay ang tiyuhin at ang driver. Nakaupo ako sa pinakasulok sa dulo malapit sa pinto at katabi ko si Jez at ung babaeng ikakasal ay nasa kabilang sulok. Ung mga tiyahin nya sa harap namin ay naglalakihan (siyempre marami ng anak) at kahit ung kapatid nung babae ay mataba din. Kami lang ni Jez ung payat at ung babaeng ikakasal. Umandar na ang Van at hindi pa kami nakakalayo ay biglang may umangkas sa aming sasakyan.

Isang babaeng maputi at napakaganda. Mukha syang may lahing pinaghalong espanyol at chinese. Ung hitsura nya kasi pang misteza at ang kinis ng balat. Pula ang kanyang labi sa lipstick at mukhang formal ang kanyang suot na damit. Seryoso lang syang nakatingin sa malayo. Nakita ko siya sa salamin. Siyempre ako, nagulat. Wala namang babaeng ganun kaganda sa loob ng aming van (Ung babaeng ikakasal kasi simple lang ang ganda nya at ang balat nya kutis-Filipina talaga at nandun naman sya sa pinakasulok at hindi na mareflect sa salamin) na sinasakyan pero sa bawat takbo ng sasakyan ay hindi naman siya naiiwan sa labas! Nandoon lang siya sa salamin katabi ko na parang kasama namin sa loob! Sa sobrang lapit nga ng mukha nya sa mukha ko, hindi ko alam kung namamalik-mata ako o totoo na sa mga panahon na un. Kaya kinusot-kusot ko ang aking mga mata ngunit andun pa rin sya at hindi nawawala! Sinubukan ko syang kausapin gamit ang isip. Awkward naman kasi kung magsasalita ako ng hindi nila nakikita ang nakikita ko. Kaso mga 12 seconds simula ng kausapin ko sya, unti unti siyang lumabo hanggang sa tuluyan ng nawala. After nun, kumbinsido ako sa aking nakita. Ngunit wala akong lakas ng loob para kilalanin pa kung sino siya dahil sa kasal lang naman ang ipinunta namin doon at hindi katatakutan. Ngunit pagkababang-pagkabab­a namin ni Jez sa van kinausap ko siya.

"Tol, nakita mo ung babaeng nakisabay sa atin?"

"Sinong babae?"

Lumapit ako sa kanya at bumulong, "May kasama tayo kanina sa loob ng van na hindi nakikita."

Bigla siyang nanginig at tumawa, "Huwag mo nga akong takutin!" Tumalikod lang sya at halata pa ring natatakot.

Pagkatapos nito, dumerecho na kami sa loob ng simbahan.



*****

True Ghost StoriesWhere stories live. Discover now