CHAPTER 02

6.8K 135 17
                                    


NAPANGIWI si Ivana nang bumaba sila ni Nicholas ng tricycle. Nasa tapat sila ng isang tindahan ng mga wedding gown. Maliit lang ang store at halatang puro mumurahin ang mga itinitinda. Kanina kasi ay maaga siyang pinuntahan ng nobyo sa bahay para sunduin. Ngayon kasi siya magpapasukat ng wedding gown niya at pipili na rin siya ng design.

Ang sinabi niya kay Nicholas ay gusto niyang sa Lovely Bride niya gustong magpagawa. Isa iyong sikat na pagawaan ng wedding gown. Mahal pero quality naman. May ilang artista nga na nagpagawa doon ng wedding gown nila kaya alam niyang subok na ang kalidad ng wedding gown sa Lovely Bride.

"Babe, nagkamali yata tayo ng pinuntahan. Hindi dito ang Lovely Bride..." apela ni Ivana nang naglalakad na sila papasok sa naturang store. "Sa kabilang street pa iyon, e." Huminto na siya sa paglalakad dahil parang hindi niya kayang pumasok sa lugar na iyon. Parang ang dumi-dumi.

"Alam ko, babe. Sorry pero nag-check kasi ako ng presyo ng gowns sa Lovely Bride sa Facebook page nila. Halos kalahati ng ipon ko ay baka mapunta lang doon sa susuotin mo kaya naghanap agad ako ng alternative na store na medyo mura." Nilapitan siya ni Nicholas at hinawakan ang isang kamay. "Babe, tiningnan ko 'yong designs nila online at mukhang may magugustuhan ka."

Isang nakangiwing ngiti ang gumuhit sa labi ni Ivana. "Nicholas, nagjo-joke ka lang, right? Sinabi ko na sa iyo dati pa na sa Lovely Bride ako magpapagawa ng gown ko dahil maganda doon," giit niya.

"Alam ko naman iyon at hindi ko nakakalimutan pero-"

"Iyon naman pala, e! So, bakit mo ako dinala sa cheap na store na 'to?" Pinipigilan lang niya ang pagtaas ng boses niya pero ang totoo ay naiinis na siya.

Nanlaki ang mata nito. "'Wag kang maingay. Baka marinig ka ng may-ari, babe!"

"I don't care!"

"Babe, ganito kasi... Hindi kaya ng ipon ko ang dream wedding mo. Pwede bang kung magkano lang iyong meron ako ay iyon na lang ang pagkasyahin natin? Saka ang importante naman ay makasal tayo kahit saang simbahan, 'di ba?"

Kumunot ang noo ni Ivana. Hindi kayang tanggapin ng utak niya ang mga sinasabi ng nobyo niya. "Simbahan? Anong simbahan ang sinasabi mo, Nicholas? Don't tell me... h-hindi na tuloy ang beach wedding?!" Hindi makapaniwalang turan niya. Parang gusto na niyang maiyak nang tumango si Nicholas. "Oh my, God! Nicholas! Ang sabi ko ay beach wedding ang gusto ko! Minsan lang itong mangyari sa isang babaeng katulad ko kaya gusto ko ay masusunod kung ano ang gusto ko!"

"Pero, babe, hindi kasi kaya ng pera ko ang dream wedding-"

"Edi, sana hindi ka muna nag-propose sa akin! Ang lakas ng loob mong mag-propose ng kasal sa akin tapos hindi mo naman pala kayang tuparin ang dream wedding ko! Diyan ka na nga!" Hindi na niya napigilang pagsalitaan ng masakit si Nicholas dahil sa sobrang inis niya.

Ipiniksi niya ang kamay at nang makawala siya sa pagkakahawak ni Nicholas ay malalaki ang mga hakbang na naglakad siya palayo sa nobyo.

"Ivana! Sandali!" habol nito sa kaniya.

Hindi niya pinansin si Nicholas. Agad niyang pinara ang tricycle na nakita niya at sumakay doon.

Masamang-masama talaga ang loob niya kay Nicholas. Umasa pa naman siya na kaya na nitong tuparin ang dream wedding niya kaya ito nag-propose. Palagi niyang sinasabi kung anong klase ng kasal ang gusto niya bago pa ito mag-propose. Hindi ba nito naaalala iyon?

Nagpahatid siya sa bahay nila pero dumiretso siya sa bahay nina Yssa. Naabutan niya ang kaibigan na naglalagay ng nail polish sa salas. Nakasalampak ito sa sahig habang ginagawa iyon. Nakasimangot na umupo siya sa pang-isahang upuan. Nakatingin lang siya sa kawalan.

The Unfaithful WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon