WALANG imik si Ivana habang sakay siya ng lalaking iyon. Nasa unahan siya sa tabi nito habang nakatutok ito sa pagda-drive. Bahagya siyang nakayakap sa sarili dahil medyo malamig ang buga ng aircon. Sleeveless pa naman ang kaniyang suot.
Hindi na siya nakatanggi na ihatid siya nito nang hilahin na siya nito sa kamay. Isa pa, mukha naman itong mapagkakatiwalaan at hindi gagawa ng masama. Mas lalo ding lumakas ang ulan kaya nahinuha niyang wala na siyang masasakyan pang jeep. Ayaw niyang tumakbo papunta sa waiting shed dahil baka dapuan pa siya ng sakit. Hindi siya pwedeng magkasakit sa panahon na ito lalo na at wala pang trabaho ang asawa niya.
Pagkasakay niya ay tinanong lang nito kung saan siya umuuwi. Nang sabihin niya ang pangalan ng subdivision nila ay sinearch lang nito iyon sa Waze at alam na nito kung saan siya nito ihahatid.
Mula sa gilid ng mata ni Ivana ay nakita niya ang mabilis na pagsulyap ng lalaki sa kaniya. “Cold?” tanong nito.
“M-medyo po, sir—”
“Can you drop the ‘sir’ and ‘po’ mo sa akin? Pakiramdam ko tuloy ay sobrang tanda ko na. And besides, hindi mo ako boss at hindi na ako bumibili ngayon ng perfume sa store ninyo kaya don’t call me sir.” Mahina itong tumawa. “By the way, my name is Ian Legazpi. You are?”
“Ivana Cuenca.”
“Gaano na kayo katagal na kasal ng asawa mo?”
“Almost one month pa lang.”
“Hmm… Bago pa nga lang. Nasa honeymoon stage pa lang kayo.”
“E, ikaw? Ga’no na kayo katagal na kasal ng wife mo?” Pagbabalik niya ng tanong dito.
“Five years.”
“Ilan na anak ninyo?”
“Nah! Wala pa rin. Ayaw ng misis ko dahil sa work niya.”
“Ano bang trabaho niya?” Sa totoo lang ay ayaw niyang makipag-usap kay Ian pero dahil nagmamagandang-loob ito sa kaniya ay sinasakyan na lang niya ito.
“She’s an actress. Giovana Mercado. Do you know her?”
Hindi makapaniwalang napatingin si Ivana kay Ian nang sabihin nito ang pangalan ng misis nito. Kilala niya kasi si Giovana Mercado. Isa lang naman ito sa sikat na babaeng artista ngayon. Pinapanood pa nga niya noon ang huli nitong soap opera na ang title ay “The Legal Mistress”. Napakaganda ni Giovana. Sexy, mestisa at sopistikada. Ang malalaki nitong mata na akala mo ay palaging naninindak ang dahilan kung bakit panay kontrabida roles ang ibinibigay dito. Kaya naman tinatawag na ito Primera Kontrabida sa telebisyon.
“Talaga? Asawa mo si Giovana Mercado?!” Hindi pa rin makapaniwala si Ivana.
“Yes! Hindi ba kapani-paniwala? Well, hindi yata ako bagay sa kagandahan ni Giovana kaya ayaw mong maniwala,” anito sabay tawa.
Umiling siya. “Hindi sa ganoon. Hindi lang ako makapaniwala na nakilala ko ang asawa ni Giovana Mercado. Sinubaybayan ko kasi 'yong last niyang palabas sa TV. 'Yong The Legal Mistress. Sobrang galing niya doon na kontrabida. Maiinis ka talaga sa kaniya.”
“I think, that’s a compliment. Thank you!”
Maya maya ay nakarating na sila sa bungad ng subdivision kung saan nakatira si Ivana. Mahina na ang ulan kaya sinabi niya kay Ian na sa may gate na lang siya ibaba pero hindi ito pumayag. Pinilit pa rin nito na ihatid siya mismo sa bahay niya dahil umuulan pa daw.
Bigla tuloy siyang kinabahan. Baka makita siya ni Nicholas na inihatid ng isang lalaki na hindi nito kilala. Baka kung ano ang isipin nito. “Ian, dito na lang. Malapit na naman dito ang bahay ko—”

BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Romance[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...