MAKALIPAS ang mahigit isang taon…
Panay ang lakad ni Nicholas sa kitchen ng Only Juan’s Burger House upang masiguro na nagtatrabaho ang bawat tagapagluto nila doon. “Na-pre-cooked niyo na ba 'yong mga patties natin, guys? 'Yong fries, 'wag niyong masyadong lutuin nang matagal, ha.” Hindi naman siya istrikto na boss pero iba kasi ang araw na iyon.
Meron silang promo na buy one take one sa kanilang classic burger at cheese burger kaya sigurado siyang maraming tao ang oorder ng mga iyon. Ang promo na iyon ay ngayong araw lang dahil ngayon ang one year anniversary simula nang maitayo ang burger house na pagmamay-ari niya at ni Giovana.
Ang Only Juan’s Burger House ay ang negosyong bumubuhay sa kaniya ngayon at talagang nagpabago ng kaniyang buhay. Mahigit isang taon na simula nang buksan nila ni Giovana ang Only Juan’s Burger House at naging patok iyon dahil sa pang-masang pangalan nito at presyo ng kanilang burgers. Kahit medyo mura kung ikukumpara sa ibang burger house ang kanilang mga pagkain doon ay sinisiguro nilang masarap at hindi tinipid sa ingredients ang kanilang sini-serve.
Malaking tulong din ang pagiging artista ni Giovana dahil napo-promote nito sa social media accounts nito ang burger house kaya minsan ay may ilang artista na nagpupunta doon.
Siniguro din nila na gaya ng pang-masa nitong pangalan ay pang-masa din ang hitsura ng kanilang burger house. Iniwasan nila na maging sobrang pang-sosyal ang hitsura niyon. Woody ang masasabing tema ng kanilang restaurant. Yari sa magandang uri ng kahoy ang mga upuan at lamesa. Maging ang sahig at dingding ay ganoon din. Nakapwesto sila malapit sa mall. Para kapag may mga taong lumalabas o pumapasok doon ay makikita sila agad. May kalakihan ang kanilang burger house. Meron iyong labing-limang lamesa at sa isang lamesa ay kasya ang anim na tao. Ginawa nilang maluwag ang mismong kainan upang kumportable ang mga kakain. Mahirap kasing kumain kung halos magkakadikit ang mga lamesa. Air-conditioned din iyon kaya hindi naiinitian ang mga kakain. Maganda rin ang ventilation upang hindi naman amoy pagkain ang mga customer pagkalabas ng kanilang burger house.
Sa oras na iyon ay halos kakabukas lang nila pero nang sumilip si Nicholas sa mismong kainan ay puno na agad ang kanilang burger house. Wala nang bakanteng lamesa at may ilan pang naghihintay sa labas. Iyon ay dahil sa kanilang buy one take one sa ilan nilang burgers.
Bukod sa iba’t ibang klase ng burgers ay nagse-serve din sila ng pasta, nachos, french fries at rice meals. Sa inumin naman ay meron silang juices, shakes at frappe.
“Boss Nicholas, relax lang po kayo. Kayang-kaya namin ito!” Natatawang sabi ng pinakamatagal nilang tagapagluto na si Francis.
“Francis, hindi ako makapag-relax. Ang dami nang tao sa labas. Baka mainip sila at umalis. Baka i-bash nila tayo sa social media!” Natataranta niyang sabi.
“Sa sarap ng burgers natin, boss, kayang-kaya nilang maghintay kahit bukas!” Sabi ni Jenny na nakatoka sa fryer.
Totoo ang sinabi ni Jenny. May tao silang pinagkukunan ng kanilang burger patties kaya iisa lang ang lasa niyon. Home-made kaya iba talaga ang sarap kumpara sa ibang kilalang burger house ngayon.
“Kayo talaga. Alam na alam niyo kung paano ako pakalmahin!”
“E, kasi sanay na kaming palagi kayong natataranta, boss!” turan pa ni Francis habang bahagyang natatawa.
Magsasalita pa sana si Nicholas nang tawagin siya ng isa sa mga waiter. “Boss, nasa office niyo po si Ma’am Giovana. Pinapatawag po kayo,” sabi nito.
“Okay. Salamat!” Hinubad niya ang head cap na suot niya at dumiretso na sa office na naroon din sa loob ng burger house. Hindi iyon ganoon kalaki.
BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Romance[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...