“PUNYETA talaga ang Giovana na 'yon! Mabuti na lang at hindi ako nagkaroon ng sugat sa maganda kong mukha dahil kapag nagkataon, susunugin ko siya kasama ng mga fans niyang mababaho! Humanda ka oras na dumating dito si Ian. Isusumbong talaga kita pati na ang pakikialam mo sa credit card niya!” Galit na himutok ni Ivana habang nasa banyo siya at nakaharap sa isang salamin.
Chini-check niya kasi ang mga natamo niyang sugat at kalmot sa katawan. Karamihan sa kalmot ay sa braso at leeg niya. Namumula din ang mga pisngi niya dahil sa mga sampal ni Giovana. Nagpapasalamat na rin siya na wala siyang sugat o kalmot sa mukha dahil ang mga iyon ay maaaring magpeklat.
Matapos tingnan ang sarili sa salamin ay lumabas na siya ng banyo at nagsuot ng pambahay na damit. Simpleng t-shirt at shorts lang ang isinuot niya. Kailangan na rin niyang magluto dahil nag-text na si Ian na pauwi na ito at nasa biyahe na. Nag-request ito na magluto siya ng carbonara. Hindi niya alam kung paano iyon lutuin pero may Youtube naman. Marami doong tutorial ng pagluluto ng carbonara.
Bumaba na siya sa salas at habang nakahiga sa sofa ay nanonood siya sa Youtube kung paano lutuin ang carbonara na gusto ni Ian.
Napapitlag siya nang marinig niya ang pagtunog ng doorbell.
Sino kaya ang pupunta sa bahay nila ng ganitong oras? Gabi na kasi. Imposibleng si Ian kasi nasa biyahe pa ito. Baka si Yssa. Bumalik siguro.
Binitiwan muna ni Ivana ang cellphone at tumayo. Binuksan niya ang gate at may nakita siyang isang lalaking nakatalikod. Hindi niya mawarian kung sino iyon dahil medyo madilim na. Malamlam kasi ang ilaw sa poste na malapit sa harapan nila. Pundido na siguro ang bumbilya.
“Hello? Sino po sila?” tanong ni Ivana sa lalaking nakatalikod.
Marahan itong humarap at ganoon na lamang ang gulat niya nang malamang si Nicholas pala iyon. Alanganin itong ngumiti at tinawag ang niyang pangalan. Isasarado sana niya ang gate pero mabilis na napigilan iyon ni Nicholas. Naglaban ang mga tingin nila hanggang sa matalo siya ng lakas ni Nicholas at nagawa nitong makapasok.
“Anong ginagawa mo dito? Paano mo nalaman na dito ako nakatira?” Naiinis na tanong ni Ivana sa kaniyang asawa.
“Ivana—”
“Umalis ka na! Pauwi na si Ian at ayoko na ng gulo. Patahimikin mo na ako, Nicholas, kung talagang mahal mo ako!” Umatras siya nang akmang hahawakan siya nito. “Huwag mo akong hahawakan.”
“B-bakit hindi ko na pwedeng hawakan ang asawa ko?”
“Nicholas! Hindi ka ba marunong umintindi? Ayoko na sa’yo. Si Ian na ang mahal ko!” gigil niyang bulalas dito.
Bakit ba kasi sobrang kulit ni Nicholas? Kinakabahan siya sa ginawa nitong pagpunta dito tapos nasa biyahe na pauwi si Ian. Kapag hindi niya agad napaalis si Nicholas ay may posibilidad na magpapang-abot ang dalawa at kapag nangyari iyon ay paniguradong magkakagulo.
“Totoo bang buntis ka?” tanong ni Nicholas na labis niyang ikinabigla.
Paano nito nalaman ang tungkol sa bagay na iyon?
Yssa! Sigaw ng utak ni Ivana. Malamang ay ang kaibigan niya ang nagsabi kay Nicholas na buntis siya. Kung alam lang niya, hindi na dapat niya sinabi iyon kay Yssa.
Huminga siya nang malalim at tinapangan ang mukha. “Oo. Buntis ako. Ano naman sa’yo?”
“K-kung ganoon ay magiging tatay na ako!” bakas sa mukha nito ang kasiyahan.
“'Wag kang ilusyunado. Hindi ikaw ang ama ng ipinagbubuntis ko!”
“A-anong hindi ako? Ako ang asawa mo kaya paanong—”
BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Romance[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...