CHAPTER 23

3.9K 114 22
                                    

NAWALA ang kalasingan ni Ivana at hindi siya pinapatulog ng kaniyang konsensiya dahil sa ginawa niya kay Nicholas. Aaminin niya, nabigla siya sa ideyang magkunwaring binabastos siya ni Nicholas at humingi ng tulong doon sa mga lalaki. Ang akala niya kasi ay ilalayo lang ng mga iyon si Nicholas sa kaniya. Malay ba niya na mabubugbog pala si Nicholas.

Naroon na sila ni Yssa sa kaniyang hotel room. Pagdating nila doon ay bumagsak agad ang kaibigan niya sa kama at natulog. Ngayon ay mahimbing na itong natutulog at ang lakas pa ng hilik. Nakatayo lang siya sa may terrace at nakamasid sa kawalan. Hindi mawala sa utak niya ang mga sigaw ni Nicholas at ang hitsura nito habang binubugbog. Gusto niyang makasiguro kung ano na ang nangyari dito.

Paano kung napatay ito ng mga lalaking iyon?

Napahawak siya sa kaniyang dibdib dahil sa sobrang takot sa kung ano na ang nangyari sa kaniyang asawa. Dahil doon ay umalis siya ng hotel na dala ang cellphone at wallet niya na inilagay niya sa isang handbag.

Pupuntahan niya si Nicholas sa bahay nito dahil iyon lang ang alam niyang lugar na pupuntahan nito. Mabuti na lang at may nasakyan pa siyang taxi kahit madaling araw pa lamang. Wala ring traffic kaya madali siyang nakarating sa bahay ni Nicholas.

Pagbaba pa lang niya ng taxi ay nakita niya agad si Nicholas na nakadapang nakahiga sa labas ng bahay. Nasa harapan ito ng pintong nakasarado. Labis siyang kinabahan at natakot sa naisip niyang baka matapos itong mabugbog ay mas pinili nitong umuwi sa bahay kesa sa magpunta sa ospital.

Malalaki ang mga hakbang na nilapitan niya si Nicholas at kahit nahihirapan ay pilit niya itong itinihaya. Halos madurog ang puso niya nang makitang namamaga ang mukha nito. Nangingitim ang paligid ng kaliwang mata ni Nicholas at dumudugo ang labi dahil sa isang sugat.

Agad niyang dinama ang dibdib nito at kahit papaano ay nakahinga siya ng maluwag nang malamang humihinga pa si Nicholas. Hula niya ay nawalan lang ito ng malay. Kailangan niya itong maipasok sa loob at malinis ang sugat. Mabuti na lang din at pinakinggan niya ang instinct niya na nandito si Nicholas kung hindi ay baka kung ano na ang nangyari dito kung matatagalan itong nandito sa labas na bugbog-sarado.

Sinubukan niyang buksan ang pinto pero naka-lock iyon kaya ang ginawa niya ay kinapkapan niya ang mga bulsa ng pantalon ni Nicholas. Natagpuan niya ang susi ng bahay sa may likurang bulsa. Gamit ang susi ay matagumpay na nabuksan ni Ivana ang pinto.

Noong una ay sinubukan niyang itayo si Nicholas pero hindi niya kaya ang bigat nito. Kaya napilitan siyang hilahin ito papunta sa loob ng bahay habang hawak ito sa magkabila nitong kili-kili. Nang nasa loob na ay isinara muna niya ang pinto at binuksan ang ilaw.

Akmang itutuloy niya ang paghila kay Nicholas para dalhin ito sa kwarto ay bigla siyang natigilan nang makita niya ang loob ng bahay kung saan ay minsan siyang tumira.

Naging emosyonal si Ivana dahil bumaha ang mga alaala nila ni Nicholas hindi lang sa bahay na iyon kundi noong magkasintahan pa lang sila. Kung paano siya nito niligawan at kung paano siya nito tinrato bilang isang babae. Hindi niya maitatanggi na kay Nicholas niya naranasan ang pagmamahal na kahit kailan ay hindi niya naisip na kayang ibigay ng isang lalaki. Sadyang sinubok lang sila ng tadhana. Naging praktikal lang siya dahil alam niyang hindi siya mapapakain ng pag-ibig at hindi nito mababayaran ang bills sa bawat buwan na dadaan.

Huminga nang malalim si Ivana sabay buga ng hangin upang pigilan ang pagpatak ng luha.

Naglakad-lakad muna siya sa kabuuan ng bahay ni Nicholas at nakita niyang wala na sa ayos ang mga kagamitan doon. Maraming bote ng alak sa may salas, marurumi na ang unan at kumot sa kwarto. Kakaiba na rin ang amoy doon dahil nakasarado ang bintana. Kahit yata ang pagbubukas ng bintana ay hindi na nagagawa ni Nicholas. Maraming dapat hugasan sa lababo at tambak na rin ang mga damit na dapat nang labahan.

The Unfaithful WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon