IAN LEGASPI accepted your friend request.
Kumabog nang mabilis ang dibdib ni Ivana sa nakita niyang notification na lumabas sa kaniyang cellphone. Wala pang isang minuto simula nang i-add niya sa Facebook si Ian ay in-accept na agad siya nito. Isa lang ang ibig sabihin niyon—gising pa itong katulad niya sa mga oras na ito!
Bigla siyang kinabahan. Ang mabuti pa siguro ay i-unfriend na niya si Ian o kaya ay i-block na lang niya para mas maganda. Wala na talaga silang communication.
Handa na sana siyang i-block si Ian nang bigla naman itong nag-request ng video call sa kaniya. Gumawa iyon ng ingay at mas kinabahan siya na baka magising si Nicholas. Bumangon siya at nagmamadaling hinanap ang earphone sa drawer sa tabi ng kama. Nang makita niya ang hinahanap ay agad niya iyong isinaksak sa cellphone at nawala na ang ingay ng pag-ring.
Sa pagkawala ng ingay ay nagtalo naman ang isip ni Ivana kung sasagutin ba niya ang video call ni Ian o huwag na. Ilang segundo din ang pinalipas niya bago siya nakapagdesisyon. In-accept niya ang video call at tahimik na lumabas ng kwarto.
Nagpunta siya sa banyo at ini-lock ang pinto. Umupo siya sa toilet bowl at itinapat ang cellphone sa mukha niya. Awtomatikong napangiti si Ivana nang makita sa screen ang gwapong mukha ni Ian. Gumanti ito ng matamis na ngiti sa kaniya. Sa tingin niya ay nasa kwarto ito dahil sa nakahiga ito.
“Thank sa pag-add, ha,” ani Ian sabay kindat.
“Welcome—I mean, n-nakita ko lang sa suggested friends ang name mo. Tiningnan ko kung ikaw tapos napindot ko yata ang add as friend nang 'di ko namamalayan.”
“Ivana, pwede bang huwag ka nang magsinungaling? Kita ko sa mata mo, you’re lying. In-add mo talaga ako. Anyway, I am happy na meron na tayong communication through Messenger—”
“Hindi!” Mabilis niyang turan. “I-u-unfriend na kita!”
“Ha? What? In-add mo ako tapos unfriend agad? Wait, bakit ka nasa banyo? CR iyan, 'di ba?”
“N-nasa kwarto si Nicholas. Baka makita niya ako na kausap.”
Tumango-tango si Ian. “Hmm… So, gumawa ka pa talaga ng paraan para lang makausap ako. I like that. Sinasabi ko na nga ba, gusto mo rin ako, Ivana. Pinipigilan mo rin kasi may asawa na tayo.”
Tama ka, Ian. Iyan nga ang dahilan ko… aniya pero hindi na niya isinatinig pa.
“Dahil mali ito, Ian—”
“Mali pero gusto natin ang isa’t isa. Alam mong mali pero in-add mo pa rin ako dito sa Facebook. Maraming bagay na mali na pwedeng maging tama. I want you, Ivana… Kung bibigyan mo lang ako ng pagkakataon na ipakita sa iyo how much I want you ay hinding-hindi ka magsisisi. Please?”
Hindi agad nakasagot si Ivana. Nag-iisip siya at parang gusto na niyang bumigay. Bigla niya tuloy naikumpara si Ian kay Nicholas. Kung sa pisikal na labanan ay may laban ang kaniyang asawa. Ngunit pagdating sa financial status ay lamang ng ilang libong milya si Ian.
“Ivana, kung gusto mo talaga ako, makipagkita ka sa akin bukas. I’ll message you kung saan at kung anong oras para hindi mo makalimutan. Hihintayin kita doon. Kapag pumunta ka, it means na gusto mo rin talaga ako. Pero kapag hindi ka pumunta ay titigilan na kita. Hindi na ako magpaparamdam sa iyo kahit kailan. Okay?”
“Ian, ano bang—”
“Bye, Ivana! Sana ay pumunta ka.”
Hindi na nakaumang si Ivana nang biglang maputol ang video call. Isang chat message ang natanggap niya mula kay Ian. Isang address ng hotel ang naroon at may kasamang oras. Kasunod niya ay nag-offline na si Ian. Naniniguro talaga ito na hindi na siya makakatanggi kaya bigla itong nag-offline.

BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Любовные романы[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...