“ARAY ko! Bakit mo ako sinuntok?!” galit na tanong ni Yssa habang sapo ang ngusong nasaktan.
“Dapat lang sa’yo iyan dahil traydor kang babae ka! Ahas! Puta ka! Kung puta ako, mas puta ka, Yssa! Hindi ka na nakuntento sa mga damit na binibigay ko sa’yo. Pati ba naman boyfriend ko ay gusto mong kunin!” Hindi pa nakuntento si Ivana sa suntok na ibinigay niya dito at sinabunutan pa niya ito.
Hinila niya ito at naging dahilan iyon para mahulog ito sa sofa.
“Bitiwan mo ako! Hayop ka!” Pagwawala ni Yssa habang pinipilit nitong alisin ang kamay niya sa buhok nito.
“Anong bitiwan? Hindi pa ako tapos sa iyong babae ka!”
Umuusok ang ilong sa galit na kinaladkad niya si Yssa palabas ng bahay. Pagdating sa may pintuan ay huminto siya at hinila pababa ang buhok nito kaya napatingala ito sa kaniya. “Ikaw na malandi ka! Tigilan mo na si Ian, ha! Tigilan mo na nag boyfriend ko!” Dinuro niya ito sabay sampal ng isa. “Kapag hindi ka pa tumigil ay hindi lang ito ang makukuha mo sa akin! Buburahin ko iyang make-up mo gamit ang steel brush. Naiintindihan mo?!”
“Leche ka! Kabit! Makakarating ito kay Ian!”
Marahas niyang binitiwan ang buhok ni Yssa. “Samahan pa kita sa kaniya! Akala mo ba ay natatakot ako? Umalis ka na bago pa kita tadyakan hanggang gate! Ano?!” Iniumang niya ang paa para tadyakan ito.
Nahihintakutang tumayo si Yssa. Gulo ang buhok at wala na sa kaayusan ang damit dahil sa pagkaladkad niya. “Kung inaakala mo na maibabalik mo ang dating kayo ni Ian, nagkakamali ka! Alam mo ba kung ano ang plano niya? Babalikan niya si Giovana at huhutuhutan niya ng pera. Kapag may pera na ulit siya ay magsasama na kami. At ikaw? Wala ka sa plano niya! Kawawa ka naman! Saka dapat lang na iwanan ka na ni Ian dahil ikaw ang dahilan kung bakit nawala na sa kaniya ang supermarket!” Malakas na sabi ni Yssa sa pagitan ng paghingal nito.
“Anong sabi mo? W-wala na kay Ian ang supermarket?”
“Matagal na. Gaga! Kita mo na, ikaw ang jowa pero hindi siya nagtitiwalang sabihin sa iyo ang nangyayari sa buhay niya! Sabagay, ikaw naman kasi ang dahilan kung bakit wala na siyang pera ngayon. Ang gastos mo kasi, ghorl!” Humalukipkip si Yssa at tinawanan siya. “Saka alam mo bang isang simpleng empleyado na lang si Ian? O, 'di mo rin iyan alam, 'no!”
“Tumigil ka na sa kasinungalingan mo, ha! Saka anong magastos ako, e, nakinabang ka din naman noon sa mga binibili ko! Ingrata ka! Umalis ka na!”
“Okay. Fine! Aalis na ako. Pero ikaw, sulitin mo na ang natitirang araw na dito ka nakatira dahil sooner or later ay ako na ang magre-reyna sa bahay na ito. At ikaw at iyang anak mong mukhang tiyanak, sa lansangan kayo pupulutin dahil wala nang tatanggap sa iyo kahit ang asawa mo! Leche!”
Tumiim ang bagang ni Ivana sa sinabi ni Yssa. Pati ba naman anak niya ay dinamay nito sa kabulukan ng bibig nito. “Ah, tiyanak pala, ha!” Akala mo ay isang toro na sinugod niya si Yssa. Malakas niya itong itinulak na naging dahilan para matumba ito at mapaupo sa semento.
Nakita niya ang hose ng tubig na ginagamit nilang pandilig sa mga halaman at panlinis ng kotse ni Ian. Kinuha niya iyon at ipinulupot sa leeg ni Yssa. Talagang sa gigil niya ay baka mapatay na niya ito. Siya na lang ang laitin nito pero huwag nitong idadamay si Isabella!
“H-hindi a-ako m-makahinga!” Nahihirapang turan ni Yssa habang nanlalaki ang mata at nakalabas ang dila.
“Talagang hindi ka makakahingang tarantada ka dahil mamatay ka na! Papatayin na kita bago ka pa maging reyna sa bahay na ito. Hayop ka!” Tuluyan nang nagdilim ang paningin ni Ivana at wala na siyang pakialam kahit pa mapatay niya si Yssa.
BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Roman d'amour[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...