“SINO naman kaya sa mga boys mo ang nagbigay niyan sa iyo?” Pabirong tanong ni Ivana kay Yssa. Imposible kasi na para sa kaniya ang cake na iyon dahil may asawa na siya at sa kanilang dalawa ay si Yssa lang ang maraming kakilalang lalaki.
Maarteng itinirik ni Yssa ang mga mata. “Boys talaga, ghorl? Saka paano ka nakakasigurado na lalaki nga ang nagbigay nito?” Inilapit nito ang cake sa tapat nito at kinuha ang tinidor para tikman iyon. “Hmm! Ang sarap talaga lalo na kapag libre!”
Nagkatawanan silang dalawa at nag-apir pa.
Muling sumubo ng cake si Yssa at mas malaki na sa pagkakataon na iyon.
“Actually, that’s for Ivana.”
Sabay na napatingin silang dalawa sa kanilang kaliwa nang may marinig silang boses ng lalaki na nagsalita. Gulat na gulat si Ivana nang makita niya si Ian na nakatayo sa tabi ng table nila. Nanlalaki ang mata niya at bahagyang nakaawang ang bibig. Iniluwa naman ni Yssa ang cake na nasa bibig sa kamay nang malaman na hindi pala iyon para dito.
Anong ginagawa dito ni Ian? At bakit may pagbigay pa ito ng cake?
“Hindi mo man lang ba ako babatiin? Ivana?” Nakangiting tanong pa ni Ian.
“Ah, e… H-hello…” Naguguluhan niyang sabi.
“Hi! My name is Yssa. Ivana’s beautiful friend!” Inilahad nito ang isang kamay kay Ian. “Don’t worry, iyong isang kamay ko ang niluwaan ko ng cake. I’m sorry. Akala ko kasi that is for me!” Tinanggap naman ni Ian ang kamay ng kaibigan niya at nakipagkilala ito dito.
Siya ay hindi pa rin makapaniwala sa muling pagtatagpo ng landas nila ni Ian. Ganoon pa rin ang pakiramdam niya ngayong nakita niya itong muli. Katulad pa rin ng unang beses niya itong nakilala sa may perfume store. Ang lakas pa rin ng dating nito para sa kaniya at nagawa agad nitong pabilisin ang tibok ng kaniyang puso nang walang kahirap-hirap.
“A-anong ginagawa mo dito?” Kandautal na tanong ni Ivana.
Ngumiti si Ian. “Nagkakape. Coffee shop ito, right?”
“Ang ibig kong sabihin ay…” Napatigil siya sa pagsasalita at mas pinili na lang na huwag nang ituloy ang sasabihin. Baka isipin nito na masyado siyang assuming na sinusundan siya ng lalaki. Nagkataon lang marahil na nasa iisang lugar sila sa parehas na oras. “Wala. Thank you nga pala sa cake. Hindi ka na dapat nag-abala pa. Busog na kasi kami, e,” aniya.
“Ay, ako! Hindi pa! Gutom na gutom pa nga ako, e!” singit ni Yssa na may kasama pang pagpapa-cute ng mata kay Ian. Pero hindi naman ito pinansin ni Ian dahil nasa kaniya ang tutok ng mata nito.
“Anyway, nakita lang kita and I remember you kaya binigyan kita ng cake. Paalis na rin ako. Bye! Have a great night!” Isang matamis na ngiti ang iniwan sa kaniya ni Ian bago ito lumabas ng naturang coffee shop.
Agad naman siyang inusisa ni Yssa tungkol kay Ian nang makaalis na ang lalaki. “Who’s that yummy guy?! Bakit magkakilala kayo?!” Curious na tanong nito sa kaniya.
Itinaas sabay baba niya ang mga balikat. “Bumili dati ng perfume sa store natin noong ako pa ang nagbabantay doon. Marami siyang binili, e.” Pabalewalang sagot niya ngunit sa kaloob-looban ng puso niya ay may panghihinayang siya sa pag-alis agad ni Ian.
“Really?! Kung alam ko lang na bibili siya, ako na lang sana ang nagbantay dati! Grabe! Ang gwapo niya! Parang… parang gusto kong anakan niya ako—”
“Gaga! In your dreams. May asawa na 'yon, 'no. Kaya tigilan mo na ang pagpapantasya kay Ian!”
“What? Hindi niya ako hinintay?! Nagpakasal na siya sa iba?” biro pa ni Yssa. Bakas sa mukha nito ang panghihinayang.
BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Romance[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...