“AY!!!” Malakas na tili ni Ivana habang tinitingnan nila ni Ian ang iba’t ibang uri ng insekto na nakalagay sa kulungan na yari sa glass sa World Of Creepy Crawlies.
Iyon na ang huling pinuntahan nilang attraction sa Manila Ocean Park. Mahigpit pa siyang yumakap kay Ian nang tinitingnan na nila ang iba’t ibang klase ng mga ipis. “Daddy! I’m so afraid talaga!” Halos ipagsiksikan na niya ang sarili kay Ian. Hindi naman talaga siya natatakot pero gusto lang niyang mag-inarte upang ipakita sa mga taong naroon na sweet sila ng kaniyang boyfriend.
“Ano ka ba, mommy? Nakakulong naman sila, e. Hindi ka dapat natatakot sa mga iyan,” natatawang sabi ni Ian sa kaniya.
“Kahit na, daddy. Super afraid pa rin ako sa kanila. Eww kaya sila!” Maarte niyang turan.
Magsasalita pa sana si Ivana nang may marinig siyang boses ng isang babae sa likuran nila. “Pakaarte naman! Kung takot sa ipis, bakit pa siya pumasok dito?” Pabulong lang iyon ngunit hindi yata alam ng babae na narinig niya pa rin.
Nagpanting ang tenga ni Ivana. Kumalas siya sa pagkakayakap kay Ian at matapang na hinarap 'yong babae sa likuran nila. “Anong sabi mo?!” Pinanlakihan niya ito ng mata.
Isa itong matabang babae na may kasamang batang babae. “Ang sabi ko, baka tapos na kayong tumingin sa mga ipis kasi gusto rin naming makita!” Talagang tinaasan pa siya nito ng kilay.
Humalukipkip siya at mas lalong nainis. “Wala bang ipis sa bahay ninyo at talagang gusto ninyong makita mga ipis dito? Sinasabi ko sa iyo, parehas lang ng ipis sa bahay ang ipis nila!” pagtataray niya. Siyempre, hindi siya magpapatalo.
“Mommy, that’s enough. Tara na…” bulong sa kaniya ni Ian sabay hingi ng paumanhin sa matabang babae.
Umalis na sila doon at hindi siya makapaniwala na nag-sorry si Ian sa babaeng iyon na may hindi magandang sinabi sa kaniya. Pakiramdam niya ay napahiya siya dahil siya ang nagmukhang may kasalanan kung bakit may nangyaring tarayan.
“Bakit ka nag-sorry sa baboy na iyon? Sinabihan niya ako ng maarte! Dinig na dinig ko!” reklamo niya. Medyo sumama ang loob niya kay Ian.
“Hayaan mo na lang. Okay? Saka bakit parang ang init ng ulo mo? May problema ba?”
Natahimik si Ivana sa tanong na iyon ni Ian. Paano ay hindi rin niya alam kung bakit ang bilis uminit ng ulo niya ngayong araw. Kung tutuusin, kapag may naririnig siyang ganoon ay hindi na lang niya pinapansin. Hindi siya ang uri ng tao na mahilig pumatol. Ewan. Hindi niya alam kung bakit ganoon ang mood niya. Masaya naman siya pero sinira lang talaga ng babaeng iyon.
Kinuha ni Ian ang isa niyang kamay at masuyo iyong pinisil. “Gusto mo bang umalis na tayo?” tanong pa ni Ian nang hindi niya ito sinagot. Umiling siya. “Okay. Dito ka muna at magkita na lang tayo sa exit. Kailangan ko kasing pumunta sa CR, e. Then, ibibili kita ng malamig na maiinom para lumamig iyang ulo mo.” Hinalikan siya nito nang mabilis sa labi at saka siya nito iniwanan.
Nakasimangot na sinundan niya ng tanaw si Ian hanggang sa tuluyan na itong lumabas ng exit ng World Of Creepy Crawlies.
Padabog na naglakad-lakad si Ivana hanggang sa mapunta siya sa area kung saan naroon ang iba’t ibang uri ng mga ahas. Nakakulong din ang mga ito sa isang malaking glass. Isa-isa niyang tiningnan ang mga ahas at naaliw siya dahil sa iba’t ibang kulay ng mga iyon. Saka nakaka-amaze din ang patterns na makikita sa balat ng mga ahas. Akala mo ay ipininta ng pinakamagaling na pintor.
Sa pagtingin-tingin niya sa mga ahas ay nakuha ng atensiyon niya ang isang malaking kulay puting ahas. Puro puti ito at wala talagang halong ibang kulay. Napakalaki niyon at sobrang taba! “Wow… Ang ganda mo naman…” Hindi napigilang bulalas ni Ivana habang manghang-mangha na nakatingin sa puting ahas.

BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Любовные романы[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...