KINABUKASAN ay pinatawag si Nicholas sa opisina ng head nila para kausapin ang tungkol sa nawawalang pera na ipinagkatiwala sa kaniya. Nanindigan siya na nawala iyon at hindi niya ibinulsa. Pero may mga nakapagsabi daw sa head nila na may nakakita daw sa asawa niya na bumibili sa mall ng mamahaling gamit. Isang katrabaho daw niya ang nakakita kay Ivana. Nangatwiran siya na pera ng kaibigan ng asawa niya ang pinambili sa mga gamit na tinutukoy ng nagsumbong sa head nila. Iyon kasi ang natatandaan niyang sinabi sa kaniyan ni Ivana—na kay Yssa galing ang mga bagong damit, sapatos at bag nito.
“Sir, matagal na po ako sa company na ito at hindi ko po kayang sirain ang pangalan ko sa halagang thirty thousand pesos lang,” turan pa ni Nicholas.
“Alam ko, Nicholas. Pero hindi rin hinugot ng mga tao mo sa kung saan ang perang iyon. Huwag kang mag-alala dahil may nag-iimbestiga na ng kasong ito at kapag hanggang Monday ay hindi mo pa rin naibabalik ang pera, mangyayari na ang gusto ng mga tao mo Kung ano ang gusto nila ay dapat nating sundin.”
“Hindi po ba ang gusto nila ay ang a-alisin ako sa company?” Kinakabahan niyang tanong.
Marahang tumango sa kaniya ang kausap. “Sadly but… yes. Iyan ang gusto nila. And besides, alam mo naman na hindi nagki-keep ang company na ito nang isang empleyado na may bad record gaya ng pagnanakaw o pagkulimbat ng pera. Kaya kung ako sa iyo, gawan mo na lang ng paraan, Nicholas. You can leave now.”
“Thank you, sir.” Tumayo na si Nicholas at lumabas na ng opisina ng head.
Nakatulala siya habang naglalakad pabalik sa table niya. Hindi niya kayang maisip na mawawala sa ganitong paraan ang trabahong iningatan niya ng maraming taon. Sa isang bagay na hindi niya ginawa. Talagang hindi niya maisip kung ano na ang nangyari sa perang iyon. Masisira siya sa isang kasalanan na wala siyang alam.
Saka ano na lang ang mangyayari sa kanila ni Ivana kung mawawalan siya ng trabaho? Nagbabayad pa naman sila ng bahay kada buwan. Kapag pumalya sila ng bayad doon ay maaaring bawiin iyon sa kanila at masayang ang downpayment niya sa bahay na matagal niyang pinag-ipunan noon.
Ang hirap din na maghanap ng trabaho ngayon na may sahod na katulad ng sinasahod niya sa ngayon. Magsisimula ulit siya sa ibaba bago maabot ang sinasahod niya sa kasalukuyang kumpanya niya. Malaki ang mawawala sa kaniya oras na matanggal siya sa kaniyang pinagtatrabahuhan kaya kailangan niyang gawin ang lahat para maibalik ang perang nawawala.
Wala pa rin sa sariling binuksan ni Nicholas ang pinto ng silid kung saan naroon ang kaniyang table. Agad siyang napahinto sa paglalakad nang makita niya ang tatlong lalaki sa mga tao niya na nasa table niya. Walang ibang tao doon kundi ang mga ito lang.
“Malapit na malapit na at ako na ang uupo sa pwestong ito! Mapapatalsik na natin ang mayabang na Nicholas na 'yon!” sabi ng lalaking nakatalikod na base sa boses ay nalaman niyang si Marvin. Umupo ito sa swivel chair niya at mayabang na tumawa.
“Hanggang Lunes lang yata ang binigay na palugit sa kaniya, e. Kapag hindi niya naibalik ang pera ay matatanggal na siya dito gaya ng request natin—” Napahinto sa pagsasalita iyong isang lalaki dahil nakita siya nitong nakatayo malapit sa pintuan.
“Ang yabang kasi ng Nicholas na iyon!” Patuloy ni Marvin. “Hinding-hindi ko makakalimutan noong nag-request ako sa kaniya na baka pwedeng i-adjust niya ang time in ko kasi nga may sakit ang anak ko at nasa ospital pero hindi siya pumayag. Kulang daw sa tao! Ilang oras na walang bantay ang anak ko dahil sa kaniya. Akala mo ay siya ang may-ari nitong company. Kaya huwag kayong mag-alala, ako na ang susunod sa posisyon niya! Ngayong nagkaroon na tayo ng pagkakataon para mapatalsik siya ay hindi na natin ito dapat pakawalan!”
Mariin na naikuyom ni Nicholas ang dalawa niyang kamay habang nakatiim ang mga bagang. Gusto na niyang sugurin si Marvin at paliguan ito ng suntok ngunit pinipigilan lang niya ang sarili na gawin iyon. Baka mas lalong mapaaga ang pagkakatanggal niya sa trabaho niya kapag ganoon ang ginawa niya.
BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Romance[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...