PARANG isang babasaging baso na paulit-ulit na hinampas ng maso hanggang sa magkapira-piraso ang puso ni Nicholas sa mga sinabi ni Ivana. Nanggaling mismo sa bibig nito na pinagsisisihan nito na siya ang naging asawa nito. Ayaw tanggapin ng tenga niya ang masasakit na salitang nagmula sa kaniyang asawa.
Paano nito nasasabi ang mga bagay na iyon gayong wala pang isang taon simula ng sila ay ikasal? Hindi ba dapat ay masaya pa ito sa mga panahon na ito dahil kung tutuusin ay nasa honeymoon stage pa lamang sila? Siya ba ang may mali dahil hindi siya naging mabuting asawa? Nawalan siya ng trabaho at hindi niya nagampanan ang pagiging haligi ng tahanan. Iyon ba ang dahilan ni Ivana kaya ito nagkakaganito ngayon?
Kapwa na sila umiiyak at tigam sa luha. Kung nasasaktan siya sa mga sinabi ni Ivana ay mas nasasaktan siya ngayong nakikita niyang umiiyak ito sa harapan niya. Doon mas nadudurog ang puso niya.
Tumayo siya nang walang saklay. Pinilit niyang magbalanse kahit medyo masakit ang isang paa. Marahang tumaas ang isang kamay ni Nicholas dahil nais niyang hawakan ang kaniyang asawa. “B-babe—” Ngunit hindi niya iyon nagawa. Umatras si Ivana at mas lumayo ito sa kaniya.
“Pakiramdam ko, hindi na ikaw ang Nicholas na minahal ko noon. Ang laki na ng pinagbago mo! Isang beses ka lang nadapa pero hindi ka na bumangon. Hindi mo naiisip na may asawa ka na umaasa sa iyo, na sa iyo humuhugot ng lakas! Nawala na ang lalaking minahal ko, 'yong matatag ang loob at hindi nawawalan ng pag-asa! K-kaya huwag mo akong sisisihin sa mga sinasabi ko sa iyo dahil kasalanan mo ang lahat ng ito, Nicholas!” Umiiyak na turan ni Ivana.
“Kaya nga nagising ako, 'di ba? Maghahanap na sana ulit ako ng trabaho pero naaksidente ako. Babe, huwag mo namang sabihin na dahil sa nangyayari sa akin ay iiwanan mo na ako? Nangako ka, 'di ba? H-hindi mo ako iiwanan?”
Mas lalong nadurog ang puso ni Nicholas sa pag-iling ni Ivana. “H-hindi ko na alam… Nahihirapan na rin ako sa iyo!” anito.
“Bakit parang ang dali mong sabihin iyan sa akin? D-dahil ba may mahal ka nang iba?”
“Ano bang pinagsasabi mo—”
“A-alam kong hindi kayo nagkita ni Yssa noong isang araw. Nagpunta siya dito kaya nalaman ko na hindi siya ang kasama mo. Lalaki ba? Nakipagkita ka ba sa iba?”
Matagal na nakatitig si Ivana sa kaniya na para bang nagulat ito sa sinabi niya. Maya maya ay pinunasan nito ang mga luha at seryosong tumingin sa kaniya. “Gusto mo ba talagang malaman ang totoo, Nicholas?” Mahinang tanong nito.
Natakot si Nicholas sa tanong ng kaniyang asawa. Oo, tinanong niya kung may lalaki ito kahit ang alam niya ay wala. Alam niya na hindi siya kayang lokohin ni Ivana dahil mahal na mahal siya nito. Pero sa uri ng tanong nito ay parang alam na niya ang isasagot nito sa nauna niyang tanong.
“Ano, Nicholas? Sumagot ka! Gusto mo bang malaman ang totoo?!” Matapang na sigaw ni Ivana.
Mariin siyang umiling. “H-hindi mo na kailangang sagutin. A-alam ko naman na wala kang ibang lalaki, e. Huwag na, babe!” pilit siyang ngumingiti kahit durog na durog na ang puso niya.
“Hindi, e! Gusto mong malaman ang totoo! Tinatanong mo kung may lalaki ako, 'di ba?!”
Itinakip niya ang dalawang kamay sa kaniyang magkabilang tenga. “Ayokong marinig! Parang awa mo na, 'wag mo na lang sagutin—”
“Oo! May ibang lalaki ako, Nicholas! Nakipagkita ako sa kaniya at hindi kay Yssa! At kanina, nakipagkita din ako sa kaniya!” Malakas na turan ni Ivana.
“Hindi totoo iyan!” Mas lalong lumakas ang balong ng luha ni Nicholas.
Ngayon niya naranasan ang sinasabi ng iba na pinagbagsakan ng langit at lupa. Ganoon ang pakiramdam niya. Parang gumuho ang mundo niya sa kaniyang nalaman.

BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Romance[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...