PINAPANOOD ni Ian si Giovana habang isa-isa nitong inilalagay ang mga damit nito sa maleta nito na may katamtamang laki. Ala-singko pa lang ng umaga pero nag-eempake na ito ng mga gamit nito para sa pupuntahan nitong taping ng isang pelikula na tinatapos nito.
Nakatayo lang siya sa bungad ng pinto at nakasalikop ang mga braso. Nagmamadali na ito at halos hindi na alam ang ilalagay sa maleta. Nakabihis na ito ng oras na iyon at tinatapos na lang ang pag-eempake. Maraming beses na niyang nakikitang ginagawa iyon ng kaniyang asawa pero hindi pa rin siya nasasanay. Naiinis pa rin siya dahil malaking kaagaw niya dito ang pag-aartista nito.
“Ano pa ba ang kulang?” Narinig niya ang mahinang sabi na iyon ni Giovana. Nakapameywang ito habang nakatingin sa nakabukas na maleta.
“Nasaan ba ang P.A. mo? 'Di ba dapat si Teri ang gumagawa niyan at hindi ikaw?” Naglakad siya palapit kay Giovana.
“May sakit si Teri so I’m on my own. I let her take a rest hanggang sa gumaling siya.”
“Saan ba ang location ng taping ninyo?”
“Sa Davao.” Mabilis nitong sagot nang hindi man lang siya tinatapunan ng tingin. “I think, wala na akong nakalimutan,” anito sabay sara sa maleta.
Akmang kukunin na ng asawa niya ang maleta ngunit inunahan niya ito sa pagkuha niyon. “Let me help you.”
“Thank you. Pakisunod na lang sa ibaba.”
Nauna na ito sa kaniya sa paglabas ng kwarto habang naiiling na sumunod na lang siya. May kausap sa cellphone si Giovana habang pababa ng hagdan. Pagdating nila sa garahe ay inilagay na niya sa compartment ng sasakyan nito ang maleta.
“Gusto mo bang ipag-drive kita hanggang airport?” tanong ni Ian.
“Huwag na. Ipapakuha ko na lang sa kakilala ko itong car para ihatid dito sa bahay.”
“Ilang days ka ba mawawala?”
“Not days lang. Weeks. Three weeks, maybe? Okay, I really have to go na.” Mabilis siyang hinalikan ni Giovana sa labi at pumasok na ito sa kotse.
Napailing na lang si Ian dahil hindi man lang siya nito sinabihan ng “I love you”. Wala na siyang nagawa pa kundi ang ihatid ng tanaw ang sasakyan nito na papaalis. Ipinagbukas ito ng guard nila ng gate at tuluyan na itong nawala sa kaniyang paningin.
-----ooo-----
MAKALIPAS ang isang buwan…
Unang araw na hindi na magbabantay ng perfume shop si Ivana dahil may ibang tao nang naka-assign para sa trabahong iyon. Isang buwan lang naman ang usapan nila ni Yssa na magbabantay siya sa perfume shop nila, e. Balik na ulit siya sa normal niyang buhay—ang pagiging full time housewife.
Sa kasalukuyan ay wala pa ring trabaho si Nicholas. Simula nang matanggal ito sa dati nitong pinagtatrabahuhan ay hindi pa rin ito nakakahanap ng bagong trabaho. Mabuti na lang at may nakuha siyang kaunting pera kahapon sa buwanang kita ng shop nila ng kaibigan niya. Iyon nga lang, nangangamba siya na baka kapag nagtagal pa si Nicholas na walang trabaho ay hindi rin iyon magkasya. Saka ayaw nga niya sanang gastusin iyon dahil ang gusto niya ay makapag-ipon ng pera para sa plano niyang sariling make-up and perfume brand.
Dahil wala na siyang pasok ngayon ay medyo late na siyang nagising. Alas-otso na ng umaga siya nagising at nagulat siya nang makitang natutulog pa rin sa tabi niya si Nicholas. Nakadapa ito.
Bakit nakahiga pa ito? Inaasahan niya na magigising siyang wala na ito sa bahay dahil umalis na ito para maghanap ng trabaho.
Tinapik niya si Nicholas sa likod nito para gisingin.
BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Romance[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...