CHAPTER 34

3.4K 122 17
                                    

“SO, sa bahay pala na iyan binabahay ng asawa ko ang kabit niya?” ani Giovana habang isa-isang tinitingnan ang mga pictures na ibinigay sa kaniya ng kinuha niyang lalaking private investigator. Naroon sila sa library ng bahay niya upang walang ibang makarinig sa kanilang pag-uusapan ng umagang iyon.

Oo nga at sinabi niyang kaya niyang gawin ang lahat ng imbestigasyon pero sa pagkakataon na ito ay kailangan na niya ang tulong ng isang expert. Alangan naman na siya ang sumunod-sunod kay Ian kung saan ito nakatira, 'di ba? Kaya noong isang araw ay nag-hire na siya ng tunay na private investigator upang alamin kung saan ibinabahay ng asawa niya si Ivana. At hindi nga siya nagkamali sa kinuhang tao dahil makapalipas lang ang isang araw ay nalaman na nito ang sagot sa kaniyang katanungan.

Nakatira ngayon sina Ian at Ivana sa isang two-storey house sa isang pang-mayaman na subdivision at ang nakakaloka pa ay hindi iyon ganoon kalayo sa bahay nila. Kayang-kaya niyang puntahan nang siya lang ang magda-drive.

Tinanguhan siya ng private investigator na ang pangalan ay Ruel. May edad na ito. Nasa early 50’s na. Inirekomenda ito ng kaibigan niya at hindi naman ito napahiya. “Yes, Ma’am Giovana. Diyan po tumutuloy ang asawa ninyo at confirmed na kasama diyan si Ivana Cuenca,” pagkumpirma nito.

“Ang kabit ng asawa ko…”

“Tama po, ma’am. Nandiyan na rin po sa envelope ang address at ilang documents na sa tingin ko ay kakailanganin ninyo.”

“Documents?” Kumunot ang noo niya. Ang akala niya kasi ay address at pictures lang ang hinihingi niya dito. Bakit may documents pang kasama?

“Based kasi sa investigation ko ay sa inyo nakapangalan ang bahay at lupa na iyon. Ayon sa source ko ay ireregalo sana ng asawa ninyo ang bahay at lupa sa inyo. May photo copy po ako ng titulo diyan sa envelope. Sa tingin ko kasi ay kailangan niyo iyan.”

Sandaling natigilan si Giovana at napaisip. Hindi niya kasi alam na may bahay at lupa pala na ibibigay si Ian sa kaniya. Marahil ay iso-sorpresa siya nito pero dumating sa buhay nito si Ivana kaya imbes na sa kaniya ay ginawa na lang na love nest iyon ni Ian kasama ang kabit nito. Talaga nga namang napakaswerte ni Ivana. Ito ang nagpapakasasa sa house and lot na dapat siya ang nagmamay-ari.

Ang saya-saya siguro ni Ivana dahil feeling legal wife ito ngayon. Biruin mo, binigyan ng credit card, ibininigay lahat ng luho tapos may bahay at lupa pa. Samantalang siya ay pinagtatrabahuhan ang mga iyon para makuha niya. Nagpapakapuyat siya sa pagte-taping tapos ang kabit ng asawa niya ay puro pasarap lang sa buhay. Tapos buntis pa ito ngayon. Siguro ay iyon ang dahilan kung bakit pumayag na si Nicholas sa plano niya. Galit na galit siguro ito nang malaman na buntis na sa ibang lalaki ang asawa nitong ubod ng kati at landi.

Bukod kang pinagpala sa lahat ng kabit! Gigil niyang turan sa sarili.

“May kailangan pa ba kayo, ma’am?” untag ni Ruel.

Ngumiti siya sa lalaki. “Wala na. Ibinigay mo na ang lahat ng kailangan ko. Don’t worry, dadagdagan ko ang bayad ko sa iyo. Ide-deposit ko na lang sa bank account mo today. You can go now.”

“Maraming salamat po, ma’am!” Tumayo ito at nakipag-kamay sa kaniya bago ito umalis.

Nang mag-isa na lang si Giovana ay kinuha niya ang kaniyang cellphone at tinawagan niya si Nicholas na agad naman nitong sinagot.

“Giovana?” tugon ni Nicholas.

“Nicholas, ready ka na ba?” tanong niya.

“Ready saan?”

“Ngayon na natin gagawin ang plano. Get ready!” Pinatay na niya ang tawag at hindi na hinintay pang magsalita si Nicholas dahil napag-usapan na nila ang kanilang gagawin. Alam na nito kung ano ang gagawin nito.

The Unfaithful WifeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon