"LET THE PAIN REMAIN by Rachelle Ann Go"
(The Unfaithful Wife's OST)TILA wala sa sarili na naglalakad si Ivana palabas ng subdivision kung saan siya dating nakatira. Karga niya si Isabella at hila ang may kalakihang maleta. Mabuti at nakikisama ang anak niya sa kaniya. Hindi ito nagwawala o umiiyak man lang. Nararamdaman kaya nito ang lungkot niya ngayon kaya hindi ito nagpapasaway?
Pagkadating nila sa labas ng subdivision ay napahinto si Ivana sa gilid ng kalsada dahil hindi niya alam kung saan siya pupunta. Bukod sa wallet, mga damit at cellphone ay dinala din niya ang resulta ng DNA test nina Ian at Isabella. Alam niya na magagamit niya iyon sa takdang panahon.
Alangan kung kay Nicholas siya babalik. Hindi ito tanga para tanggapin siya matapos ang lahat. Hindi na rin pwede kay Yssa. Matutuwa pa nga ito na pinalayas na siya ni Ian sa bahay nito. Ang bruhang iyon! Malamang ay magpapa-party ito kapag nalaman nitong wala na sila ni Ian. Ang saya-saya siguro nito.
Gustuhin man niyang ipaglaban pa si Ian ay nawalan na agad siya ng gana lalo na nang pinagtangkaan nito ang buhay ng anak niya. Anong klaseng demonyo ito para gawin iyon sa isang walang kamuwang-muwang na bata? Kaya kesa sa mapahamak pa si Isabella ay lumayas na lang sila kahit hindi niya alam kung saan siya pupunta.
Ayos lang kung siya lang at kaya naman niya sigurong magtiis na matulog sa mumurahing motel pero may kasama siyang bata. Kailangan ni Isabella ng malinis at maayos na matutulugan. Kahit ngayong gabi lang sana para makapagpahinga siya at bukas ay maghahanap na siya ng matutuluyan nilang mag-ina.
Gamit ang isang kamay ay kinuha niya ang wallet sa bulsa ng suot na palda. Sinilip niya ang laman niyon. Kung hindi siya nagkamali ng bilang ay siyam na libong piso ang pera niya. Iyon lamang ang perang meron siya. Wala siyang ipon kahit sa banko. Hindi niya kasi naisip na mag-ipon dahil ang akala niya ay habangbuhay na sila ni Ian. Akala niya ay hindi na niya poproblemahin ang pera dahil nangako ito noon na lahat ng gusto niya ay mabibili niya. Nagkamali siya. Tunay ngang marami ang namamatay sa maling akala.
Nanlulumong ibinalik ni Ivana ang wallet sa bulsa. “Saan na tayo nito pupulutin, anak?” Pinanghihinaang tanong niya sabay halik sa ulo ni Isabella.
Ang cellphone naman niya ang kaniyang tiningnan. Inisa-isa niya ang mga number na naka-save doon sa pagbabaka-sakaling may makikita siyang tao na pwede siyang tulungan.
Hanggang sa napahinto siya sa pag-scroll sa kaniyang contacts nang makita ang number at pangalan ng kaniyang nanay…
May luhang tumulo sa mata ni Ivana. Simula kasi ng ikasal siya kay Nicholas at sumama siya kay Ian ay hindi na niya kinumusta ang kaniyang ina. Ang turing niya kasi dito ay isang kulungan kaya nang maikasal siya ay inisip niyang nakawala siya sa isang kulungan. Kinalimutan na niya ito na para bang hindi niya utang dito ang kaniyang buhay.
Simula ng magpakamatay ang tatay niya dahil sa takot na makulong nang pinagtangkaan siya nitong halayin ay hindi na niya naramdaman pa ang pagmamahal ng kaniyang ina. Pakiramdam niya ay siya ang sinisisi nito sa pagkawala ng asawa nito.
Malaki ang pagkukulang nito bilang nanay sa kaniya at aminado din siyang malaki ang pagkukulang niya bilang anak. May kasabihan pa nga na walang ina ang kayang matiis ang anak. Hindi kaya ito na ang taong tutulong sa kaniya ngayon?
Pero paano kung galit ito sa kaniya dahil sa ginawa niya kay Nicholas?
Ah, walang mangyayari kung hindi niya susubukan. Isa pa, kung galit man ang nanay niya sa kaniya ay baka lumambot ang puso nito oras na malaman nitong meron na itong apo sa kaniya at kay Nicholas. Tama, pupuntahan niya ang nanay niya sa bahay nila upang doon muna makituloy.

BINABASA MO ANG
The Unfaithful Wife
Romantik[COMPLETED] Inakala ni Ivana na sapat nang dahilan ang pagmamahalan nila ni Nicholas para pakasalan niya ito. Ngunit nang dumating sila sa punto ng buhay nila na nalugmok na sa kawalan ng trabaho ang kaniyang asawa ay napatunayan niyang hindi totoo...