Dean Foster | Twenty

59 1 0
                                    

CHAPTER TWENTY:

IMPORTANT ANNOUNCEMENT

DEAN

Ang daming katanungan ang gumugulo sa utak ko ngayon, kaya heto ako't magulo ring nakahiga sa kama ko. Gusto niyong malaman ang iniisip ko? Sige. Unahin na lang siguro natin 'yong mga sinabi ni Sid kahapon. Nakita niya raw na mamamatay ako, na nakita ko rin sa panaginip ko. Nagkataon nga lang ba na nabasa niya sa utak ko ang mga 'yon? O 'yon na talaga ang kapalarang naghihintay sa 'kin?

Nakita ko 'yong panaginip ko, pero mukha ko lang ang malinaw na nakikita at hindi blurred. At 'yong mga tao sa paligid ko? Kahit subukan ko man, hindi ko sila mamukaan. Kaya wala rin akong ideya sa kung sino 'yong nagpasok ng itim na usok sa katawan ko. Ang alam ko lang, babae siya. Babae ang papatay sa akin.

Pero... kailan kaya 'yon mangyayari? Kailan ako mamamatay? Sino 'yong mga taong nakapaligid sa akin? Ano 'yong ibinigay ko sa babae na parang napakaimportante? Saka, sino ba 'yong babaeng 'yon at anong rason niya kung bakit niya ako papatayin?

Sa ika-labing pitong beses, ginulo ko ang buhok at sinapak ko ang ulo ko ng paulit-ulit. Ganito kasi ang ginagawa ko kapag litung-lito na ako sa mga nangyayari at hindi ko na alam kung anong una kong iisipin at hahanapan ng sagot. Ewan ko ba? Simula nang tumapak ako—mali—simula nang dumating 'yong kuwago sa bahay namin, at wala pa man akong isang linggo sa mundong ito, ang dami nang tanong at problema ang pinapasan ko. Ang bata ko para mag-isip ng ganito karami. Hindi naman ako handa na gan'to pala ang mangyayari sa oras na pasukin ko ang mundong 'to. Akala ko kasi masaya lang: bagong mundo, bagong buhay, bagong simula, walang problema. Pero mukhang hindi pa ako nagtatagal dito, parang ayoko na.

Gusto niyo pa ng problema? Sige, idagdag natin 'yong sa Hall. Sinabi ni Headmaster Tremblefleckz na siya raw ang nagmanipula ng mga apoy na 'yon. Pero bakit heto pa rin 'yong instinct kong hindi naniniwala sa mga sinasabi niya? Na... hindi talaga siya ang may gawa no'n. Paano ko nasabi? Hindi ko alam. Feeling ko, may ability ako na kapag tinitigan ko ang mata ng isang tao, alam ko kaagad kung nagsisinungaling siya. At hindi ko pa 'to nasasabi kay Professor Zedd dahil alam kong hindi niya ako maiintindihan.

Ika-apat, 'yong nakita ko kay Sid. Panglima, 'yong dalawang mentus na kadidiskubre ko lang kahapon, na hindi ko na naman magawa ngayon. At ang pinakahuli at pinakakinakatakutan ko sa lahat... ay ang pagbabalik ng mga Deviader na matagal nang panahong wala sa mundong ito. Sa katunayan nga, hanggang ngayon, nakatatak pa rin sa isip ko ang nangyari sa lalaking tumulong sa amin sa Alley. Nakikita ko pa rin kung paano siya pinahirapan ng demonyong 'yon at patayin sa harapan ko.

Natatakot ako. Natatakot ako dahil ngayon lang ako nakakita ng gano'ng pangyayari sa buong buhay ko. At hindi ko 'yon matanggal sa buong sistema ko, na halos pag-uwi ko, 'yon agad ang iniisip ko. Ni hindi na nga ako nakapaghapunan dahil do'n. Paano ko makakalimutan 'yon kung may isang nakakapangilabot na nilalang ang pumatay ng elementalist sa harapan ko?

Aaminin ko, nang ikinuwento sa akin ni Harrieth ang tungkol sa mga Deviaders, parang wala lang naman sa akin 'yong mga gano'n. Una kasi sa lahat, wala na sila sa mundong ito at pangalawa, hindi ako natatakot dahil hindi ko pa sila nakikita. Pero no'ng nakaharap ko ang isa sa kanila kahapon, para akong nawalan ng kaluluwa na nakatutok lang sa kaniya. Hindi ko alam kung anong gagawin ko at hindi ko alam kung anong magiging reaksyon ko. At mas lalo pang namanhid ang buo kong pagkatao, nang patayin niya 'yong lalaki sa harapan ko.

Na iniisip kong kasalanan ko na naman dahil hindi ako naniwala sa mga sinabi sa akin ng Dark One. Hindi ko naman kasi alam na seryoso pala siya ro'n. Naniwala ako kay Professor Zedd, pero pati siya, walang alam na gano'n nga ang mangyayari.

Dean Foster and the Elemental Seeds of Eternity (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon