SEASON ONE'S EPILOGUE:
DEAN DAVID FOSTER
∞
Kapalaran at Tadhana. Dalawang magkaibang salitang pilit nating pinag-uugnay at puwersahan pang isinasaip na ito ay magkasingkahulugan lamang.
Tadhana. Ang lahat nga ba ng tao o elemental sa mundo ay may isang estado nang nakalaan para sa kanila? Ang lahat nga ba ng nilalang sa mundo ay iisa lamang ang patutunguhan at ito ay nakaukit na sa mga palad nila? At ang lahat nga ba ng lalang ng Maykapal ay nabuhay lamang sa mundo para mamaalam? Iisa nga lang ba ang patutunguhan ng lahat? Ang lahat nga ba ay nakatakda nang magtapos, at wala na tayong magagawa para baguhin 'yon?
Ang sabi nila, nasa kamay ng tao, kung paano siya magdesisyon o pumili ng mga bagay-bagay, at ito ang kapalaran niya. Tayo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran sa buhay. Sa paggawa mo pa lang ng desisyon sa buhay mo, hinuhubog mo na ang kapalaran mo. Kung saan ang lahat ay puwede mong baguhin. Dahil ito ay nakadepende sa kung paano ka pumili ng mga desisyon mo sa buhay.
Masyadong magulo? Klaruhin natin.
Kapalaran ko ang patayin si Madeleine para mailigtas si Alcyone at kapalaran ko ring kalabanin si Woodfist dahil ito ang landas na pinili kong tahakin. Nasaan doon ang tadhana? Tadhana ni Madz ang mamatay sa mga kamay ko.
Ang kapalaran, puwede mong baguhin. Puwede mong itama ang maling mga nagawa mo. Pero ang tadhana, kahit ano pang pagdaya mo sa kapalaran mo, hindi mo na ito mababago pa dahil nga sa natakda na itong mangyari. Ito ang naghihintay sa 'yo sa dulo ng mga direksyong binabagtas mo. Na kahit baguhin mo pa ang kapalaran sa palad mo, kung tadhana mong mamatay, mamamatay ka.
Pero sige, tanggap ko na. Mahirap pero tanggap ko na na napatay ko 'yong taong minamahal ko. Pero hindi ko hahayaang hanggang dito na lang ang lahat. Hindi ko aaksayahin ang buhay ni Madz nang gano'n gano'n na lamang. Dahil sinisigurado ko, na balang-araw, magagantihan ko ang lahat ng mga elemental na nawala ng dahil sa akin. At itinataga ko sa bato, na ito ang magiging tadhana ko.
Dalawang araw. Dalawang araw na ang nakalipas nang mangyari ang hindi kapani-paniwalang insidente sa buong buhay ko. Isang insidenteng patuloy akong ginagambala sa pagtulog ko at binabangungot kahit pa gising ako. Isang hindi ko malilimutang pangyayari, na araw-araw kong pagsisisihan. Isa akong mamamatay elemental. Nakapatay ako ng kapwa ko. At sa puwedeng daming mapaslang, bakit 'yong mahal ko pa ang napatay ko? Kaya sa ngalan ni Madz, hindi ko na 'yon uulitin pa.
Sa ilang buwang pamamalagi ko sa Shouxclave, at mga panaginip o pangitaing nakikita ko sa loob ng paaralang ito, bakit ito pa ang hindi ko nakita sa lahat? Bakit hindi ko nakita ang sarili ko na papatay ako ng isang elemental? Gano'n na ba mapanuya ang lahat? Bakit napaka-unfair? Bakit sa kaniya lang nangyari ito? Bakit hindi ko siya nakitang mamamatay sa panaginip ko?
Dahil ba sa wala na itong kinalaman sa Dark One? Dahil ba sa ako ang may gawa ng bagay na 'yon, at hindi ang iba? Kasi kung gano'n, napakadaya! Napakadaya.
Sa apat na pu't walong oras na nakalipas, napakaraming bagay ang nangyari. Ayoko man, pero pinalaya nila ako sa mukha ng batas. Dahil sa kaming apat lamang ang nakakita ng mga totoong nangyari, napagkasunduan ni Professor Alvestrall at Professor McScotch na palitan ng ala-ala si Madeleine.
Isa siya sa mga pinakamagaling na Psychic elementalist sa mundo kaya nagawa niyang palitan ang kaniyang memorya at ipinakitang si Professor Woodfist ang may gawa nito. Nang sa gano'n ay makita ng mga magiimbestiga na wala akong kinalaman sa mga nangyari.
Tinaggalan niya rin ng ala-ala si Professor Zedd at Alcyone patungkol sa mga naganap. Nilinisan rin nito ang buong lugar ng mga tracks namin at pinagmukhang si Woodfist talaga ang may gawa nito sa kaniya.

BINABASA MO ANG
Dean Foster and the Elemental Seeds of Eternity (COMPLETED)
FantasiDean David Bailey Foster. Isang labing anim na taong gulang na kinupkop ng kaniyang natitirang kamag-anak sa Earth. Isang taong pinagkaitan ng katotohanan patungkol sa kaniyang totoong pagkatao, pinagmulan, at totoong mga magulang. Sa buong buh...