"J-jusko, ang anak ko!"hinawakan ko si tita bago pa siya matumba. Walang tigil ang pag-agos ng luha niya at mas lalo akong nasaktan. Inalalayan ko siya at iniupo ko siya sa kama.
"Tita, makinig po kayo sa akin. Dito lang po kayo, wag po kayong aalis kahit anong mangyari at balitaan niyo po ako kung sakaling umuwi siya dito. Hahanapin ko po siya, ibabalik ko po siya sa inyo kapag naabutan ko siya, promise po!"pinilit kong pakalmahin ang sarili ko para sa kanya at inilagay ko sa ibabaw ng drawer yung kwintas at ang suicide letter. Tumango siya at ako naman ay tumakbo kaagad palabas ng bahay.
Pilit kong kinakalma ang sarili ko para na rin makapag-isip nang maayos kung saan ko siya pwedeng mahanap, mahalaga ang bawat segundo. Wala namang mataas na building na walking distance mula rito, pwedeng sa kalsada o sa bandang tulay ko siya makikita. Hindi pa naman siya makakalayo kaagad dahil ang kotse at pera niya ay iniwan niya. Hindi ko maiwasang matakot, mas nakakatakot ito kaysa sa sarili kong kamatayan. Halos sumabog na ang puso ko sa sobrang kaba at dapat hindi ako tuluyang magpalamon sa takot para mahanap ko siya.
Dumiretso ako palabas ng subdivision dahil alam kong hindi niya gagawin iyon nang malapit lang sa kanila dahil mahigpit ang security dito. Mauubos ang oras ko kung ako lang mag-isa ang maghahanap. Kinuha ko ang cellphone ko at tinawagan si Kai kahit na nanginginig ang kamay ko.
"Hello Abed, anong balita?"
"Kai tulungan mo ako please! Magpapakamatay si Axel at kailangan natin siyang iligtas!"hindi ko na napigilan ang basag na boses ko.
"Sige, saan ko siya hahanapin? Gagamitin ko yung kotse ni ate!"halata ring nataranta siya.
"Mag-drive ka sa bandang highway banda sa inyo at tsaka puntahan mo na rin lahat ng tulay. Dito naman ako sa kabilang daanan banda sa bayan,"mabilis kong wika.
"Sige, babalitaan kita kaagad kapag nakita ko na siya!"ibinaba ko ang tawag at tinago ang cellphone sa bulsa ko.
Hindi ko na alintana ang pagod at hingal sa pagtakbo sa highway at sa lahat ng lugar na alam kong may tulay. Matagal na akong nakatira dito kaya nadaanan ko na at alam ko na kung saan ang highway at tulay sa lungsod na ito. Hindi pa rin maalis ang kaba ko nang makadaan na ako sa tatlong magkakalapit na tulay at kalsada dahil hindi ko pa rin siya nakikita. Pakiramdam ko mababaliw ako kapag hindi ko na siya makikita habangbuhay.
Napatigil ako nang makaabot ako sa mataas at mabatong bangin sa baba ng tulay ng Sta. Maria bridge nang makita ang isang lalaking nakatungtong sa sementong harang ng tulay. Kahit na nakatalikod siya ay kilalang-kilala ko siya.
Halos nanlamig ako nang makita kong ihahakbang na niya ang paa niya para mahulog. Tumakbo ako nang mas mabilis pa sa inaakala ko at hinatak ko ang braso niya, bago siya tuluyang mahulog. Napaupo kaming dalawa sa sementadong kalsada at hindi ko maitago ang pagkahingal ko.
"Bakit ka nandito? Pabayaan mo na ako!"mabilis akong napahawak sa magkabila niyang balikat nang magpumiglas siya.
"Huwag mo nang ituloy please, hindi kita pababayaan!"pakiusap ko sa kanya. Hindi ko maiwasang malungkot nang makita ko ang mga mata niyang walang kabuhay-buhay, ang mga labi niyang nagsusugat at namumutla.
BINABASA MO ANG
Wings [c. yj • c. sb] ✔️
Fanfiction"You'll cure my pain that's why I'm not afraid to suffer,"sabi niya habang nakatitig sa kalangitan na puno ng bituin at ng maliwanag na buwan. "Thank you for loving me even if I'm sad,"ramdam ko ang sincerity sa mga sinabi niya. "Let's be each other...