[22nd CHAPTER]: You Are Not Alone

71 4 9
                                    

Nagising ako dahil basa na ang noo ko sa pawis at parang pinupukpok ang ulo ko sa sobrang sakit. Bigla akong napabangon nang makita ang kisame at ang asul na pader ng isang pamilyar na kwarto. Paano ako nakarating dito nang wala namang pinagsasabihang iba kung nasaan ako?


"Sa wakas at nagising ka na,"napalingon ako kay Axel na nakaupo sa gilid ng kama niya.


Napansin kong tuyo at ibang damit na ang nakasuot sa akin. Hindi ko na kukumpirmahin kung siya ba ang nagpalit sa akin dahil wala namang malisya doon.


"Ano bang nangyayari sayo Abed?"akala ko ay magagalit siya, pero kalmado ang boses niya na parang nag-aalala.


Ang alam ko, naglalakad lang ako, paano ako napunta dito?


"Anong nangyari sa akin?"tanong ko rin pabalik dahil wala akong maalala.


"Muntik ka nang masagasaan at hinatak kita, kaso nang kausapin kita bigla ka na lang nawalan ng malay,"siya pala ang taong humatak sa akin kanina, at hindi ako makapaniwalang muntik na akong masagasaan.


Napatulala lang ako nang maalala ang lahat ng nangyari at nalaman ko kanina.


"Nagpresenta na lang si Kai na siya na lang muna ang gagawa ng introduction ng case study at sa sunod na lang daw tayo gagawa nang sama-sama. Nataranta siya nang sabihin ko kung anong nangyari sayo kaya hindi ka nakasipot sa pinag-usapan nating oras, pero pinakalma ko na siya para hindi na niya kailangang sumugod dito dahil ako na ang bahala sayo"nawala pala sa isip kong gagawa kami ng first part ng case study.


Lalong kumirot ang ulo ko nang maalala lahat ng sakit na naramdaman ko bago ako mapunta dito.


"Kailangan mong uminom nitong gamit, mataas ang lagnat mo,"mabilis kong tinanggap ang gamot at tubig na inabot niya.


Muli akong napatulala at hindi ko na alam kung paano ako uuwi sa ganitong estado. Ang ayoko sa lahat ay ang pag-aalahanin parati ang mama ko na wala nang ibang ginawa kundi ang isipin lagi ang kapakanan ng ibang tao. Gusto ko siyang magkaroon ng maraming oras para sa sarili niya, ang dami na niyang naisasakripisyo para sa iba, lalo na para sa akin.


"Alam mo sa totoo lang, hindi ko alam kung anong tumatakbo sa utak mo at kung anong nangyari kaya ka nagkaganyan. Pero sigurado akong hindi lang basta-basta yun at hindi ko maiwasang mag-alala,"huminga pa nang malalim si Axel at hindi ko maipaliwanag ang ipinapahiwatig ng tingin niya sa akin.


Nanaig ang katahimikan at nagkatitigan lang kaming dalawa. Lumipas ang ilang minuto at napagpasyahan kong basagin ang katahimikan.


"Anong gagawin mo kapag yung taong akala mong patay na, ay nakita mong buhay pa pala?"seryoso kong tanong na parang nanghihingi rin ako ng advice.


"Para sakin, hindi ko papatagalin ang mga oras na nagtatago siya at sa totoo lang, susugurin ko siya dahil hindi ako matatahimik hangga't hindi ko hinaharap ang taong iyon,"matapat niyang sagot.


"Parang alam ko na, posible bang ang tatay mo ang tinutukoy mo?"medyo alanganin niyang wika at ramdam ko ang pagiging seryoso ng mga mata niya. Oo nga pala, ang papa ko lang ang nasabi ko sa kanyang patay na.


"Oo, kasama niya ang iba niyang pamilya,"hindi ko na intensyon pang sabihin sa kanya sa ngayon na si Cedric ang taong tinutukoy ko para ilayo si Axel sa gulo, ayokong idamay pa ang kaibigan ko sa problema ko.


Napayuko na lang ako nang mapansin kong nakayukom na ang isa niyang kamay. Pagdating sa mga problema ko, halos magkatulad sila ng nagiging reaksyon ng kuya ko, minsan tuloy naiisip kong parang magkapatid sila.


"Ngayon naiintindihan ko na kung bakit ganun ka-protective ang kuya mo. Hin-hindi ko maisip kung anong rason ng papa mo para gawin iyon sa inyo. Sorry Abed, sorry kung nangyayari ito sayo, sa inyo ng pamilya mo,"napakurap ako sa sinabi niya.


Oo gusto ko siya, alam kong mabait siya, pero hindi ko talaga inaasahang maiisip niya ito, na masasabi niya ito. Napakaswerte ng mga kaibigan niya sa kanya sa ganitong side niya.


"Hindi man tayo magkapareho ng sitwasyon, hindi man yan nangyayari sa akin pero gusto kitang intindihin Abed. Handa akong pakinggan ka at damayan. Patawarin mo ako kung hindi ko alam kung paano papagaanin ang sakit na nararamdaman mo,"yumuko siya.


Sapat na ang mga sinabi niya para pagaanin ang bigat ng nararamdaman ko. Sapat na sa aking may taong handang umintindi sa akin kahit na may magkaiba kaming buhay.Sapat nang may magparamdam sa akin na ayos lang malungkot.


"Hindi ko alam kung anong mukhang maihaharap ko kay mama, ayokong magtago ng ganitong lihim sa kanya. Pero hindi ko kasi kakayaning saktan pa siya dahil hindi pa siya tuluyang nakakamove-on. Naaawa ako sa kanya, sa lahat ng paghihirap niya hindi ko aakalain pati sa pag-ibig, masasaktan din siya nang ganito. Gusto kong maging isang magandang biyaya sa buhay niya para maramdaman niya ang pagmamahal na deserve niya,"tumingala ako para pigilan ang mga luha ko.


Naalala ko ang mga hindi mabilang na kwento ni mama sa mga pagsisisi niya sa buhay na naranasan niya maging sa sarili niyang pamilya. Naalala ko ring ang relationship ng parents mo ang naging pananaw mo sa pag-ibig. Puno ng pagdududa at pag-iingat ang pananaw ko sa pag-ibig, kaya hindi na ako nagtangka pang pumasok sa isang romantic relationship.


Napaiwas ako nang tingin nang maramdaman ko ang mainit niyang palad na nakahawak sa isa kong kamay.


"Wag mong hayaang itago ang nararamdaman mo, ayokong mas masaktan ka pa nang dahil sa pagkimkim mo sa tunay mong nararamdaman,"rinig na rinig ko ang malalim niyang boses. Napakaraming kahulugan sa akin ng sinabi niya, bilang isang taong ninais na itago ang emosyon at ang mga nais kong sabihin nang magsimula akong matakot magtiwala.


Ang akala ko, sasabihan niya akong wag umiyak, pero iba si Axel.


Napapikit na lang ako nang maramdaman ko ang malayang pagdaloy ng mainit na luha sa pisngi ko. Tinakpan ko ang bibig ko gamit ang isang palad ko nang may lumabas na hikbi mula dito. Hindi na mahalaga pa kung mali ang umiyak nang ganito para sa isang lalaki, bakla, basta pare-pareho lang kaming tao na nasasaktan, at umiiyak. Nagpapasalamat ako nang maisip ko iyon nang dahil kay Axel.


Lalong uminit ang pakiramdam ko, yung pakiramdam na may matatakbuhan ka, nang yakapin ako ni Axel. Hindi siya kumibo pa at tinapik pa niya ang likod ko. Muli akong napahikbi at pinikit nang mahigpit ang mga mata ko. Ang akala ko, wala na akong ibang matatakbuhan dahil hindi ko na alam ang gagawin at pakiramdam ko ay makakaperwisyo lang ako sa iba, pero napangiti na lang ako kahit lumuluha ako dahil pinaramdam sa akin ni Axel na hindi ako nag-iisa.

.

.

.

Wings [c. yj • c. sb] ✔️Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon