Prologue

10.4K 233 67
                                    

PROLOGUE

Mabilis akong tumatalon-talon at nagpapalipat-lipat sa mga sangga ng punong kahoy, para akong unggoy—parang ninja sa mga palabas sa TV. Sa likuran ko ay sinusundan naman ako ni Je'il; isang nilalang na may mukha, buntot at balahibo ng unggoy ngunit may lakas at katawan na katumbas ng sampung katao.


"Bilisan mo at malapit ng dumilim! Magagalit na naman si Jotaro kapag wala tayong naiuwing kakainin para sa hapunan!" Bulalas ni Je'il habang hinihingal.


Ang totoo n'yan, nangangaso kasi kami ng baboy ramong kakainin namin para ngayong gabi. Ngayong gabi kasi darating ang pinuno naming si Jotaro. Isang nilalang na sa unang tingin ay aakalain mong Talimao—pwera nalang sa mukha niyang halos nagmistulang sa leyon.


"Bakit kasi hindi nalang ikaw 'yung nangaso? Isinama mo pa ako—ang sarap ng tulog ko kanina eh!" Nakangiti kong sagot.


"Bakit ba? Tandaan mong sa'kin ka ipinaubaya ni Jotaro at ako ang ikalawang pinuno ng tribo natin. Kaya bilang ikalawang pinuno, inuutusan kitang hulihin ang baboy ramo na 'yon." Natatawang bigkas ni Je'il.


Umiling-iling na lang ako at nagpatuloy sa pagtalon, nakatuon ang mga mata ko sa dambuhalang baboy ramong takot na takot na kumakaripas sa masukal na kagubatang ito. Maya-maya ay dahan-dahan itong huminto, inamoy-amoy ang nagkalat na tuyong dahon sa lupa at nagpalinga-linga.


Para bang pinagmamasdan ang paligid at nakikiramdam kung nakaligtas na ba siya mula sa amin.


Hehe... Hindi man lang alam nitong kawawang baboy ramo na ilang sandali nalang ay mahuhuli ko na s'ya, at masaya naming pagsasaluhan ng mga kasamahan ko ang malambot nitong laman habang mainit at bagong luto ko itong ilalapag sa lamesa mamayang hapunan.


Huminto ako at naupo sa isang sangga, pinagmasdan kong mabuti ang baboy ramong huhulihin ko.


"Hehe... Akin ka ngayon." Mahinang bulong ko.


Iniakma ko ang mga binti ko ng dahan-dahan at mabilis na tumalon patungo sa direksyon ng walang kamalay-malay na baboy ramo. Napakabilis ng pangyayari—wala man lang nagawa 'yung baboy kung hindi ang lumingon sa akin.


Akma ko na sanang iaabot ang braso ko ng mapansin kong may isang bagay na mabilis na paparating, napakabilis nito—at papalapit ito sa direksyon namin ng baboy.


Umiktad ako at nagpagulong-gulong sa lupa, ilang pulgada lamang ang layo mula sa baboy ramo; nagulat nalang ako ng makita ko ang isang sibat na tagusang nakatusok sa katawan ng noon ay naghihinalo at gumegewang-gewang na nilalang.


Lumingon muli ako sa direksyon na pinanggalingan ng sibat at sumigaw.


"SINONG NAND'YAN? MAGPAKITA KA!!!" Sigaw ko habang dahan-dahang inililipat ang init sa loob ng aking katawan, mula sa aking mga balikat patungo sa kaliwa kong kamao.


Naghahanda ako sa posibleng pag-atake.


Luko-luko 'yun ah? Muntikan na ako do'n.


"Kulang sa bilis. Mabagal sa tyempo. Sigurado ka bang tinuturuan mo ng mabuti 'tong batang 'to ha? Je'il?" Sambit ng isang pamilyar na boses.


Kilala ko ang boses na 'yon. Pero—ang akala ko—


"Kanina pa ako gutom, hindi ko na kaya pang hintayin kayo; kaya ako na mismo ang naghanap ng kakainin natin." Sambit muli ng boses.


Isang nilalang ang dahan-dahang lumabas mula nagkakapalang damo nitong kagubatan, malaki ang katawan nito na may bakas ng mga naglalakihang peklat lalo na sa may parteng dibdib at braso nito. Makapal at mahaba ang kulay dayami nitong buhok at mayroon itong mukhang kahalintulad ng sa leyon.


Siya si Jotaro.


Dali-dali akong tumayo para magbigay galang sa aming pinuno. Ganun na rin ang ginawa ni Je'il na mabilis na bumaba mula sa sanggang kinauupuan niya ng makita niya si Jotaro. Ngayon ay pareho na kaming nakatayo sa harapan ni Jotaro.


Daglian naman naming ipinatong ang aming kanang kamao sa aming mga dibdib at dahan-dahan kaming yumuko. Ganito kami magbigay-galang kay Jotaro. Ang aming pinuno.


Ang pinuno ng isang sikretong samahan—isang sikretong tribong nakakubli dito sa kagubatan ng Tanlimook. Isang tribo na kung saan ang bawat miyembro ay inaatasan nitong si Jotaro ng iba't ibang mga trabaho: Paghahanap ng kayamanan, pagtugis o paghahanap sa mga tulisan o mga taong nawawala, paglikom ng impormasyon at kung minsan... Pagpaslang.


Dito ako ngayon namalagi, matapos akong mapahiwalay mula sa mga pinsan ko, kay marie, kay Batluni at kay Tatang mula sa kagubatan ng Elmintir. Sila—sina Jotaro at Je'il ang mga kumupkop sa akin.


At simula noon ay naging miyembro na ako ng Tribo nila.


Ang Tribo ng Uruha.


"Tayo na. Kanina pa ako nagugutom." Mungkahi ni Jotaro kay Je'il.


Tumalikod ito at nagsimulang maglakad pabalik sa nakakubling taguan ng buong tribo. Maglalakad na sana ako ang kaso biglang lumingon si Jotaro at tinawag ang pangalan ko.


"Buhatin mo 'yang baboy ramo. Parusa 'yan sa kabagalan mo." Utos ni Jotaro.


Takte. Kung hindi si Je'il si Jotaro naman ang mag-uutos, ganito na lang ba talaga palagi ang papel ko dito sa mundong 'to? Maging utusan?


Pero wala naman akong magagawa, siya ang pinuno, at pinagkakautangan ko sila ng buhay ko. Kaya walang sabi-sabi ay dahan-dahan kong binuhat ang dambuhalang baboy ramo at isinampa sa mga balikat ko.


Okay na rin. Hindi rin pala mabigat.


"Tayo na." Saad ni Je'il.


Tumango naman ako at sinimulan ng maglakad kasunod sina Jotaro at Je'il. Pinagmasdan kong mabuti ang paligid; nagsisimula ng naging kulay pula sinag ng araw na tumatagos dito sa kakahuyan—hapon na nga at malapit ng magtakip-silim.


Ako nga pala si Kelvin.


At ito ang ikalawang kabanata ng paglalakbay ko dito sa Arentis.


Arentis II | Tribong Uruha | Completed | Currently EditingTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon