"Anong ginagawa natin dito... akala ko ba pupunta kayong Art Fair?"
Nagmadaling mag-book si Bea ng sasakyan papunta sa Ayala pagkatapos naming mananghalian sa Rizal Park - halos buong araw na kasi kaming nasa National Museum at nauubusan na kami ng oras para sa Art Fair. Ang hindi lang namin maintindihan ni Joaquin...
Bakit kami naglilibot sa department store ngayon?
"Hanggang labas na pila niyan ngayon," pagpapatuloy ni Joaquin. "Kilala pa naman 'yang Art Fair sa mga art enthusiasts."
"Eh 'yun nga ang problema eh. Nawawala 'yung nag-iisang art enthusiast sa ating lima."
Kakapasok pa lang namin kanina ng Ayala, pero sinabihan na kaagad ni Bea ang driver ng sinasakyan naming Grab na ibaba kami sa mall imbes na sa venue ng Art Fair. Nalaman kasi niya na may sale ngayon sa mga nakasabit na banner sa gilid ng daan. Eh lagi pa naman kaming pinipilit ni Bea na pumunta sa mall pag nalaman niyang may sale.
Kahit si Joaquin nga ay hindi rin nakaligtas sa kanya.
"Sayang, panay pambabae lang ata may sale ngayon... Medyo kupas pa naman na 'yung pantalon ko." Bumuntong hininga si Joaquin nang silipin niya ang dinadaanan naming mga damit panlalaki para tingnan kung naka-sale rin sila ngayon. "Nauna na ba si Patrick sa Art Fair?"
"Baka nga umuwi na 'yun eh."
Nagwatak-watak na ang grupo namin nang nakababa na kaming lahat sa harapan ng mall, kaya hindi ko alam kung saan na napadpad si Patrick. Sa lawak ba naman ng Ayala, mahirap na siyang hanapin sa sobrang dami ng tao lalo pa't weekend ngayon.
Sinamahan naman ni Angel si Bea sa paglilibot, pero humingi siya ng favor sa aming dalawa na maghanap at bumili ng jacket para sa nalalapit na birthday ng kanyang Kuya AJ. Binigyan rin niya kami ng tatlong libo, kaya marami kaming budget para magtingin-tingin ng mga mamahaling damit.
Huminto kami ni Joaquin sa paglalakad nang may makita akong mga jacket sa isang gilid. Inisa-isa ko ang mga naka-display hanggang sa may nakita akong kulay itim na varsity jacket.
"Sukatin mo nga 'to..." pakiusap ko kay Joaquin bago ko inabot sa kanya ang napili kong jacket para sa kapatid ni Angel. "Tingnan mo kung sakto lang sa'yo."
"Ano 'to?" Natawa si Joaquin. "Para saan?"
"Tinutulungan kong bumili si Angel ng regalo para sa kuya niya," paliwanag ko habang tinitingnan ang iba pang mga jacket na naka-display.
"Baka naman para sa akin pala 'tong jacket na tinitingnan mo."
"M-Magkasing-tangkad kasi kayo ng kuya ni Angel!" depensa ko. "Hindi ko nga mabilhan ang sarili ko ng ganyan kamahal na jacket, ikaw pa kaya..."
Tinanggal na ni Joaquin ang suot niyang windbreaker at kinuha ko ito mula sa kanya. Inalis na rin niya mula sa hanger ang varsity jacket para isukat ito sa harapan ng isang salamin.
Napangiti ako habang pinapanood si Joaquin na inaayos ang sleeves ng suot niyang varsity jacket. Maganda nga namang tingnan ang fitted na damit sa athletic niyang pangangatawan: sakto lang ang laki ng jacket para sa malapad niyang likod, at sumusunod rin ito sa kurba ng kanyang dibdib.
Teka, bakit parang natu-turn on ako?
Umiwas kaagad ako ng tingin nang nahuli ako ni Joaquin na nakatitig sa kanya.
"Tuwang-tuwa ka na naman sa nakikita mo," mapang-asar niyang sinabi sa akin. "Ano ba talagang gusto mo, 'yung jacket o 'yung may suot?"
"Bagay kasi," paliwanag ko kay Joaquin. "Parang ginawa 'yang jacket na 'yan para sa'yo."
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...