"Parang tanga 'tong si Tristan eh."
Nakapwesto na ako sa stage ng food court kasama si Anita. Pinapatugtog ko muna ang gitara ko habang naghihintay para kay Tristan na makaupo nang sa gayon ay makapagsimula na ako sa pagkanta.
Pinapanood naming dalawa ni Anita si Tristan na pumila sa mga food stalls habang kinakausap ang kanyang date ngayong gabi. Kagaya ni Tristan ay mukhang may lahi rin ang kasama niyang babae. Maputi ang kanyang balat, singkit ang mga mata, at kulay brown ang buhok na halos hanggang leeg lang ang haba nito.
Nakabantay rin sa kanilang dalawa sila Ton at Irene, na nagkukunwaring pinapanood ang iniihaw na pagkain sa katabing food stall. Iniingatan nilang mahalata ni Tristan na nandoon lang sila para mag-espiya sa date niya.
Halatang kabado si Tristan dahil nananahimik lang siya ngayon, di tulad ng ginagawa niya dati na halos talak lang siya nang talak kahit na hindi naman interesado sa kanya 'yung babae.
"Huy, kausapin mo naman 'yung babae..." bulong ni Anita.
"Nag-iisip pa ata siya ng topic na mapag-uusapan nila," biro ko sa kanya.
"Ano bang pinag-uusapan nila ni Tristan sa Tinder at bakit parang mas magaling pa ata ako mag-initiate ng convo kaysa sa kanya? Panay 'hello', 'good morning', at 'good night' lang ata chat nila eh."
Napansin naming may tinanong si Tristan sa date niya, at nag-uusap na silang dalawa hanggang sa nagtatawanan na sila pareho.
"Hay salamat." Napabuntong hininga si Anita. "Akala ko mananahimik na lang si Tristan buong date nila eh."
"Ayaw mo lang bang matalo sa pustahan kaya suportado mo si Tristan ngayon?"
"Sus. Gusto naman nating pareho na magbago na si Tristan. Di ko masasabi kung magbabagog-buhay na nga talaga si Tristan kapag nagustuhan siya ng babaeng 'yan, pero at least it's a start."
"Eh ano palang gagawin natin kapag hindi sila natuloy na magkaroon ng second date?"
"Duh, edi panalo ka sa pustahan. Let's just hope na maging lesson 'yun para kay Tristan."
"Para namang magbabago si Tristan kung ni-reject siya nung babae. Sanay na kaya 'yun na hanggang first date lang sila ng mga nakaka-chat niya."
Sakto namang may dumaan sa harapan namin na may dalang dalawang orders ng sizzling burger steak. Langhap na langhap naming dalawa ni Anita ang nakakagutom na amoy ng nalulutong burger at gravy.
"Nubayan... nakakagutom naman 'yun," reklamo ni Anita. "Makakain nga muna."
Umalis muna saglit si Anita para bumili ng makakain. Hinahanap ko ulit sila Tristan sa paligid. Mukhang tapos nang mag-order si Tristan kaya hinahatid na niya ang kanyang date sa table nila malapit sa harapan ko. Pina-reserve pa ata kanina ni Tristan 'yung table na 'yun nung nasa studio pa kami.
Hinila ni Tristan ang isang upuan at inimbitahan ang date niya na maupo. Nakita kong mag-blush ang kanyang date, at ngumiti siya nang umupo silang dalawa ni Tristan.
Gentleman na gentleman ah.
Habang busy ang date ni Tristan sa pagkalikot ng kanyang phone ay palihim na tumingin sa akin si Tristan at tumango para senyasan ako na magsimula na sa pagkanta.
Hinanda ko na ang sarili ko at ang aking gitara, at sinimulan ko nang haranahin sila Tristan gamit ang kantang With a Smile ng Eraserheads.
***
"So? Anong nangyari?" tanong ni Irene. "Mukhang nagustuhan ka nung date mo kanina ah."
"Seryoso ba?" Hindi makapaniwala si Tristan sa kanyang narinig. Namula siya dahil hindi niya rin alam kung paano magr-react. Napakamot na lang siya sa likuran ng kanyang leeg. "A-Ayun... okay naman siya..."
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...