Chapter Thirty-Three || Jerome

331 14 2
                                    

"Thank you, thank you."

Alas-otso ng ng gabi at nakapunta na kami sa gig namin sa isang bagong bukas na bar sa Katipunan. Buong gabi kaming nandito hanggang sa mag-sara 'yung bar ng alas-dos ng madaling araw, pero ngayon pa lang may nararamdaman na kaagad akong pagod.

Kahit na kalagitnaan ng linggo 'yung gig namin, marami pa ring tao ang nadagsa sa bar para makipagkita at makipagkwentuhan sa mga tropa nila o di kaya'y para lang makainom ng alak at magpakalasing. Hindi naman kami masyadong napapansin ng mga tao sa loob... para kasing nandoon lang kami para bigyan sila ng background music habang busy sila sa kani-kanilang mundo.

Halos kami-kami nga lang rin 'yung napalakpak kada may matatapos kaming kanta eh.

Amoy pinaghalong sigarilyo at alak ang paligid, minsan nasama pa 'yung amoy ng bagong luto na pagkain sa tuwing may darating na server na may dalang pagkain para sa mga customer ng bar.

Kakatapos lang namin tumugtog nila Tobias at Tristan kaya umupo muna kami sa gilid ng stage para makapagpahinga habang sila Ton, Irene, at Anita naman ang magp-perform.

"Manlibre ka naman ng beer, brad..." biro ko kay Tristan. "Kahit isa o dalawang bucket lang oh..."

"Nakita mo ba 'yung menu nila?" pabulong na tanong ni Tristan dahil nasa harapan lang namin 'yung manager ng bar. "Mas mahal pa 'yung pagkain dito kaysa sa pinupuntahan naming bar sa BGC dati."

"Nakakaabot pa kayo ng BGC para lang mag-bar?" sabi ni Ton habang inaayos niya 'yung wirings ng gitara niya sa stage. "Mga taga-Ateneo talaga..."

"Malapit lang ba BGC dito?" tanong ko.

"Oo, brad... may UP BGC nga eh." Nagsimula nang mag-strum si Anita ng gitara niya sa stage. "Doon 'yung ibang Law students pati 'yung mga nagm-masteral."

Kinuha ni Anita 'yung microphone para magsalita.

"What's up, Katipunan peeps!" May ilang mga humiyaw nang tawagin ni Anita 'yung atensyon ng lahat ng mga tao sa loob ng bar. "Again, we're the Maginhawa Mayhems from the home of drunkards and scholars alike... Maginhawa! Shoutout nga pala sa mga estudyante diyan! Ang aga-aga pa... naglalasing na kaagad kayo!"

Nagtawanan 'yung ibang mga estudyanteng may ID pa ng Ateneo na nakaupo sa pinakadulong table.

"If you like our performances tonight, make sure to check out our Facebook and Twitter pages as well as our Youtube channel. You'll find us at Maginhawa Mayhems PH." Lumingon si Anita kay nila Irene at Ton para tingnan kung handa na sila pareho. "Anyway... enough of the introductions. Let's bring on the music, shall we? Here's our band's very own song... Together, Forever!"

***

Halos wala nang taong natira nung magsasara na 'yung bar ng 3 am. Ginigising na nung mga natirang cutomer 'yung mga kasamahan nilang tumba na dahil sa kalasingan habang naglilinis ng paligid 'yung staff ng bar.

Nililigpit na rin namin 'yung mga dala naming mga gitara para ilagay sa trunk ng kotse ni Tristan.

Nakasalubong ko si Tristan na naghihintay sa harapan ng bar counter nung palabas na ako para bitbitin 'yung gamit nila Irene at Ton papunta sa kotse.

"Tumulong ka naman sa pagbubuhat, pre..." sabi ko sa kanya. "Nandun pa 'yung gitara mo."

"Oo mamaya," sagot niya habang inuubos 'yung huling bote ng beer mula sa bucket na inorder namin kanina. "Inaantay ko lang 'yung bayad."

Bago pa ako makalabas sa bar ay nagpakita na ulit kay Tristan 'yung may-ari ng bar. Nakalabas 'yung wallet niya at mukhang bibigyan na niya si Tristan ng pera.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon