Chapter One Hundred and One || Jerome

130 13 3
                                    

"Antagal mo naman kanina..."

Palubog na ang araw nang sumakay ako ng jeep papunta sa Area 2 para kitain ni Kate. Akala ko na magiging mabilis lang ang biyahe, pero hindi ko inasahan na matatagalan pa ako kahit ang lapit-lapit lang ng pupuntahan ko.

Halos magdikit-dikit na kasi ang mga kotse sa daan dahil sa mabigat na traffic sa Katipunan; halos dalawang minuto ring hindi gumalaw ang jeep na nasakyan ko bago ito tumuloy at lumiko papasok ng UP.

Pagkadaan ng jeep malapit sa Area 2 ay bumaba kaagad ako't nagmadaling maglakad papunta sa may bandang dulo ng kalye kung nasaan ang karinderyang pagkakainan namin ni Kate. Hindi ko kaagad siya nakita pagkarating ko dahil sa dami ng taong kumakain sa loob ng garahe at kinailangan ko pang pumasok para lang mapansin na nakaupo mag-isa sa isang lamesa sa pinakadulo at abalang-abala sa kanyang cellphone.

"Sorry, sorry... Traffic kasi sa daan pa-Katipunan kanina," banggit ko kay Kate bago ako umupo sa harapan niya. "Kanina ka pa ba dito?"

"Wag kang mag-alala, kaninang alas-tres pa ako nasa dorm. Tsaka mga ganitong oras din naman talaga ako nakain dito."

Napansin kong suot ni Kate ang luma naming PE shirt at ang jersey shorts na ginagamit dati ng varsity team nila.

Nahuli niya akong nakatitig sa kanya.

"Ano? Kailangan ko pa bang mag-ayos ng damit kung malapit lang naman sa Area 2 ang dorm ko?" Ngumiti si Kate. "Todo porma ka ngayon ah. May gig ba kayo mamayang gabi?"

"Hindi, wala. Ganito lang talaga suot ko kapag tutugtog ako sa Maginhawa," sagot ko. "Naka-order ka na ba?"

"Eh di ba nga hinihintay pa kita kanina?" Naglabas si Kate ng pera mula sa coin purse niyang kulay pink. "Dalawahin mo na kung ano man 'yung io-order mo."

Bumalik na ako sa labas ng karinderya para samahan ang mga taong nakaabang sa harap ng malaking steamer para sabihin ang kanilang mga order sa nagbabantay ng tindahan.

Ramdam na ang magkahalong pagod at antok sa hangin habang unti-unti nang dumidilim ang kalangitan at nagsisimula nang buksan ng mga karinderya sa kalye ang mga ilaw nila. Rinig na rinig na rin ang usapan ng mga tao sa katapat naming karinderya habang patuloy ang pagdagsa ng mga tao sa Area 2.

Lahat ng mga nasa paligid ko'y mga estudyanteng kakatapos lang ng mga klase't pumunta lang dito sa para makapaghapunan nang maaga bago sila bumalik sa kani-kanilang mga dorm. May bitbit pang libro at isang makapal na tipak ng papel ang babaeng nasa tabi ko habang nakikipagkwentuhan sa kasamahan niyang may dala ring ibang libro at dalawang clear folder na katulad ng nilalagyan ko ng mga chords ng mga kantang tinutugtog ko.

Mukhang magsisimula na ata hell week sa UP... mukhang mababawasan pa ata 'yung bibisita mamaya sa food court na pinupuntahan ko.

Pagkatapos asikasuhin ng may-ari ang mga order ng mga katabi ko'y sinabi ko na rin sa kanya ang order kong dalawang siomai rice. Bumalik naman kaagad ako sa pwesto namin ni Kate pagkatapos kong magbayad at nang iniabot na ng tindera sa akin ang dalawang plato na may umuusok pang kanin.

"Simula na ba ng hell week sa inyo?" tanong ko kay Kate bago ko ilapag sa harapan niya ang plato ng siomai rice.

"Hindi pa naman, bakit?" tanong ni Kate sa akin. "Eto naman. Kakasimula pa nga lang ng sem namin, hell week kaagad? Di ba pwedeng mag-enjoy muna kami sa pag-aaral?"

"Wala lang. Wala kasi masyadong nabisita sa Maginhawa nung mga nakaraang araw kaya akala ko eh exam niyo na," paliwanag ko kay Kate. "Pati mga ka-banda ko eh nagsisimula na ring mag-aral— Ay teka, nakalimutan kong kumuha ng kutsara't tinidor."

Tatayo na sana ako para kumuha ng kubyertos at baso ng tubig para sa amin ni Kate nang marinig ko ang boses ng isang babae sa likuran ko.

"Oh, dito ka rin pala nakain?"

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon