Chapter Sixty-One || Jerome

148 11 0
                                    

"Gagana ba 'to sa tingin mo?"

Sabay kaming nag-lunch ngayon ni Nathan dahil may nakalimutan kaming i-review kagabi. Nahiram na rin namin 'yung notes ni Keith sa Physics kaya nadalian na kaming mag-aral kumpara kahapon.

Pabalik na sana kami sa classroom pero naisip ni Nathan na bumili muna ng dalawang slice ng carrot cake. Ideya kasi niya na ilibre si Bea para tulungan niya kami sa paghahanap ng mga kabanda ko para sa songwriting competition.

Mukhang may bayad 'yung info galing kay Bea kapag kailangan ng input niya.

"Siguro naman," sagot ni Nathan. Nakapila kaming dalawa sa counter ng cafeteria. "Kasi kung nauna 'yung pagtatanong natin kay Bea, ang ending rin naman eh kailangan muna natin siyang bilhan ng pagkain bago siya magsalita."

"Paano ka naman nakakasigurado na alam ni Bea kung saan maghahanap?"

"Di ko pa ba nasasabi sa'yo?"

"Na ano?"

"Na admin si Bea nung Freedom Wall page ng school natin sa FB? Siya in-charge sa lahat ng mga entries na sinesend ng mga nasa senior high, kaya nababasa niya lahat ng messages na natatanggap ng page... pati na rin 'yung mga issue na masyado nang controversial para ipagkalat sa buong campus."

Hindi naman talaga ako nagbubukas ng FB sa phone ko kaya wala pa akong kaalam-alam at kapake-pake dati doon sa Freedom Wall ng school namin.

Hanggang sa nangyari 'yung alitan ng basketball at badminton varsity.

Kung ano-ano nang tsismis ang kumalat tungkol sa nangyari: inagaw raw ng team captain ng badminton team 'yung girlfriend ni Greg, nagkaagawan raw sila sa paggamit ng gym court, nagbungguan raw 'yung kotse nilang dalawa sa parking lot... lahat na ng pwedeng sabihin tungkol sa issue, nasabi na.

Ayoko nang alamin kung ano-ano pang nababasa ni Bea tungkol sa issue... nakakatakot nang isipin kung saan kami kayang dalhin ng imagination ng ibang tao.

Madidismaya siguro silang lahat kapag nalaman nila na nagsimula lang 'yung bugbugan sa pakikipag-angasan ng dalawang team dito sa cafeteria.

"Buti hindi pa sila napapatawag ng principal tungkol sa mga posts ng page nila," banggit ko kay Nathan. "Yung iba dun, parang hindi na totoo eh."

"Napatawag na raw sila that one time..." kwento ni Nathan. "May pinost silang entry tungkol sa isang prof ng Engineering na barubal raw kung magturo. Ayun..."

"Na-offend 'yung pinapatamaan nilang prof?"

"Oo... Pinilit niya 'yung admins ng page na sabihin 'yung pangalan ng nagsend sa kanila nung entry, tapos pina-suspend ng principal 'yung estudyante ng one month."

"Tsk, ba't hindi na lang nila pinatanggal 'yung page?"

"Wala naman silang ginawang masama ah," depensa ni Nathan. "Don't shoot the messenger nga naman. Parang masyado ngang mahaba 'yung ipinataw nilang one-month suspension eh."

Nagbayad na si Nathan sa matandang babae na nakabantay sa cashier. Naisip ko namang kumuha rin ng pwede naming kainin mamaya habang nagk-klase. Bumalik ako sa chiller para kumuha ng dalawang slice ng carrot cake bago ako bumalik kay Nathan.

"Kasama 'yan dito?" tanong ng matandang babae kay Nathan nang ilapag ko sa harapan niya ang kinuha kong carrot cake.

"Para kanino 'yan, Jerome?" tanong ni Nathan sa akin.

"Para sa atin," sagot ko.

"Hindi ka pa ba busog?" Hindi na niya hinintay ang sasabihin ko para sagutin ang tanong ng cashier. "Sige na ho... isama niyo na rin po 'yung dinagdag niya."

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon