"Naka-magkano ba tayo kagabi, boss?"
Pinatawag ulit kami ni Joaquin ng boss namin sa break room habang wala pang dumadating na bagong customer sa labas. Abalang-abala ang boss namin sa kanyang laptop habang iniisa-isa niyang basahin ang kumpol ng mga papel na nakalagay sa karton sa gilid niya.
Dati nung wala pa dito sa cafe ang boss namin, kaming dalawa ni Joaquin ang nag-aasikaso sa pagre-record ng mga order sa shift namin bago kami umuwi. Sinusulat lang namin in-detail kung ano at ilan ang ino-order ng mga customer sa isang makapal at malaking notebook para nakikita ng boss namin kung nagtutugma ba sa pera sa loob ng cashier ang nakukuha niyang pera kada weekend.
Buti na lang talaga at naglalagi na dito sa cafe ang boss namin... 'yun pa naman ang pinakanakakatamad na kailangang gawin — mas pipiliin ko pang maglinis ng banyo at maghugas ng mga plato sa kusina.
"Hindi ko pa tapos 'yung accounting dahil sa sobrang dami ng order kagabi, pero ngayon pa lang aaminin ko nang mukhang maganda nga para sa cafe natin ang magkaroon ng open mic night every once in a while." sagot ng boss namin habang may tina-type siya sa kanyang laptop. "Hindi ko naman alam na marami palang mga interesado sa mga ganung bagay..."
"Marami po talaga boss!" pagsang-ayon ni Joaquin. "Nadagdagan pa nga po lalo 'yung likes ng page natin sa FB dahil po sa event kagabi."
"Kaso ang ikinakabahala ko, baka kakailanganin nating magdagdag ng isa hanggang tatlo pang shift dito sa cafe."
"Bakit po?" tanong ko.
"Kung magpapatuloy ang open-mic night dito sa cafe, dadami at dadami ang mga customer natin sa mga araw na ganto. Kaninang alas-sais pa nga lang ng umaga, may apat nang prof na bumisita dito bago sila pumasok sa trabaho," kwento ng boss namin. "Pero depende pa rin sa kita natin ngayong buwan kung magkakaroon tayo ng job opening. Tingnan muna natin kung tumaas ang kita ng cafe sa katapusan ng buwan; ayoko namang babaan ang mga sweldo niyo dahil panay working student kayong lahat."
May biglang tumunog na notification mula sa cellphone kaya nilabas kaagad ng boss namin ang kanyang cellphone para tingnan kung sino ang nag-text.
Bigla namang nag-iba ang mood niya pagkatapos niyang basahin ang natanggap niyang mensahe.
"Tsk, magpapatulong na naman si Haillee sa project niya..." Malalim na bumuntong-hininga ang boss namin bago niya sinimulang ligpitin ang mga papel na nakakalat sa kanyang desk. "Kayo na munang dalawa ang bahala dito sa cafe at kailangan ko na namang umuwi."
"S-Sige po..." sagot ko.
Tinulungan na namin ni Joaquin ang boss namin sa pagliligpit ng gamit nang sa gayon ay makaalis na kaagad siya't masolo na ulit naming dalawa ang cafe. Sumunod naman kaagad kami ni Joaquin sa likod ng boss namin nang lumabas na siya ng break room at naglakad palabas sa front door ng cafe.
"Ingat po sa biyahe, boss!" banggit ni Joaquin bago makalabas ang boss namin.
Agad namang nakaalis ang sasakyan ng boss namin kaya bumalik na kaming dalawa ni Joaquin sa likod ng counter para isalang na ang maruruming pinagkainan ng mga customer namin kanina. Nilabas na rin ni Joaquin mula sa dishwasher ang bagong hugas na mga baso bago siya umupo sa bar counter sabay labas ng kanyang cellphone.
Kumuha na ako ng malinis na pamunas at sinimulan na ang pagpapatuyo sa mga baso at mug habang tahimik kaming nakikinig sa mga kantang pinapatugtog ni Joaquin sa speakers sa magkabilang gilid ng menu sa taas ng counter.
Pinapanood ko na lang rin si Joaquin, na nakatutok ang mata sa kanyang cellphone at paminsan-minsang nags-scroll na para bang binabasa niya ang FB timeline o di naman kaya'y ang Twitter feed niya.
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomansSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...