"Nag-eenjoy ka naman ata masyado ngayon."
Mga bandang alas-sais o alas-siyete ata kanina nang sinabihan ako ni Joaquin na papunta na siya sa UP, pero pagkaalis ko kanina ng condo ay nakita ko siyang nakaabang sa labas ng lobby dala ang kanyang motor, naghihintay para sa akin na parang isang tunay na gentleman.
Talagang sineseryoso niya 'yung date namin ngayon, ano?
Traffic pa rin sa kalsada dahil nga nasa kalagitnaan pa rin ang rush hour nang pumunta kami ni Joaquin sa campus, pero mukhang mas marami pa atang papasok ng Katipunan kaysa sa mga paalis. Puno rin ng mga pasahero ang mga kasabay naming jeep na papunta rin sa loob ng UP kahit tapos na naman ang halos lahat ng mga klase para sa araw na ito.
At namangha talaga ako sa itsura ng UP Fair nang nadaanan namin ni Joaquin ang Sunken Garden kanina habang naghahanap ng mapaparkingan para sa kanyang motor.
Dati sobrang payapa ng Sunken na ginagawa pang picnic spot tuwing hapon 'yung lilim ng mga puno, pero ngayon sobrang sigla at busy na ng lugar. Ang dating kulay berde na damo ay napalitan ng samu't saring mga kulay galing sa mga palamuti sa paligid at mga spotlight na umiikot sa buong concert grounds.
Sabay kaming naglalakad ni Joaquin ngayon sa kahabaan ng mga kainan sa UP Fair. Nakapatong ang kamay niya sa bewang ko at nanatili akong nakadikit sa katawan niya habang nagmamasid kami sa paligid.
Kanina pa ganito ang itsura naming dalawa simula pa noong nakapasok kami sa fairgrounds kaya may mga napapalingong mga tao sa amin. Natatakot kasi akong manakawan dahil parehong butas ang bulsa ng pantalon ko at wala na akong ibang pwedeng paglagyan ng cellphone at wallet ko bukod sa bulsa ng aking sweater.
Sinabihan ako ni Joaquin na dumikit sa kanya habang naglalakad kami sa loob kaya sinunod ko siya. Hindi na rin nagtagal nang ipatong ni Joaquin 'yung kamay niya sa baywang ko dahil sa sobrang siksikan ng mga tao sa fairgrounds. Alam ko namang nagpapalusot lang si Joaquin para lang maka-damoves siya sa akin, pero hindi ko na siya pinigilan.
Kasi nag-eenjoy rin naman ako sa pagpapaka-boyfriend niya sa akin.
Anyway...
Hindi pa naman ganoon kalalim ang gabi kaya wala pa kaming balak pareho ni Joaquin na kumain, pero kanina pa namin naglilibot para tingnan 'yung mga kainan at booth sa paligid. Although medyo nararamdaman ko na 'yung gutom dahil sa sobrang bango ng amoy ng pagkain sa hangin.
"Ikaw rin naman eh," biro ni Joaquin sa akin. "To be honest, ngayon lang ako nag-enjoy nang ganito sa UP Fair."
"Hindi mo ba dinadala dito si Diane nung kayo pa?" tanong ko sa kanya.
"Hindi. Laging kasama mga kaibigan namin kapag pumupunta kami dito ni Diane dati."
"Weh? As in never ka pang pumunta dito na may kasamang date?"
"Oo nga. Ikaw una kong dinala dito, actually."
Ewan ko ba kung kasama pa rin sa date package ni Joaquin 'yung pagf-flatter sa akin, but then again lagi naman siyang ganito kahit nung nasa cafe kaming dalawa. Alam ko namang napaka-imposible na wala pa siyang dinalang date dito sa UP Fair....
Pero bakit pa rin ako kinikilig?
"Oh, wag kang feeling special ah," pang-aasar ni Joaquin sa akin.
"Sino namang nagsabi na feeling special ako?" tanong ko.
"Yung mukha mo." Lumapit siya sa mukha ko para pindutin ang kanan kong pisngi. "Namumula ka na kasi eh."
"H-Hindi kaya!"
Ako na ang lumayo mula sa kanya para tigilan na niya ang pagsundot sa pisngi ko, at naglakad kaming dalawa hanggang sa naabot na namin ang pinakadulo ng fairgrounds kung saan maraming mga tao ang nagtitipon para panoorin na umandar ang mga rides.
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...