Chapter One Hundred and Thirty-Five || Jerome

98 8 0
                                    

"Medyo nakakatakot rin pala dito tuwing gabi..."

Nakalubog na ang araw nang umalis ako sa bahay ni Tita para sumakay ng jeep pa-loob ng UP. Nasanay na ako na tuwing tanghali ako bumibisita sa UP kaya nakakapanibago para sa akin na makita ang loob ng campus sa gabi: wala nang kailaw-ilaw ang eskinita sa gilid ng Palma Hall na kinakainan namin ni Anita, at panay palabas na ng campus ang mga nakakasabay ko. 'Yung mga pasaherong bumaba sa hintayan ng jeep kanina, naglakad papasok ng Maginhawa.

Kahit nga 'yung driver, parang gulat na gulat rin dahil papasok pa lang ako ng UP ng ganitong oras.

Binigyan lang ako ni Irene ng direksyon papunta sa venue ng event, kaya hindi ko na alam kung anong tawag sa building na nasa likuran ko. Basta ang alam ko, tanaw ang Sunken Garden mula dito. Ngayon ay kasama ko na ang buong banda habang nakatambay sa paligid ng kotse ni Tobias na nakapark sa parking lot na kaharap ng entrance.

Kanina pa ako nakarating pero hindi ko pa rin alam kung anong ginagawa namin dito.

"Dapat makita mo 'tong UP sa madaling araw," biro ni Anita kay Tristan. "Matatakot ka talaga sa sobrang tahimik."

"Marami pang tao ngayon sa lagay na 'to," banggit ni Ton.

Pinanood naming lahat na dumaan ang isang kulay puti na kotse. Nailawan tuloy ang ilang mga nagjo-jogging at nagbibisikleta sa gilid ng kalye, hanggang sa sumabay na ang sasakyan sa ilang mga jeep na naliko palayo sa Oval. Napalingon rin kami ni Tristan nang may marinig kaming nagtatawanan sa aming likod, upang makita ang isang grupo ng mga matatandang professor na palabas ng building — kakatapos lang rin siguro ng trabaho nila para sa araw na ito.

"Ano pa bang hinihintay natin?" Naglakas loob na akong tanungin si Anita. "Kanina pa ata kayo nakatayo dito eh."

"Si Diane." Bumuntong-hininga si Tristan bago siya sumilip sa entrance ng building. "Hindi naman tayo makakapasok kung wala siya eh."

"Hindi pa ba nakakarating 'yung org nila?"

"Nakita ko na talaga siya kanina," sagot ni Anita. "Hinihintay na lang talaga namin siya na lumabas."

Sumandal na si Anita sa gilid ng trunk ng sasakyan at tumabi kay Irene, na nakatutok ang mga mata sa nagp-play na video sa cellphone ni Ton. May sariling mundo rin si Tobias, nakatanaw sa malayo habang may pinapakinggan sa kanyang earphones. Hindi naman mapakali si Tristan habang naglalakad parito't-roon at naghihintay na makabalik si Diane.

Hinampas ni Tristan ang likod ng leeg niya para patayin ang lamok na kumagat sa kanya, pero nangati lang siya at naging mas hindi komportable sa kanyang suot na coat jacket.

"Tsk, ang kati naman nitong binigay na coat sa akin ni Mama..." reklamo ni Tristan habang kinakamot ang likod ng kanyang leeg. "May pulbo ba kayo diyan?"

"Irene, pulbo raw..." pagtawag ni Anita sa kanyang atensyon.

"Ay, teka..."

Pagkaabot ni Irene sa kanya ng pulbos ay hinagis na ito ni Anita papunta sa akin. Lumapit rin kaming dalawa kay Tristan para tulungan siya sa kanyang pangangati: nilalayo ni Anita ang kamay ni Tristan para pigilan siya sa pagkamot, habang pinupulbusan ko naman ang kanyang leeg.

"Teka..." Narinig ko ang boses ni Ton. "Andiyan na si—"

"D-Diane...!"

Mabilis na inayos ni Tristan ang kanyang pagkakatayo habang nasa kalagitnaan ako ng paglalagay ng pulbo sa nirereklamo niyang makati. Nasagi niya ang braso ng kamay kong may hawak sa pulbos kaya imbes na sa leeg mapunta ang pulbos ni Irene ay nahulog ang lahat ng ito papunta sa likod ng coat ni Tristan.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon