Chapter Fifty-Three || Jerome

167 9 0
                                    

[TRIGGER WARNING: This chapter contains the following themes: Violence, Blood. If you feel uncomfortable reading about these particular themes, feel free to skip this chapter.]

"Marunong ka bang sumuntok, Jerome?"

Saan naman nagmula 'yung tanong niya at paano napunta 'yung topic namin sa pakikipagsuntukan? Teka, may nakaaway ba si Patrick pagkatapos nung event kaya kanina pa siya kinakabahan? Maayos namang kasama si Patrick ah... bakit may magbabalak na makipagbugbugan sa kanya?

Kung saan-saan na nakakapunta 'yung isip ko.

"B-Ba't mo naman natanong?"

Tumingin ulit siya sa lalaking nakasalubong namin kanina sa labas ng gym. Nakita namin kung paano niya palihim na binabantayan ang bawat kilos ng badminton team nila Nathan habang nakaupo mag-isa sa kabilang dulo ng bleachers.

"Point guard 'yun ng basketball varsity," paliwanag ni Patrick. "Isa sa mga tuta ng naturingang all-time MVP simula pa noong Grade 8 pa lang kami."

"Anong ginagawa niya dito sa gym kung wala naman silang practice ngayon?"

"Nabalitaan ni Bea kanina na may balak 'yung ibang miyembro ng basketball team na hamunin ng away 'yung badminton team... 'di ko alam kung kanino niya 'yun narinig, pero kung may nagbabantay nga sa badminton team ngayon, paniguradong tuloy 'yung away ngayon."

Pinanood namin na maglaro sila Nathan sa badminton court, mukhang wala pa silang kamuang-muang sa mangyayari sa kanila mamaya.

"Nagsinungaling lang talaga ako kanina nung sinabi ko na may shooting kami sa Philo," pag-amin ni Patrick. "Binalak ko talagang magpalipas-oras dito sa campus para mabantayan si Nathan kung sakaling madadamay siya sa gulo mamaya.

Bigla na lang natawa si Patrick. Lumingon ako sa court at nakita naming dalawa na nakatayo si Nathan sa pinakadulo ng court samantalang lumapag ang shuttlecock nila malapit sa net. Mukhang sinukuan na lang niya 'yung laban imbes na habulin 'yung tira ng kalaban niya.

"Ayusin mo naman 'yung laro mo, Nathan!" sigaw niya.

Inirapan at pinakyuhan na lang siya ni Nathan bago niya pulutin ang shuttlecock mula sa sahig para ipagpatuloy ang paglalaro nila.

"Pero ano ba kasing ginawa ng badminton team para pagdiskitahan sila ng basketball varsity?"

"Kwento ni Bea, nagka-angasan lang raw sila sa cafeteria kaninang lunch." Sumandal si Patrick sa upuang nasa itaas niya. "Lagi kasing tagapasimuno ng away 'yang mga nasa basketball varsity namin; tingnan mo lang sila sa mata, iisipin kaagad nilang may balak kang makipag-suntukan.

"Yun lang?" tanong ko sa kanya. "Nagkatitigan lang sila sa cafeteria tapos makikipag-bugbugan na kaagad sila sa isa't-isa?"

"Parang tanga, 'di ba?" Natawa na lang si Patrick. "Ang tataas kasi ng tingin nila sa sarili. Naghahari-harian pa sila sa mga hallway na parang pagmamay-ari nila 'yung buong school porket lagi silang champion sa regionals."

Nagpatuloy kami Patrick sa panonood kay Nathan habang pilit niyang hinahabol at nire-receive ang mga tira ng kanyang kalaban.

"Wala naman talaga akong pake kung may nakakaalitan 'yung mga varsity ng basketball. Napapagod na nga ako dahil halos kada linggo na lang silang binabanggit ni Bea sa tuwing magkukwento siya sa akin ng tsismis," banggit ni Patrick. "Pero nung nalaman kong badminton team ang pupunteryahin nila ngayon, hindi ko naman hahayaang masaktan si Nathan nang basta-basta na lang. Lalampa-lampa pa naman 'yang si Nathan... wala siyang kalaban-laban sa mga miyembro ng basketball varsity pagdating sa pakikipag-suntukan."

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon