"Pakipasa na lang muna ng mga assignments niyo sa unahan bago tayo mag-start."
Kakarating ko lang sa classroom ng Philippine History ko sa AS pagkatapos ng klase ko kanina sa major ko... buti na lang at hindi pa nagsisimula ang prof namin sa pagtuturo nang pumasok ako sa loob ng classroom. Akala ko kasi sa sobrang dami na ng mga tao sa mga hallway ng AS kanina na nagsisimula na ang sunod kong klase.
Dumiretso kaagad ako sa pwesto ko sa pinakadulo ng kwarto katabi ng mga naglalakihang bintana, at nadatnan ko si Anita sa katabi kong upuan na hinahalungkat ang kanyang bag na para bang may hinahanap.
"Shet, nakalimutan ko atang dalhin 'yung essay ko..." narinig kong binulong ni Anita sa kanyang sarili bago ko hinakbangan ang case ng kanyang gitara na nakapatong sa sahig. "Naprint ko na 'yun kagabi eh..."
"Ano bang pinapapasa ni Sir?" bulong ko sa kanya habang pinapanood ang mga iba kong kaklase na nagpapasa ng mga papel sa taong nakaupo sa kanilang harapan. "Yan ba 'yung pina-essay niya sa atin last week?"
"Oo... San ko ba 'yun nilagay? Imposible namang naiwan ko 'yun sa bahay eh samantalang— Punyeta, sa maling lugar pala ako nakatingin."
Tumigil si Anita sa paghahanap para kunin ang isang makapal at kulay pulang clear book na natabunan ng kanyang gitara. Teka... hindi ba—
"Kay Jerome 'yan ah... paano 'yan napunta sa'yo?" banggit ko kay Anita bago niya sinimulang buklatin isa-isa ang mga pahina ng clear book na ginagamit dati ni Jerome sa tuwing tutugtog siya. "Nasa kanya pa rin pala 'yan hanggang ngayon?"
"Oo ah. Lagi niya kaya 'tong ginagamit kapag kumakanta siya sa Maginhawa," paliwanag ni Anita habang hinuhugot niya ang ginawa niyang essay palabas ng clear book. "Hiniram ko lang para may magawa ako habang nag-aantay ng sunod kong klase. Akin na 'yung papel mo."
Inabot ko na kay Anita ang ginawa kong essay at tumayo na siya para personal na iabot ito sa prof namin. Ginamit ko naman ang oras habang nakatalikod si Anita para tingnan ang clear book ni Jerome.
Napapangiti na lang ako habang iniisa-isa ko ang mga lyrics ng mga paboritong kanta ni Jerome. Halos panay mga old school OPM ang mga title na nakikita ko — 'yong mga tipo ng kanta na naririnig mo dati sa radyo ng mga kapitbahay mo nung bata ka pa — pero meron pa rin namang mga English na kanta tulad ng Blind at You and Me ng Lifehouse.
Kasama na ang kantang Your Guardian Angel.
"Memories ba, Nathan?" biro ni Anita sa akin nang mapansin niyang binabasa ko ang nilalaman ng clear book ni Jerome. "Buti nga't pumayag siya kagabi na ipahiram 'yan sa akin. Mukhang masyado nang marami ang iniisip ni Jerome ngayon para ganahan siyang tumugtog."
Nagsimula nang magsalita ang prof namin sa unahan ng klase kaya nanahimik na kaagad kami ni Anita para makinig sa lecture. Nakakayanan ko pang makinig at intindihin ang sinasabi ng prof namin sa una, pero habang tumatagal ay mas lalo ko lang naaalala kung bakit laging panay pasang-awa ang grade ko dati sa Sibika noong elementary.
Pinaka-ayoko talagang subject ang Philippine History simula pa noong pagkabata. Siguro dahil nahihirapan lagi akong kabisaduhin ang mga pangalan, lugar, at mga araw na kinukwento sa akin ng mga teacher ko noon kahit pa parang paulit-ulit lang ang dini-discuss nila mula Grade 1 hanggang 6.
Buti na nga lang at kahit papaano'y hindi na ganun ang discussion namin ngayong college na ako at mas naa-appreciate ko na ang kasaysayan ng Pilipinas, pero may mga araw pa rin na nawawalan ako ng interes sa mga lecture dahil naaalala ko ang mga teacher ko noon sa Sibika.
Sino bang hindi mas-stress kung ang choices sa exam eh apat na magkakasunod na araw, o di naman kaya'y may dalawang tao na magkapareho ng first name?
Sinubukan ko nang mag-focus ulit sa discussion sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga sinasabi ng prof namin sa likod ng mga readings ko na tapos na naming i-discuss. Sana naman may ma-retain sa utak ko sa ginagawa ko, otherwise parang wala lang rin kabuluhan 'yung pagpapakahirap ko na makinig.
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...