Chapter One Hundred and Forty-Two || Nathan

87 8 0
                                    

"Good afternoon, welcome to—!"

Kaagad na nagbago ang reaksyon ng boss ko nang makita niya akong pumasok sa cafe imbes na bagong customer. Hindi man lang niya ako tiningnan bago siya nagsalita, basta-basta na lang siyang bumati nang kumalang ang wind chime sa pintuan.

"Ikaw lang pala 'yan," sabi niya sa akin nang madaanan ko siya sa counter habang naglalakad papunta sa break room.

Huminto ako sa paglalakad nang mapansin kong tahimik ang loob ng café, hindi dahil wala pa gaanong customer ng ganitong oras, pero dahil hindi pa naka-on ang TV at wala pa akong naririnig na ingay mula sa kusina. Tumingin pa ako sa boos namin, pero mukhang wala siyang pake sa katahimikan ng cafe... mukha ngang mas komportable pa siya dahil walang kaingay-ingay.

"W-Wala pa po ba si Joaquin...?" tanong ko sa aking boss.

"Hindi raw siya makakapasok ngayon," sagot niya.

"H-Huh? Bakit raw po?"

Di ko alam. Nag-text lang siya kaninang tanghali na may nangyari raw na emergency. Private family matters siguro. Wala ba siyang sinabi sa'yo?"

Tatanggapin ko na sana ang paliwanag ng boss namin kung hindi pa ako kinatok ng konsensya ko.

Dahil ba sa nangyari kagabi?

Kaya ba hindi na muna pumasok si Joaquin ngayon sa trabaho dahil ayaw niya akong makita? Kahit ako, hindi ko rin alam kung paano ko siya haharapin pagkatapos ang lahat ng nalaman ko kagabi — hanggang ngayon naninikip pa rin ang dibdib ko sa tuwing maaalala ko ang mga sinabi niya bago siya umuwi.

Unang beses kong makita si Joaquin na malungkot; kahit lumuluha na ang mga mata niya'y pinipilit pa rin niyang ngumiti dahil ayaw niyang mag-alala ako. Pero ngayong alam ko na ang lahat, wala nang ibang naging laman ang isip ko bukod sa kapakanan niya.

"Wala po..." Hindi ko na nakaya pang tingnan ang boss ko sa mata nang magsinungaling ako sa kanya.

"Nagkasakit na naman ba 'yong batang 'yun? Tsk, maghahanap na lang ako ng papalit sa kanya ngayon." Bumuntong hininga siya. "Sana lang available si Irene o Joseph..."


Hindi ko na pinansin ang sinabi ng boss ko at nagpatuloy na lang ako sa paglalakad papunta sa break room. Isinara ko kaagad ang pintuan dahil nagsisimula nang lumuha ang mga mata ko habang iniisip kung bakit wala si Joaquin ngayon.

Tangina, napakagago ko talaga kay Joaquin.


***


"Oh, wala si Joaquin?"

Hindi ko na napansin si Irene nang pumasok siya sa kusina. Narinig ko na lang ang boses niyang papalapit sa akin kaya napatingala ako mula sa binabantayan kong waffle maker — nawalan na tuloy ako ng tsansa para punasan muna ang mga mata kong kanina pa namamaga bago ko harapin si Irene.

"O-Oo eh..." Tumalikod na lang ako sa kanya habang pinupunasan ko ang mga mata ko gamit ang laylayan ng aking damit. "Ako lang mag-isa ngayon."

Matapos kong patuyuin ang mga mata ko'y humarap na ulit ako kay Irene, pero napaatras kaagad ako sa gulat nang makita kong nakatayo na siya sa harapan ko.

"O-Okay ka lang ba...?" nag-aalala niyang tinanong sa akin. "Bakit ka umiiyak?"

"W-Wala ah... May ano lang..." Nagmadali akong mag-isip ng ipapalusot sa kanya. "May pinapanood lang akong K-drama kanina habang naglalakad papunta dito."

"Grabe, akala ko ako lang 'yung ganun!"

Natulala na lang ako kay Irene dahil hindi ko inasahan ang magiging reaksyon niya. Hindi ko naman talaga alam kung anong ine-expect ko kanina, pero hindi ito 'yun. Wala na tuloy akong nagawa kundi pakinggan na lang ang kwento siya sa akin.

Maginhawa Nights #TheWattys2022Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon