"Nakaka-miss rin pala 'tong cafeteria."
Mabilis lumipas ang panahon ngayong senior high. Hindi mo na lang mamamalayan na nakatapos ka na pala ng isang buong term sa sobrang dami ng ginagawa namin bawat araw. Parang wala na nga akong inisip kada araw kundi 'yung mga deadlines na kailangan kong gawin... ni wala na nga akong oras para sa sarili ko.
Buti na lang pala at uso ang sembreak sa school na pinasukan ko. Wala kasi ganun sa amin sa dati kong school... ang matatawag mo lang na sembreak eh 'yung tatlong araw na walang pasok noong Semana Santa.
Pero dito, mahaba-haba 'yung bakasyon kaya nakapagpahinga rin kami nang maayos mula sa pag-aaral. Halos tatlong linggo rin kaming naghabol ng tulog at pahinga na nawala nung mga panahong disoras na ng gabi na kami natutulog dahil sa pagrereview o paggawa ng project.
Wala naman talaga akong balak na lumabas ng bahay noong sembreak, pero kung saan-saang lugar nag-aya sila Patrick kaya hindi naman naging boring ang bakasyon ko.
Akalain niyo 'yun, napapayag nila sina Mama na pasamahin ako sa week-long trip nila sa Tagaytay?
Kahit ako hindi ko alam kung paano nila nagawa 'yun eh.
Tapos meron din kaming class project bago matapos 'yung nakaraang sem. Hindi ko na matandaan kung anong tawag dun sa ginawa namin pero parang talent week lang rin ng kahit anong school. Basta may kanya-kanya kaming ginawa: may sinalihang art competition si Bea at Christine, nagluto si Patrick at Angel para sa buong senior high community, may ginawang short film si Kate, at may pinuntahan kami ni Nathan na open-mic night.
Na-stress talaga ako nung linggong 'yun dahil sumabay 'yung mga event sa exams namin kaya kinailangan naming pagsabayin 'yung class project at ang individual exams namin sa bawat subject.
Nakakasalamuha ko na rin ang iba ko pang mga kaklase dahil may mga pagkakataon na by pair o by group binibigay ang mga assignment namin kaya napipilitan kaming magtulung-tulong sa trabaho.
Kaso mukhang hindi ko pa kabisado lahat ng mga pangalan nila dahil hindi naman kami masyadong nag-uusap sa loob ng classroom. Bumabalik rin naman kami kaagad sa kanya-kanya naming mga tropa pagkatapos naming magpasa ng assignment.
Si Nathan naman... mas nakilala ko pa siya dahil bukod sa hindi na siya lumipat ng upuan buong semester, araw-araw rin akong sumasabay sa kanila ni Patrick at Bea tuwing lunch. Tapos sumasabay rin ako sa kanya pag-uwi kapag wala silang practice ng badminton team.
Siguro at this point, kaya ko nang sabihin naging matalik na magkaibigan na kaming dalawa. Hindi ko alam kung ganun rin ang nararamdaman ni Nathan, pero para sa akin sobrang close na namin sa isa't isa.
Nung binalita ni Christine na muli nang binuksan 'yung cafeteria sa first floor ng building namin, pumunta kaagad kami nila Nathan at Angel sa cafeteria pagkatapos ng huling klase namin para subukan ang bago nilang menu.
Wala nang masyadong nakain sa loob dahil halos panay varsity players na lang ang nasa school ngayon, kaya solong-solo namin 'yung buong lugar. Pumuwesto kaming tatlo malapit sa aircon. Magkatabi kaming dalawa ni Nathan samantalang mag-isa namang nakaupo si Angel sa harapan namin.
"Pinalitan ba nila pati 'yung staff o dinagdagan lang nila 'yung budget?" tanong ko kay Nathan habang kumakain siya ng lechong kawali.
"Di ko alam..." Tinakpan ni Nathan ang kanyang bibig. "Basta ang sarap na nung lechong kawali nila ngayon, grabe..."
"Sa pagkakaalam ko, nag-hire sila ng dalawang additional chef," sagot ni Angel bago niya tinikman ang kanyang inorder na carrot cake. "Tsaka mukhang dinagdagan na rin nila 'yung budget. Dati walang cream cheese 'yung frosting na nilalagay nila sa carrot cake eh."
BINABASA MO ANG
Maginhawa Nights #TheWattys2022
RomanceSi Jerome Angelo Mendoza ay isang freelance musician na napadpad sa matao at busy na Maginhawa. Kalimitan mo siyang makikita na pakalat-kalat sa mga bar at restaurant, umaasang may makukuha siyang kahit kapiranggot na pera lamang tuwing kakanta siya...